Nagising akong pawis na pawis at umiiyak sa kalaliman ng gabi. Naalala ko na naman ang aksidenteng naging dahilan ng pagkawala ng lalakeng minahal ko sa loob ng limang taon. Magpapakasal na dapat kami kung hindi lang siya namatay sa pagkakabangga ng sasakyan niya. Magkasama kami nuon, at hanggang ngayon ay malinaw pa din sa akin ang lahat.
Dinala ako ng mga paa ko sa tulay papunta sa kabilang bayan. Walang takot akong lumakad dito, tanaw- tanaw ang mabato at mahabang ilog sa ilalim.
"Bakit kailangan kong masaktan nang ganito?" sigaw ko, na para bang naririnig niya ako. "Bakit kailangang mawala ka sa'kin?"
Umaagos ang luha ko habang isinisigaw ko ang mga katagang iyon. Ang mga katagang dumudurog sa buong pagkatao ko. Ang mga tanong na kailan man ay tila hindi na magkakaroon ng kasagutan.
Nagsimulang pumatak ang ulan. Tumingin ako sa langit. Umiiyak ka ba, mahal? Gusto mo bang samahan kita diyan?
"Huwag kang tatalon."
Isang lalaki ang nakita kong nakatabi sa akin.
"Sino ka?" tanong ko.
"Ako si Paul." sagot niya.
Hindi ko maintindihan ang sarili ko. Sa unang pagtama pa lamang ng mga mata namin ay kakaiba ang naging epekto nito sa akin. Para bang kumakalma ang pagkatao ko nung narinig ko ang boses niya.
"Bakit ka nandito?"
"Madalas din ako dito. Itinatanong ko din dito ang mga isinigaw mo kanina."
"Sinagot ka ba?"
"Oo. Pero hindi kaagad." ngumiti siya sa akin. "Gusto mong pumunta sa bayan?"
"Sige."
May kung anong bagay ang nagtulak sa akin para sumagot ng mga salitang iyon.
Magmula noon ay gabi- gabi akong pumupunta sa tulay. Lagi siyang naghihintay para sa akin. Tuwing nagkikita kami doon ay mauupo lang kami sa tulay at magkukwentuhan.
"Bakit iniwan mo siya?" tanong ko sa kanya isang gabi.
"Ayoko namang gawin iyon; kinailangan kong protektahan siya. Kailangan kong mamili."
"Hindi kita maintindihan."
"Kahit ako, hindi ko din maintindihan."
"Bakit kailangan ninyong mang- iwan nang ganun- ganun lang?" tanong ko. "Hindi niyo ba alam kung gaano kasakit ang mawalan? Ang maiwan?"
Nagbuntung- hininga siya.
"Alam ko." sagot niya sa akin. "Alam ko kung gaano kasakit, dahil ganun din ang nararamdaman ko ngayon."
"Mahirap mabuhay sa mga alaala.."
"Kailangan mong maintindihan, hindi ko ginusto ito. Walang may gustong mawalay sa taong minamahal niya. Pero may mga bagay na kahit gustuhin natin, hindi natin kayang kontrolin. Ang tanging magagawa na lang natin ay pakawalan ang mga alaalang sumasakal sa atin. Dahil kung hindi, hihilahin tayo nito pababa. Masasakal tayo. Manghihina. Hindi tayo pupwedeng mabuhay na lamang sa alaalang tapos na."
Naluha ako sa mga sinabi niya. "Mahirap.."
"Ang buhay ng tao ay parang libro. Bawat pahina ay may istorya, at sa bawat pahinang iyon ay may magaganda at masasakit na alaala. Pero natatapos ang lahat, hindi ka makakabuo ng istorya kung walang katapusan ang libro mo. Kailangan mong tapusin, gaya ng mga alaalang nagawa mo sa bawat pahina, kailangan mong pakawalan."
"Ibig sabihin, parehas tayong gumagawa ng sarili nating libro?"
