Chapter 12

33 9 23
                                    


Hating-Gabi

[Mature Content Warning: This chapter includes explicit material. Reader discretion is advised.]


HINDI AKO GUMALAW. Kumakabog ang dibdib ko sa pag-iisip na may nakakita sa 'min. Ngunit sa dilim na ito, imposible naman 'yon, depende na lang kung may night vision sila.

Patayo na si Gabriel para suriin ang pinagmulan ng tunog. Gusto ko siyang hilahin, ayokong maiwan dito. Kaya tumayo na rin ako at hinawakan ko ang bato. Hindi ko ba maririnig ang iniisip ng kung sino ang papalapit sa amin?

"Co hali ka, ligtas na," tawag ni Gabriel. Mula sa puno ng macopa, bumaba ako sa maliit na burol at sinundan ang boses ni Gabriel.

Narinig ko ang halinghing nila bago ko sila nakita. Sina Uly at Mix, ang mga kabayo lang pala na sinakyan namin kaninang umaga. Hinahaplos ni Gabriel ang kanilang kiling at napasapo na lang ako sa aking noo dahil para sa wala lang pala ang takot ko.

"Anong oras na kaya?" tanong ko. Lumalalim na ang gabi at mataas na ang buwan. Nahimasmasan ako kanina pero bumabalik na ang pagkahilo ko.

Iniwan namin ang ibang mga gamit gaya ng basket, kumot, at simot nang bote ng Tennessee Whiskey. "Ako na ang magliligpit niyan," wika ni Gabriel. "Ang mahalaga makauwi ka na, baka hinahanap ka na sa inyo."

Sumang-ayon na lang ako sa kaniya sa pagtango nang matamlay. Kinuha ko lang ang vest ko at inilagay sa bulsa nito ang itim na bato.

Iisang kabayo na lang ang sinakyan namin, si Uly, 'yong puti, ngunit sumusunod ata sa amin ang isa, si Mix. Kumapit ako sa baywang ni Gabriel at isinandal ang mukha ko sa likod niya.

His back smelled of musk and a hint of sea breeze. Buti na lang napakaliwanag na ng buwan kaya't mapagkakamalan mong umaga ang kagubatan. Hindi kami nahirapang makita ang daan ngunit nakatulog siguro ako dahil napakadali naming nakarating sa una naming tagpuan.

Pinakawalan na ni Gabriel ang mga kabayo at naglakad na kami papunta sa bahay.

"Ikaw, hindi ka ba hahanapin sa inyo?" tanong ko pagtawid namin ng kahoy na tulay. "Pano ka uuwi?" dagdag ko.

"'Wag kang mag-alala sa'kin, makakauwi ako mag-isa."

Paalis na sana ako ngunit naramdaman ko ang kurot sa tagiliran ko na walang iba kundi si Gabriel ang may gawa. Humarap ako sa kaniya.

"Hindi ko natanong sayo 'to pero bakit palagi mo akong kinukurot 'pag umuuwi ako?"

"Wala lang." Napakapit siya sa batok niya. "Para tumagal yung pakiramdam mo na kasama mo ako."

Uminit ang pisngi ko at napadungaw paibaba. Nagkahiwalayan kami ng tingin at ngumiti. Tinaas niya naman ang baba ko at pinaunlakan niya ako ng huling halik.

Natikman ko ulit ang malambot niyang labi na nagpalutang sa 'kin sa ere. Humagikhik ako marahil sa mga paru-parong kumikiliti sa tiyan ko. Tumawa naman nang marahan si Gabriel at inilapat ang noo niya sa akin.

Bago siya bumalik sa kabila ng tulay, kumaway siya ng paalam at kumaway rin ako pabalik. Paglamon sa kaniya ng kagubatan, niyakap ko ang sarili ko, inaalala ang mga nangyari. Ilang beses niya namang kinagat ang labi ko, hinawakan ang katawan ko. Sapat na kaya yun para hindi ko siya hanap-hanapin?

Hindi. Kulang na kulang.

NAPAKALUPIT NG MGA KULIGLIG na bumibingi sa tenga ko. Tuyong-tuyo na ang lalamunan ko at lumalabo ang paningin ko. Inayos ko ang paglakad ko pagpasok ng gate. Tumayo ako nang matuwid at sinampal ko ang mga pisngi kong namamanhid pa rin. Isinantabi ko na ang nararamdaman kong basa sa kili-kili ko at pagkahilo. Kaya ko 'to.

Meet Me HalfwayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon