He Didn't Cheat

1 0 0
                                    

Ang sabi nila, kapag nagmahal ka, dapat ay ihanda mo ang sarili mo na mahalin ang iba't ibang tao sa iisang katauhan.

Maraming bersyon ng pagkatao, iba't ibang uri ng ugali at magkakaibang klase ng sakit ang kailangan mong lunukin mula sa taong minahal mo.

Maraming beses na pagpapatawad, sangkatutak na pagpapasensya, at walang katapusang pang-unawa ang dapat na baunin mo.


"Malakas ang buhos ng ulan, hindi mo man lang ako hinanap?"

Katahimikan.


Ngunit, saan nga ba natatapos ito?

Kapag ba umalis tayo sa buhay ng mga mahal natin, ibig sabihin din ba noon ay dala rin natin ang ating pagmamahal sa kanila?

Kapag ba iniiwan natin ang mga taong minsan nating minahal, ay iniiwan natin sila upang bumalik sa umpisa?


"Wala kang pakinabang, isa kang malaking tiga-abang lang."

Katahimikan.


Marahil ay hindi.

Marahil ay oo.

Sa pagtapak natin sa bagong umaga, ang tanging hiling ko ay ingatan mo ang mga alaala noong minsan ay nagkatagpo sa gitna ang mga bersyon ng ating mga sarili.

Mga bersyon ng pagkatao na walang ibang ninais kundi ang makasama ang isa't isa.


"Mas mabuti pang magloko ka na lang kaysa ikinukulong mo ako dito sa relasyong hindi naman nakikita ang halaga ko!"

Katahimikan.


Marahil ay may makilala ang panibagong bersyon mo ng kapareho nito, ngunit huwag mo sanang kalimutan na minsan, minsan sa buhay natin, mula taóng dalawanlibo at labimpito hanggang sa paglipas ng pahina ng ating libro sa kasalukuyan, ay may ako— na nagmahal, nag-alaga, nagpatawad at umunawa sa iyo nang buong buo, higit pa sa sarili ko.

Sana ay dalhin mo lamang ang masasayang segundo at iwanan ang pait dala ng pagbabago ng panahon.

Sana, ang mga mapait na sandali ay iwanan na natin sa nakaraan, at huwag maulit sa mga susunod mong makikilala. Naiintindihan kita, ito ay tipikal sa isang taong naglilipat ng letra sa libro ng kanyang tadhana.


"Magaling ka lang sa umpisa!"

Katahimikan.


Salamat sa pagpapalaya.

Salamat, dahil sa pagtapak mo sa bagong istorya, ipinadama mo sa akin na dapat mahalin ko muna ang aking sarili, bago ang iba.

Salamat, dahil minsan mong pinadama ang pakiramdam ng minamahal nang walang kaagaw. Minahal mo ako at tinanggap sa kabila ng mga kakulangan ko.

Pero sa paglipas ng panahon, sa pagdaan ng mga hindi pagkakaintindihan, unti-unti na ring naglaho ang pagmamahal mo.

Hindi ba't ang laman ng puso ay siyang ibinubulalas ng bibig?


"Kahit saan ka pa makarating, wala akong pakialam!"

"Hindi ka man lang ba nag-aalala? Dis-oras na ng gabi.. madilim at wala na akong masasakyan."

"Tawagan mo sana ako, hindi ko alam ang gagawin ko."

"Bakit palagi mo akong ginaganito?"

"Bakit ganyan ka na?"

"Ano na naman ba ang ginawa kong mali?"

"Wala, wala na akong pakialam sa'yo!"

"Kakaiba kang mag-isip, hindi na kita maintindihan!"

Katahimikan.

Katahimikan.

Katahimikan.



Doon ko napagtanto ang lahat.

Hindi mo ako niloko, ngunit ang kapalit nito ay habangbuhay na pait; sa sobrang sakit, nalilito na ako kung dapat ba'ng ito na lang ang hiniling ko.

Mas nakikita mo na ang kakulangan ko, kaysa sa mga kaya kong ibigay.

Hindi ka nagloko, pero gabi-gabi kong tinatanong ang aking sarili kung ano ba ang halaga ko.

Hindi ka nagloko, ngunit nararamdaman ko na sa relasyon ito, mag-isa na lang ako.

Mas napapansin mo na ang kapangitan sa aking pagkatao, kaysa alalahanin kung bakit mo ako minahal.

Naging mas marami na ang mga gabing hinahayaan mo akong makatulog nang basa ang unan dahil sa mga luhang iniyak ko sa tuwing may hindi pagkakaintindihan.

Naging mas madalas ko nang nararamdaman na wala ka sa tabi ko, kaysa sa mga araw at gabi na nakakatulog ako sa bisig mo.

Mas matalim na ang mga salitang namumutawi sa iyong bibig; ang iyong yakap na panangga ko sa pait ng mundo, hindi ko na rin maramdaman.

Akala ko ay kasama kitang bumuo ng maraming pangarap.. ngayon ay kailangan ko nang bumitaw dahil kapag nanatili ay ikaw rin ang sisira ng mga pangarap nating binuo.

Tama, mahal, hindi ka nagloko, ako lang ang mahal mo, ngunit sa pagmamahal na ito, unti-unting naubos ang pagmamahal ko sa sarili ko at naibuhos ko lahat sa iyo.

Kaya patawad, kailangan kong umalis.

Ngunit isa lang ang aking maipapangako..

Na hindi kita iiwan dahil lang wala na akong pagmamahal.


Iniibig kita, ngunit kung ang pag-ibig na ito ang papaslang sa bersyon ng ating sarili, mga pagkatao na dapat ay maganda, dapat ay masaya, dapat ay puno ng pag-asa, mas mabuti sigurong lumaya na.

Aalis ako dahil kailangan ko nang mahalin ang aking sarili.

Kailangan kong bigyan ng pagkakataon ang ating mga bersyon na makawala sa galit, at alingawngaw ng sigawan, batuhan, at matatalim na salita.

Kailangan kong maranasan ulit na matulog nang may ngiti sa labi, hindi humihikbi, hindi kinu-kwestiyon ang sarili kung saan ba ako nagkulang; marahil ay hindi nga nagkulang, marahil ay sumobra sa pagmamahal.

Ang aking puso ay maiiwan sa iyo—buo, nananatili, puro.

Dalhin mo sa pakikibaka sa panibago mong mundo.

Dalhin mo upang magpaalala sa iyo na minsan ay natuto tayong magmahal, magpatawad at magpalaya.

Dalhin mo upang gumaling ang sugat sa iyong pagkatao, Mahal. Hindi masamang mahalin ang sarili, hindi masamang magmahal muli.

One ShotsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon