Miyerkules | Ika-5 ng Hunyo, 2024 | 5:01 PM
Hindi ko alam kung ano ang mas mahirap: ang mabuhay nang maikli ngunit minamahal nang tama, o ang mabuhay nang matagal ngunit puro naman pagdurusa.
Nakatayo ako sa harap ng iyong kabaong habang pinagluluksa ka nilang lahat.Ito na ang pinaka-masayang araw ng buhay ko.
Sa magkasunod na pagkamatay ni Lolo at Lola mula sa nagdaang pandemya, siguro'y narinig nila ang hinaing ng aking puso na isama ka na nila sa kabilang dako-- hindi dahil mami-miss ka nila, kundi dahil nais nilang ipakita sa akin na sobra nila akong minamahal.
Maluha-luha kong pinagmasdan ang iyong mga labi, nakakadiri, ilang beses iyang dumampi sa mga maseselang bahagi ng aking murang katawan noon. At ang mga braso mong malakas.. kayang kaya akong buhatin niyan patungo sa kwarto pagkatapos mo akong paliguan.
At ang iyong mga kamay, ang mga palad mo na mariin mong itinatakip sa aking mga bibig upang hindi ako makagawa ng ingay kapag binababoy mo ang aking pagkatao at nilalason ang aking isipan sa kung ano man ang ginagawa mo sa akin.
Nanggigigil ako. Gusto kitang sakalin ngunit hindi pupwedeng makita ng mga tao sa paligid ko.Kada tanghali noon, kada uuwi ka galing sa iskwela. Habang ako ay tahimik na naglalaro ng aking manika sa sala nila Lola, noon ay pilit mo akong papaliguan kahit na hindi naman ako marungis.
Minsa'y kapag walang pasok at ako ang naiiwang tulog sa kwarto nila Lola dahil maaga silang umaalis para pumunta sa palengke at itinda ang kanyang mga napitas na mangga mula sa bakuran, papasok ka sa kwarto at magigising akong pinaglalaruan mo ang katawan ko.Ipinagkatiwala ako nila Mama sa kanila upang makipagsapalaran sa siyudad.. hindi nila akalain na sinamantala mo ang tiwalang iyon.
May isang pagkakataon na naalimpungatan ako na nakapatong ka, at tuwing naramdaman mong nagising ako, mabilis mong tinatakpan ng iyong kamay ang aking bibig. Hindi ko lubos maisip kung ano ang ginagawa mo, ang alam ko lang ay mabigat ka; ang hinihiling ko lang ay sana, matapos na.
Pagkatapos ng ilang sandali, iniwan mo akong basa ng malagkit na likido sa pagitan ng mga hita ko.
Minsan, kapag ako ay nagsi-siesta, ikaw rin ang gumigising sa akin dahil gusto mong maglaro tayo. Ang sabi mo, bahay-bahayan. At ginagawa natin ang gawain ng mga mag-asawa.
Ang tanging tanong ko pagkatapos natin maglaro, "Ginagawa ba nila Mama iyon? Ginagawa rin kaya iyon nila Lolo at Lola?", at palagi kang tumatango.
Mas nauna ko pang natutunan kung paano gumawa ng bata, kaysa sa pagbasa ng ABAKADA.Nasa ika-apat na baitang na ako nung nag-umpisang dumalang ang paglalaro natin.
Nagsisimula ko na ring maintindihan na mali ang laro na iyong itinuro sa akin. Kada uuwi ka sa bahay nila Lola ay kinakabahan ako na maiwan muling mag-isa; minsan ay nagdadala ka pa kasi ng barkada sa bahay nila, natatakot akong makalaro ko rin sila.
Nagdalaga ako at nagka-isip, may mga pagkakataong bigla mong hahawakan ang aking dibdib, ngunit wala akong magawa. Isinumbong kita kila Lola noong sinilipan mo ako sa banyo nung naliligo ako pero nagalit lang sila dahil nakakahiya raw sa tao.
Paulit-ulit nila akong tinatanong kung totoo ba ang sinabi ko.
Paulit ulit nilang sinasabi sa akin na, "Masama ang magsinungaling".
Ngunit hindi ba't masama rin ang iyong ginawa sa akin?
Nanginginig ang aking mga laman habang minamasdan kita. Sana ay huwag kang matahimik. Sana ay hindi ka mapunta sa langit. Sana ay magdusa ka rin diyan katulad ko.
Ang aking mga tito, tita at kanilang mga asawa ay tumatangis rin. Ang iyong mga barkada na dinadala mo sa bahay noon ay nandirito rin, nagkukwentuhan ng mga naiwan mong alaala.Naramdaman ko ang paghaplos ni Mama sa likuran ko habang pinapahid ko ang luha sa aking mga mata. Bumuhos ang aking mga emosyon at napahagulgol ako sa kanya noong niyakap niya ako ng mahigpit.
Sa lahat yata ng pagluluksa, ito ang pinakamasaya.
Alam ko na mahal ako nila Lola.
Ngunit gaano nga ba kahirap ang pumagitna sa dalawang taong mahal na mahal mo, hindi ba?Hindi ko alam kung ano ang mas mahirap: ang mabuhay nang maikli ngunit minamahal nang tama, o ang mabuhay nang matagal ngunit puro naman pagdurusa.
Hindi nila sinabi sa akin na mabuti kang tao, ngunit hindi din nila kinampihan ang mga paratang ko noon.
Hindi lang sila makapili.
At ngayon, siguro ay hindi sila mapayapa hangga't hindi nila naibibigay ang kalayaan sa akin, na nag-iisang apo nila.
Ang saya-saya ko, Tito. Nagagalak ang puso ko na pumanaw ka.