Prologue

112 17 4
                                    

SA UNANG TINGIN, hindi mo aakalain na ang isang lugar pala'y may tinatagong ganda. Hindi mo iisipin na ang mga simpleng bagay pala'y may angking hiwaga. Samakatuwid, hindi ko inaasahan na matatagpuan ko ang isa sa mga misteryong bumabalot sa ating mundo rito sa isla ng San Gabriel.

Nagsimula ito nang may misteryosong lalaking nagtanong sa aking, "Masama ba ang araw mo?"

Hindi ko alam kung nahalata niya ito sa maasim na ekspresyon ng aking mukha o sa walang humpay na pagtapon ko ng bato. At nang hindi ko siya binigyang-pansin, inulit niya ang tanong niya sa Ingles na parang gusto niya akong i-impress.

"Bad day, huh?"

Kung hindi ako nagkakamali, sinunggaban ko lang siya ng masamang tingin dahil napakasama naman talaga ng araw na iyon. Nakasandal siya sa punong malapit sa'kin at nakahalukipkip ang dalawa niyang braso sa ilalim ng kaniyang dibdib. Tinaas niya nang kaunti ang kaniyang kamay para kumaway ngunit hindi pa rin ako kumibo. Naturuan naman ako nung bata na huwag kumausap ng hindi ko kilala.

Subalit katulad ng lugar na iyon, sa unang tingin, isa lamang siyang normal na binata. Ngunit habang tumatagal, unti-unti na akong naghihinala na may kung anong elementong bumabalot sa lalaking ito.

"Dahan-dahan naman baka may matamaan kang hindi mo nakikita," babala niya nang magbato ulit ako.

Nagkibit-balikat lang ako sa sinabi niya dahil kapag ganitong galit ako, wala akong pakialam sa mundo o sa mga taong nasa paligid ko. Mas gusto kong magpakalayo-layo dahil minsan may nasasabi pa ako na hindi ko gusto.

Tila nabasa niya naman ang iniisip ko dahil tsaka siya lumapit at umupo sa tabi ko.

"Kung gusto mo ng makakausap, nandito ako." Tinuro niya ang sarili niya gamit ang kanyang hinlalaki. "Magkuwento ka lang, makikinig ako."

Tinignan ko ang kaniyang mga mata. Kinikilatis kung ano ba talagang pakay niya. Pero doon palang siguro nagsimula nang magkatotoo, ang mga bagay na minsan ko lang inasam sa buhay ko.

Meet Me HalfwayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon