Limang taon, Lila. Limang taon.
Nanginginig ang mga tuhod ko habang papalapit sa iyo. Mag- uumaga na, lasing ako pero pinilit kong pumunta rito para lang makita ka nung nalaman ko ang nangyari sa iyo. Lumapit ako, dahan- dahan, nangangapa ng dapat maramdaman dahil sa totoo lang, hindi ko pa rin magawang maniwala.
Mahimbing ang tulog mo sa puting kama sa loob ng ICU. Marami sa iyong nakasaksak na aparato at may semento ang paa at leeg mo. Puro ka rin gasgas sa mukha, braso, at binti.
Lila..
Pinagmasdan ko ang maamo mong mukha. Ang mukhang nagpaamo sa gago kong puso. Ang mukhang kahit anghel ay mapapamura kapag pinagmasdan iyon. Simula nung makita kitang nagbabasa sa library ng unibersidad na pinapasukan natin dati, noon ko napagtanto sa sarili ko na ikaw na ang gusto kong makasama habang buhay.
Mahal, gumising ka na. Gusto ko nang makita ang mga mata mo. Gusto ko nang malunod ulit sa mga matang iyan.
Simula nung una kitang makita,lagi akong nagbabakasakali na nandoon ka pa rin sa library na iyon. At sa panglimang araw mula noon, nagkaroon ako ng lakas ng loob na kausapin ka.
"P- pwedeng makiupo?" Bahagya akong yumuko para makuha ang atensyon mo. Napukaw ka sa pagbabasa at nakakunot ang noong tumingala sa akin. Iyon ang unang pagkakataong naubos ang hangin sa dibdib ko dahil sa mga mata mo.
"E di maupo ka." Masungit mong sabi. Sa totoo lang, mahal, imbes na mapahiya ako sa sarili ko dahil sa sagot mong iyon, natuwa pa ako sa'yo. Ang cute mo kasing magsungit.
Pagkaupo ko, maingat kong inilapag ang isang pulang libro at binuksan iyon. Pero hindi iyon ang ipinunta ko. Ni wala nga akong interes sa pagbabasa. Musika ng hilig ko. At ikaw. Alam mo yan, Lila.
"Maganda 'yang librong iyan." Napalingon ako sa iyo noon nung mahina kang nagsalita. Natulala ako nung makita kitang nakangiti sa akin. Iyon ang unang pagkakataon na nagkaroon tayo ng usapan. Hindi ko makakalimutan ang oras na iyon. Alas diyes ng umaga, Nobyembre 7.
Ngumiti ako habang inaalala ang mga iyon. Doon nagsimula ang lahat, hindi ba, Lila? Nalaman mong Paul ang pangalan ko. Hanggang sa naging magkaibigan tayo. Ipinakita mo sa akin ang mundo mo at ipinakilala rin kita sa musika ko. Ipinakita mo sa akin kung bakit ka mahalaga.
Isinama kita sa lumang garahe na pinageensayuhan ko at ipinakilala kita sa aking mga kaibigan. Pinanood mo kaming tumugtog at sinabi mo pang malaki ang potensyal naming sumikat. Ang sabi mo pa, sana balang araw ay igawa rin kita ng kanta.
Naging madalas tayong magkasama noon, hindi ba? Kung hindi tayo nagbabasa sa library ay pinapanuod mo kaming mag ensayo. Minsan pa nga kitang tinuruang tumugtog ng gitara. Nagkatinginan tayo no'n. Nahawakan ko nang mas matagal ang kamay mo at narinig ko rin ang nagwawala kong puso sa loob ng dibdib ko.
Isang taon rin ang pagkakaibigang iyon. Palagi kang nakasuporta sa akin kapag tumutugtog kami sa maliliit na kasiyahan sa mga bars. Hindi rin ako nawawala kapag may mga quiz bee at contests kang sinasalihan.
Hanggang sa hindi ko na napigilan ang sarili ko. Nagtapat ako sa iyo. Iyon na yata ang pinakamahabang tatlong minuto ng buhay ko. Sobrang saya ko nung sinabi mong mahal mo rin ako. Sobra. Naiyak pa nga ako sa harapan mo nun. Pagkatapos, ibinigay mo sa akin ang unang halik ko.
Halos hindi ko akalaing aabot tayo sa ganito. Mahal na mahal kita. Kulang ang salitang iyon para ilarawan kung gaano kita kamahal, kasi sa sobrang pagmamahal ko sa'yo, kahit buhay ko ibibigay ko para lang sumaya ka.
Napakasarap isipin, mahal. Pero bakit kailangang mangyari ito sa atin?
Dumating ang oras sa akin nung pagkatapos ng panglimang anniversary natin. Nagkaroon ng break ang banda at dumagsa ang mga gig at projects. Nagkaroon na rin kami ng albums at mga music videos at sa sobrang pagkalula ko sa matatayog na pangarap ko, nawalan ako ng oras sa'yo.
