Chapter 15

22 6 11
                                    


Takipsilim


MASIGLA ANG ARAW NANG NAGPASYA kaming pumunta ng dagat ni Gabriel. Madalas nakikisama ito sa mga lakad namin. Ngunit nasobrahan ata ito sa init ngayon kaya't mas lalo akong ginanahang magtampisaw sa tubig.

Naghanda na ako ng mga dadalhin, ang kumot, ang mga pinggan, at basket na may lamang pagkain. Kanin lang at tubig ang dinala ko dahil manghuhuli raw ng isda si Gabriel at iyon ang uulamin namin.

Sa kalsada na kami nagkita para maghintay ng tora-tora. Nakasuot siya ng pulang damit na wala ring manggas at shorts na maong. Ako naman ay nakapolo na hawaiian at nakashorts na de-butones.

Wala pang ilang minuto may umalingawngaw nang tora-tora. Kagaya noon, pinauna ako ni Gabriel na sumakay at sumunod siya. Mas malawak ngayon ang loob dahil mas kumportable at nagkasya kaming dalawa. Hinawakan ni Gabriel ang hita ko at sumandal naman ako sa balikat niya.

Pakiramdam ko, isa iyon sa mga palaging hahanap-hanapin ko.

Malayo-layo rin ang napuntahan namin. Bumaba kami sa daanan na lubak-lubak ang lupa kaya kailangan na naming maglakad.

"Diretso lang ang daan patungo sa dagat," saad ng driver bago umalis.

Habang naiwan kaming bilad sa araw, lumingon sa'kin si Gabriel.

"Unahan tayo," sabi niya at kumaripas ng takbo. "Mahuli pangit!"

"Andaya mo talaga!" sigaw ko na may ngiti sa labi at sumunod naman sa kaniya.

Hindi nalalayo si Gabriel dahil binabagalan niya pa nga ata ang pagtakbo para manatiling maliit ang distansya namin. Hindi naglaon, naamoy ko na ang alat ng dagat at narinig ko na ang hampas ng alon sa dalampasigan.

Hingal na hingal ako habang nakayuko at nakahawak sa tuhod pagdating sa pangpang. Naka-upo naman si Gabriel sa buhangin at nasa lilong ng puno ng niyog. Doon namin inilatag ang kumot at inilapag ang aming mga kagamitan. Pagkatapos, naghubad na ng damit si Gabriel at agarang tumakbo sa tubig.

Hinawi ko ang buhok ko sa init at iginala ang mga mata ko sa dagat. Walang ibang tao rito kundi kami lang. Napakapayapa. Nakakakalma ang pagdila ng alon sa puting buhangin at nakakaantok ang maalinsangan na simoy ng hangin.

Nahihiya pa akong hubarin ang damit ko kaya lumusong ako sa tubig nang nakadamit. Pero nanaig ang pagkagusto ko na maramdaman ang tubig sa balat ko. At dahil kumportable na rin ako kay Gabriel, unti-unti kong inalis ang butones ng polo ko.

"Lumalaki na ang katawan mo, Co," sambit ni Gabriel nang nakita niya ako.

"S-syempre nag-wowork out na kaya ako." Pinigilan kong ngumiti at bumaling ng tingin. Ibinola ko na lang ang damit ko sa kamay para hindi tangayin ng alon.

Kung alam niya lang kung anong iniimagine ko tuwing nag-eexercise ako—sa bawat hingal at ngalay ng aking bisig. At tuwing kumakain naman ako'y ginagaya ko siya sa pagkamatakaw niya. Kaya siguro madali akong nagkalaman

"Hindi mo naman kailangan baguhin ang sarili mo," ani Gabriel.

Nanatili akong nakatingin sa tubig. Parang nababasa niya ang isip ko eh hindi naman ako nakahawak sa itim na bato.

Lumapit si Gabriel sa 'kin at iniangat ang mukha ko. "Gusto kita, Co, kahit maging ano ka pa."

Hinila no'n ang puso ko. Hindi pa siya nagpatinag at sinabing, "Palagi ka namang maganda sa paningin ko."

Kasunod nito ay isang halik na daig pa ang mainit na araw sa pagtuliro sa akin.

Kumawala ako sa kaniya at winisikan siya ng tubig dahil baka mawalan na ako ng malay. "Mambobola ka naman eh!" kantyaw ko.

Meet Me HalfwayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon