ISAAC
Habang umiinom ng kape, nakatingin ako kay Rodney na nasa table na kaharap ng sa amin dito sa may dining hall.
Katabi niya si Bench dahil mismong sa pagkain, magkakatabi ang magkakapartners. Lalong pumapait ang kape ko habang pinapanuod kung paano niya kausapin si Bench na halata namang napipilitan lang tawanan ang mga corny niyang hirit.
Umagang-umaga, sira na agad ang buong araw ko.
I became suspicious of Rodney. Noon pa naman, actually. Unang araw pa lang namin dito sa resort, hindi na magamda ang kutob ko sa kanya. Tumindi lang simula noong nakaraang linggo.
Madalas ko siyang nakikitang may kausap sa cellphone niya. Madalas din akong nakikinig nang palihim. Alam kong hindi 'yon normal na usapan lang. I always hear the words pictures and money. Bukod roon, wala na akong maintindihan dahil tanging si Rodney lang naman ang naririnig ko.
Ang alam ko lang, nagbebenta siya ng pictures. Kung anong pictures 'yon, hindi ko alam exactly. Gusto kong paniwalain ang sarili kong he was just referring to his artworks, na baka 'yon ang ibinebenta niya, pero hindi talaga, eh. You know what's pushing me more to be suspicious of him? Iyong minsang narinig ko siyang sabihing muntik na siyang mahuli sa ginagawa.
That's why I know, may marumi siyang ginagawa at hindi na ako makapaghintay na malaman kung ano 'yon.
Nawaglit lang ang mga mata ko mula sa table nina Rodney at Bench nang marinig magsalita ang katabi kong si Amir.
"Babalik muna ako sa kwarto." Tumayo na siya mula sa kinauupuan. "Didiretso na lang ako sa meeting hall mamaya," dagdag niya.
Tinanguan ko lang siya pero bago siya tuluyang makaalis, hindi nakaligtas sa akin ang maputla niyang itsura. "Okay ka lang, Amir?"
Seryoso niya akong binalingan ng tingin. Malamlam ang mga mata niya at mukhang inaantok. Siguro ay dahil sa puyat. Naabutan ko kasi siyang gising pa kaninang ala-una ng madaling araw at inaatupag ang animation project namin. Kahit ang sabi ko, makapaghihintay naman 'yon kinabukasan.
"Okay lang ako," simpleng sagot niya bago nag-iwas muli ng tingin sa akin.
Hindi na ako sumagot pa at hinayaan na lang siyang umalis at lumabas ng dining hall. Isang oras pa naman bago ang pagpunta namin sa meeting hall. Siguro ay iidlip muna siya.
Mabilis gumaan ang loob ko kay Amir sa loob lang ng dalawang linggong pagtatrabaho namin sa animation project. Siguro ay dahil na rin madalas ay tahimik lang siya at focused sa ginagawa. Hindi na rin ako nakakaramdam ng inis sa kanya. Minsan lang kapag aabutan siya ng topak at magsusungit. Tinanggap ko nang gano'n na talaga siya. Masungit.
Most of the time, kung hindi kami nasa meeting hall o sa kwarto habang gumagawa ng animation project, hindi naman kami nag-uusap. Kahit pa sabihing okay na kami at pilit ko nang iniintindi si Amir kung ano siya bilang kaklase at tao, nahihirapan pa rin akong kausapin siya nang normal.
Sa katunayan, mas madali nga para sa akin na kausapin si Bench—na crush ko—kaysa sa kanya.
And speaking of Bench, palagi kaming aksidenteng nagkikita sa may dalampasigan sa nagdaang dalawang linggo. Tuwing gabi, naroon siya dala ang tablet niya't nagdo-drawing. Ako naman, madalas niyang maabutan na nakaupo sa buhangin tuwing hapon kapag palubog na ang araw. We had small talks that turned into long conversations. Hindi ko nga namalayan ang sarili kong sinasadya nang pumunta sa may dalampasigan ng gano'ng oras para lang makita at makausap siya.
Sa loob ng tatlong linggo lang rito sa resort, pakiramdam ko, ang laki na ng improvement naming dalawa sa isa't isa. From what felt like us being strangers in the same class to us being friends. Parang kailan lang rin noong pakiramdam ko, ang hirap-hirap niyang abutin. Akala ko, hindi na darating 'yong pagkakataong hindi ko na siya pagmamasdan lang sa malayo para hangaan. Now, parang ang lapit-lapit ko na sa kanya.
BINABASA MO ANG
A Dark Cloud's Bright Side [Completed]
RomanceKung si Isaac De Jesus ang tatanungin, kung hindi rin lang ang kaklaseng si Bench Nelson ang magiging partner niya sa animation project nila, kahit sino na lang...huwag lang si Amir Evans. Date Started: April 22, 2024 Date Finished: May 31, 2024