Dumalas ang mga pag- aaway natin. Nagawa kitang sigawan at itaboy dahil lang naiinis ako sa pangungulit mo. Nasasakal ako sa atensyon mo. Naiistorbo ako kapag tumatawag ka kapag nageensayo kami. Naiirita ako kapag nagpupumilit ka sa oras ko, dahil nasa pangarap ko lang ang atensyon ko.
Isang araw, ibinalita mo sa akin na tinawagan ka ng pinag- apply- an mong publishing firm. Pangarap mo kasing makagawa ng isang libro. Ang sabi mo pa, gusto mong kasama ako para tingnan kung natanggap ang ipinasa mong manuscript.
Pero tinanggihan kita dahil may salu- salo kami ng mga kabanda ko nung araw na iyon. Umiyak ka pa nga, pero ang sabi ko, ang kulit- kulit mo. Pwede mo namang ipasa iyan nang wala ako. Wala namang mawawala. Pero nagmakaawa ka. Tumanggi pa rin ako. Hanggang sa sumuko ka, at pinagbigyan ako.
Nasa kasagsagan ako ng kasiyahan at pagkalasing nung tumawag ka. Hinihintay mo pa rin pala ako. Umaasa ka pa rin na magbabago ang isip ko.
Sa pangatlong pagkakataon, tumanggi ako. Ang sabi mo, pupuntahan mo na lang ako. Nahalata mo kasi sa boses ko na marami na akong naiinom. Susunduin mo ako para hindi na ako magmaneho nang lasing pauwi. Alam mo kasing hindi ako nakakapag- drive nang maayos kapag lasing ako. Ang sabi mo pa, gusto mo akong makita. Hindi ko pinansin ang alok mo dahil alam kong may pupuntahan ka at alam kong malaking bagay ang pangarap mong iyon.
Mahal, patawad.
Akala ko kasi, hindi ka tutuloy. Akala ko, didiretso ka sa publishing firm para tuparin din ang pangarap mo.
Pero isinantabi mo pala iyon lahat, Lila. Iniwan mo ang pangarap mo para lang masiguradong ligtas akong makakauwi. Isinantabi mo ang pangarap na halos dalawampu't dalawang taon mong inasam- asam para lang sa akin. Hindi ko naisip iyon. Hindi ko inasahang mangyayari iyon. Naging makasarili ako.
Mahal na mahal kita. Alam ko sa sarili ko iyon, Lila. Pero kasalanan ko, dahil hinayaan kong malunod ako sa pansamantalang kasikatan. Kung alam ko lang na sa ganito hahantong ang lahat, sana, nanatili na lang akong lunod sa mga mata mo. Sana ganun na lang. Sana hindi na lang ako umahon sa alaala ng mga titig mo. Sana pinahalagahan ko ang pagmamahalan na mayroon tayo. Sana inisip kita. Sana. Sana.
Kasalanan ko kung bakit ka napahamak, mahal. Dahil sa kapabayaan ko kaya ka nasaksak ng mga lalakeng iyon habang sinusubukan mo akong tawagan dahil nasiraan ka ng sasakyan sa kahabaan ng liblib na parte ng daan papunta sa akin. Kasalanan ko dahil hindi ko napansin ang mga tawag mo sa akin noon. Nagpakasaya ako, hindi man lang kita naisip.
Kaya gumising ka na, mahal. Gumising ka na. Gusto kong humingi ng tawad sa iyo. Sa pagkakataong ito, handa akong iwanan lahat para sa iyo. Hindi ko kakayanin na mawala ka sa akin. Kahit araw- araw mo akong kulitin, kahit palagi kitang samahan sa kahit anong lakad, sasamahan kita. Kahit anong hilingin mo, ibibigay ko, sumaya ka lang. Kasi mahal na mahal kita. Mawawalan ako ng saysay kapag hindi kita kasama. Mahal, patawarin mo ako. Pakiusap, gumising ka na.
Ilang segundo ang lumipas at dahan- dahan ka ngang dumilat. Tumingin ka sa paligid, marahil ay nagtataka ka kung bakit ka nandito. Sa wakas, nakita ko na rin ulit ang mga mata mo. Handa na akong malunod ulit sa mga matang iyan, Lila.
Mahal, tumingin ka naman sa akin. Luluhod ako para lang mapatawad mo. Kahit ano, gagawin ko. Sabihin mo lang.
Hindi mo pa rin ako tinitingnan.
Niyakap kita, pero ni hindi ka umimik.
Nanatili akong nakayakap sa iyo. Hindi ka gumagalaw at yumayakap pabalik. Mahal, galit ka ba sa'kin? Sorry na. Patawarin mo na ako.
Pumasok ang mga magulang mo sa loob ng kwarto at tumayo ako nang maayos para sana kausapin sila pero gaya mo, hindi nila ako pinansin. Alam kong malaki ang posibilidad na magalit sila sa akin, tulad mo. Kaya nanahimik na lang ako sa isang tabi at pinanood kayo. Umiiyak sila, mahal.
Lalapit sana ako para aluin sila at humingi ng tawad sa mga nangyari pero napahinto ako sa paghakbang nung magsalita ka.
"N- nasaan.. nasaan si Paul, Ma?"
------
(c) ShynTheGreat