Chapter 14

634 39 6
                                    

ISAAC

After lights out, naghintay muna kami ni Amir ng kalahating oras bago lumabas ng kwarto at pumuslit palabas ng resort. 

Kinakabahan ako noong una. Akala ko kasi ay mahuhuli kami. Hindi man ni Mr. Cunanan, ng mga staff naman ng resort. Sigurado kasing malalagot kami ‘pag nagkataon. Baka hindi lang minus points ang makuha naming parusa, automatic bagsak na agad sa subject niya.  Luckily, wala namang nakakita sa aming dalawa at matagumpay kaming nakalabas ng resort. 

Sa likod kami ng resort dumaan. Iyon kasi ang hindi gaanong puntahan ng mga tao. Wala ring nagbabantay. Kung mayroon man, sa sobrang ingat namin ni Amir kanina, siguradong hindi kami napansin. 

Sa parehong taong nirentahan niya ng bangka noong isang linggo, humiram siya ng motor. May bayad ‘yon at hanggang mamayang alas cinco lang ng madaling araw. Gagamitin daw kasi ng may-ari. Kaya dapat bago sumapit ang oras na ‘yon, nakabalik na kami. 

Wala rin naman akong balak magtagal sa labas. Ang usapan namin ni Amir kanina, babalik rin kami bago mag-alas-dose ng hatinggabi. Kapag lumagpas doon, iiwan ko na siya dala ang motor. 

“Kumapit ka r’yan kung ayaw mong matangay. Mabilis ako magpatakbo,” sabi ni Amir nang paandarin na ang motor paalis ng resort. “Huwag kang kakapit sa akin, ha? May kiliti ako sa bewang at balikat,” bilin niya as if naman ay gagawin ko ‘yon. 

“Asa ka naman. Okay na ako rito sa kinakapitan ko, ‘no. Kahit paliparin mo pa ‘tong motor, okay lang.” Tumawa lang sa akin si Amir habang patuloy sa pagmamaneho. Mahigpit akong kumapit sa likurang bahagi ng motor. “Saan na tayo pupunta ngayon?” tanong ko. 

“Dadaan muna tayo ng convenience store. Bibili tayo ng alak. Wala na rin akong sigarilyo, eh.” Tinanguan ko lang siya kahit hindi niya makikita. “Tapos, pupunta na tayo sa lugar na sinasabi ko sa ‘yo kanina,” dagdag niya. 

Hindi sinabi ni Amir kung saang lugar ‘yon mismo. Ang sabi niya lang, hindi ‘yon gaanong malayo sa resort. Mga ten minutes drive lang daw gamit ang motor. Nakita raw niya ‘yon sa internet kaya gusto niyang puntahan. Gusto niyang ma-surpresa ako pagdating doon kaya wala siyang binigay na kahit anong clue. 

“Okay.”

Sa loob ng limang minuto, wala sa amin ang nagsalita habang nasa biyahe. Pareho naming ine-enjoy lang ang bawat madaraanang lugar. Kung hindi dagat, mga puno naman ang nasa magkabilang gilid ng kalsada. Maliwanag ang daan dahil sa mga poste ng ilaw kaya hindi nakakatakot bumiyahe ng ganitong oras. Idagdag pa ang liwanag ng buwan. Malamig rin ang bawat paghampas ng hangin. Masarap ‘yon sa pakiramdam tuwing mahinang tatama sa open-face helmet at sa balat. 

Nang makarating kami sa convenience store, si Amir na lang ang pinapasok ko sa loob at naghintay na lang ako sa labas. Alak at sigarilyo lang naman ang bibilhin niya sa loob kaya hindi ko na siya sinamahan.

Habang nakasandal sa motor naming nakaparada sa labas, a group of men approached me. Tatlong matatangkad at maskuladong mga lalakeng burdado ang mga katawan. Kung pagbabasehan ang mga itsura nila, palagay ko ay nasa edad trenta na ang mga ito pataas. Mukhang mga tambay lang ang mga ito na taga-rito dahil halata sa mga suot nilang damit. 

“Sa ‘yo ba ‘yang motor na ‘yan, boy?” tanong ng lalakeng nasa gitna. Humithit ito ng sigarilyo at pagkatapos, ibinuga sa akin dahilan para mapaubo ako. Nagtawanan ‘yong dalawang kasama niya. “Hoy, tinatanong kita!” 

Hindi ako makapagsalita. Patuloy pa rin ako sa pag-ubo. Maraming usok ang nalanghap ko dahil sa ginawa ng lalake. Gusto ko siyang palagan dahil sa inis na nararamdaman. Kaya lang, naisip ko, tatlo sila at isa lang ako. Ako ang talo kung gagawin ko ‘yon. 

A Dark Cloud's Bright Side [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon