Chapter 17

6 3 0
                                    


Gising

AMBIGAT NG ULO KO. Pilit kong minumulat ang mga mata ko ngunit para itong naka-ipit. Napahawak ako sa noo ko at pilit na bumangon ngunit mistulang may nakabaon naman na pako sa ulo ko.

Noong nasa elementarya pa ako, nabilad kami sa init habang nagfaflag ceremony. Tuyong-tuyo ang labi ko at lagatak ang pawis ko noong araw na iyon. Nakatingala ako sa araw, sinusubukang inumin ang tubig sa hangin. Doon unang dumugo ang ilong ko.

Natatandaan ko pa ang pagkataranta ng mga guro at kaklase ko. At habang itinatakbo nila ako sa klinik, naririnig ko na lang ang koro ng pagsabi nila ng, "Dahan-dahan."

"Dahan-dahan, Co." Narinig ko ang boses ni Gabriel bago ko siya nakita. Papalapit siya sa akin at nagpanatag agad sa 'kin ang imahe niya. Nawala ang sipit at pako na nagpapabaon sa akin at tuluyan akong nakaupo.

Binuhat niya ba ako papunta rito? Nasa isang kama ako at napakaraming kalat sa sahig. Naramdaman ko na parang gumagalaw ang lupa. Hindi ko pa ma-process ang nangyari pero mukhang alam ko na kung nasaan ako. Nasa loob ako ng — ng isang yate?

"Asan tayo?" tanong ko kay Gabriel. Tumabi siya sa akin at sinabing, "Nasa bahay ko."

Lumunok ako ng laway. Hindi nga siya nagbibiro nang sinabi niya noon na nakatira siya sa isang yate. Ngunit mukha na itong luma at napakamakalat. Langhap ko ang amoy ng matandang kahoy at alikabok na nagpakati ng ilong ko.

Iginala ko ang mata ko sa loob ng kubakob nito. Nakasabit ang mga maninipis na agiw sa mga sulok-sulok. Hindi nakikita ang sahig nito bagkus nakakalat ang mga damit, balat ng chichirya, at mga libro na nakahandusay kung saan-saan.

May mga nakatiwangwang na drawer at aparador sa mga haligi. Dahil nasanay na akong maglinis sa bahay, nagkaroon ako ng kagustuhang linisin ito. May piano naman na maliit sa tapat ng kama kung saan kami nakaupo. Natatakpan din ito ng mga kalat at lumang damit. Tumutugtog pa kaya ito? tanong ko sa sarili ko.

Isa lamang yan sa mga tanong sa isip ko. Napakaraming tanong na bumabagabag sa akin, paligoy-ligoy, na parang hindi nito alam kung saan ang pupuntahan.

Anong nangyari? Paano ako napunta rito? Bakit dumugo ang ilong ko? Ano ang mga nakita kong pangitain noong humawak ako sa bato?

Ibinaling ko ang atensyon ko sa piano. Sa kaliwang tabi nito, nakatiwangwang ang isang aparador. May mga nakasampay rito na damit na hindi ko pa nakikitang naisuot ni Gabriel. Sa kanan naman ng piano ay may tukador na naglalaman ng alak. Bigla akong nauhaw.

"Pwede pa kaya 'yan?" tanong ko na kay Gabriel.

"Isa lang ang paraan para malaman," tugon niya at pilyong ngumiti.

"Joke lang." Hinila ko siya nang umamba siyang kukuha ng isang bote. "Baka lalong sumakit ang ulo ko."

"Kumusta na ang pakiramdam mo, Co?" tanong ni Gabriel.

Sinapo ko ang noo ko. "Okay naman na, may konting hilo lang."

"Mas mainam na wag ka nang lumapit sa bato."

"Bakit naman?"

Lumunok si Gabriel nang mabagal. His Adam's apple rose and dropped. "Baka mapananganib na ito sa'yo."

"Hindi!" giit ko sa mataas na tono at umiling. "Hindi, nangyari naman na sa 'kin dati ito — na dumugo ang ilong ko."

Naninimbang ang tingin sa akin ni Gabriel. "Sa susunod na mawalan ng bisa 'yang batong hawak mo, ako na mismo ang magbibigay sa 'yo."

Napaisip ako. "Bakit naman magiging mapanganib ang bato sa akin?" tanong ko.

"Basta," pinal na sagot ni Gabriel.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Aug 22 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Meet Me HalfwayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon