Sa isang dampa na ang sahig ay kawayan, nakaupo ako sa bangkito sa pagitan ng kwarto at banyo at tinitingnan ko siyang papalapit sa akin mula sa salas. Mahina na siya, wala na ang kanyang matipunong katawan at ang kanyang mala anghel na kagwapuhan ay natakpan na ng mga guhit ng katandaan.
Dahan- dahan siyang lumalapit sa akin. At gaya ng una naming pagkakakilala ay naalala ko ang lahat ng aming pinagdaanan, mula sa umpisa.
"Ala'y bakit ka kumukuha ng tabo?" nababahalang tanong ko sa kanya.
"Papaliguan na kita. Parine, maligo ka na."
Nakarating na siya sa banyo na katabi lamang ng kwarto naming walang pinto at pader, papag lamang at pinagtagping mga tela at kawayan ang bumubuo ng kwarto at banyo.
Pinaliguan niya ako. Pinagmasdan ko lamang siya habang ginagawa iyon. Nakakamanghang isipin, dati rati ay nahihiya pa siyang hawakan ang mga bahagi ng aking katawan, natatakot na baka malaman ng aking amang sundalo ng giyera.
"Bakit ba ika'y titig na titig sa akin ah?" tanong niya.
"Wala. A'y natatawa lamang ako, dati'y ayaw mong dampian lamang ng iyong daliri ang aking balat e." sa aking puntong natural na Batanggeño ay sambit ko sa kanya.
Tumawa siya nang mahina.
"Para kang nagdadalagang dilag. Kaytanda mo na ay, iyan pa ang naiisip mo. Ang matandang ire.." at nagpatuloy siya sa pagpapaligo sa akin.
Nakakamanghang balik- balikan ang aming istorya. Mula sa una naming pagkikita hanggang sa aming pagtatanan. Mula sa aming unang anak, na ngayon ay nasa Amerika. Sa aming pangalawa, na nasa Japan. At sa aming pangatlo, pang- apat, panglima, at pang- anim, na pawang nasa Maynila. May kani- kaniyang buhay, bumubuo ng kani- kanilang istorya. Nakakalungkot lang dahil matapos namin silang palakihin ay para bang hindi na nila kami mapagtuunan ng kahit isang araw man lang nung nagkaroon sila ng trabaho, mga anak, at asawa.
Ngunit pasasaan ba at uuwi din sila. Maaalala nila kami, lalo na ako.. pamaya- maya.
Ayaw ko mang isipin ay hindi ako nakaligtas sa lungkot na bumalot sa aking puso.
Binihisan na niya ako. Matapos bihisan ay binuhat niya ako papunta sa papag na katapat ng banyo at inihiga ako roon. Kinumutan ang kalahati ng aking katawan, at ibinukas ang bintanang pawid na nasa kanang panig ko. Lumitaw ang liwanag at pumasok ang hangin sa loob ng bahay.
Tumabi siya sa akin at humilig ako sa kaniyang braso.
"Kaya mo na ba?" tanong ko.
Alam na namin parehas ang kahulugan ng aking binitawang mga salita. May lungkot na ngayon ang kanyang mga mata, ngunit pinalis iyon ng kaniyang ngiti. May kirot sa damdamin ang kaniyang naging sagot sa akin.
"Hindi ko lubos mapaniwalaang.. nandito na tayo." sambit niya habang nakatitig sa aking mga mata.
"Huwag kang mag- alala, magkikita rin tayo. Pasasaan ba't susundan mo rin ako." at ako'y tumawa. Tawa na may kahalong lungkot at pait dahil nararamdaman kong unti- unti nang nauubos ang aking lakas.
Nadaanan ng sinag ng liwanag ang kaniyang mukha at may tila kristal sa kaniyang mga mata. Pinahid ko iyon at ngumiti ako sa kaniya.
"Hihintayin kita roon, pangga."
May sumikdong sakit sa aking dibdib. Napayuko ako sa nadamang kirot at ininda ko iyon. Sa huling pagkakataon, lumaban ako hanggang sa abot ng aking makakaya.
"Iniibig kita.." sinsero ang kaniyang pagkakasabi noon, dama ko ang kaniyang damdamin. Inihaplos niya ang kaniyang kaliwang kamay sa aking pisngi, pinawi ang luhang tumulo nang hindi ko man lang namalayan.
"Iniibig kita."
Hinagkan niya ang aking mga mata. At sa aking pagpikit ay ang aking pagsuko sa gapos ng panahon, sa kaniyang yakap ay lumaya ang aking damdamin.. sa kaniyang pag- ibig na aming ipinaglaban hanggang sa dulo.
Pangga, hihintayin kita.
* * *