"Siguro. Ikaw, nag- uumpisa ka pa lang. Pero ako, malapit nang makatapos. Hmm, siguro.. isang pahina na lang."
"Ano ang pangalan ng naiwan mo?"
"Paulin."
"Ang galing naman. Parehas pa kayo ng pangalan."
Ngumiti na lang siya sa sinabi kong iyon.
....
Kinabukasan ay sinubukan kong libangin ang sarili ko. Kumain ako sa isang restawran na ibinida sa akin ng kaibigan ko. Maganda daw ang serbisyo at masarap ang pagkain doon kaya pinuntahan ko para masubukan.
Kasalukuyan akong kumakain nang napansin kong tinitingnan ako ng babaeng nasa katapat na mesa. Nginitian ko siya at ngumiti din siya sa akin. Nagpatuloy ako sa pagkain ko, pamaya- maya ay nakita kong nakatayo na siya sa tabi ko.
"Pwede ba akong makiupo dito?" tanong niya.
Tumango lang ako kaya umupo na din siya.
"Pwede ba kitang makausap?" tanong niya. "Itatanong ko lang kasi kung Sienna ang pangalan mo."
"Paano mo nalaman ang pangalan ko?"
"Sinabi sa akin ni Mark kahapon.."
Napahinto ako sa pagkain nung narinig ko ang pangalan niya.
"Lagi kaming magkausap, ikinuwento ka niya sa akin. Nalulungkot siya dahil naiwan ka niya at nasaktan. Pero.." yumuko siya at ipinakita sa akin ang isang litrato. Ang litrato namin ni Mark bago kami maaksidente. "Kailangan daw niyang mamili. Ayaw daw niyang isama ka dahil marami pa daw ang naghihintay sa iyo, ayaw daw niyang maging makasarili. Sana daw ay maintindihan mo siya. Mahal na mahal ka daw niya, at sana daw patawarin mo siya kung nasaktan ka niya." sabi niya.
Nagtuluy- tuloy ang mga luha sa mata ko habang pinagmamasdan ko ang litrato. Ang saya namin doon. Parehas kaming nakangiti, punung- puno ng pagmamahalan ang huling oras na iyon na nasa larawan. Hindi namin alam na iyon na din pala ang huling pagkakataon na makikita at makakasama ko siya.
"Paano mo siya nakausap? Isa't kalahating buwan na siyang patay.."
Napalitan ng pagkabigla ang mukha niya.
"P- patay na siya?" hindi makapaniwalang tanong niya sa akin.
"Oo. Kaya nagtataka ako kung paano mo siya nakakausap. Teka, ano nga ba'ng pangalan mo?" sabi ko. Tumingin ako sa kanya. Nakauniporme siya, siguro'y estudyante siya ng narsing dahil may name plate na nakakabit sa blusa niya.
At pati ako ay nagulat nang mabasa ko ang pangalan niya.
"Paulin." nanghihinang sabi ko. "Ikaw ang naiwan ni Paul?"
Umangat ang ulo niya. "Kilala mo siya?"
"Oo, nagkakausap kami tuwing gabi."
"Pero.."
Napatayo ako nang mapagtanto ko ang mga nalaman ko. Tumakbo ako nang mabilis papunta sa tulay at nakita ko si Paul, kumakaway. May ngiti sa mga labi niya ngunit may luha sa mga mata niya. Hindi ako makapagsalita. Nakatingin lang ako sa kanya habang unti- unti siyang nawawala sa paningin ko.
"Pakawalan mo na din ang libro niya." nagulat ako nang marinig ko ang boses ni Paulin sa tabi ko. "Pakawalan mo na ang huling apatnapung pahina niya."
"Pinakawalan mo na din ba ang sa inyo ni Paul?"
Ngumiti siya.
"Oo."
Niyakap ko siya, nagbuntung- hininga ako at bumulong sa hangin. "Paalam, Mark. Mula ngayon, pinapakawalan ko na ang libro mo. I'm letting our story go."
***
END~