Ako ang biktima, ngunit ako rin ang may- sala.
Ibinaba ko ang aking pulang maleta sa tapat ng mansyon. Mula sa labas ay tanaw ko ang silid kung saan naganap ang lahat—ang nakaraang pilit na nagkulong sa akin sa isang napakahabang bangungot. Ang buong akala ko ay pagtakas ang susi upang makawala mula roon, ngunit nagkamali ako. Kinailangan ko pala itong labanan. Kasama ang aking maleta na saksi sa lahat, pumunta akong muli sa lugar na iyon...
"Pinatay mo siya! Pinatay mo siya! Napakasama mo, isa kang demonyo!"
Nahihintakutang itinuro ko siya at buong lakas na sinigawan habang nakatayo siya sa loob ng aking madilim na kwarto. Napaupo ako dahil sa takot kung kaya't pinilit kong umatras papunta sa gilid ng aking kama. Mistula siyang halimaw na handang sumugod sa akin, ngunit kahit na balὀt ng takot ay nanaig ang galit sa aking dibdib, lalo na na'ng tumawa siya nang mas malakas, habang dahan- dahang lumalapit sa akin.
"Huwag kang lalapit!" kinapa ko ang aking baril sa loob ng tokador na kinasasandalan ko. "Alam ko ang pangalan mo!" sigaw ko, lihim na humihiling na sana ay masindak ko siya upang lumayo na siya sa akin.
Ngunit hindi siya natinag, imbes ay lalo pa niyang binilisan ang kanyang mga hakbang patungo sa akin. Itinaas ko ang hawak kong baril, hinanap ang gatilyo at nanginginig kong itinutok sa kanya ito.
"AAAAAAHHH!!"
Kasabay ng nakakabinging tunog ay isang malaking liwanag ang sunod kong nakita. Humahangos na pumasok si Matilde sa aking silid. Tumakbo siya sa akin at mahigpit akong niyakap habang kinukuha ang baril mula sa aking mga kamay.
"Huwag mong kunin ito, Matilde! Lumayo ka sa kanya! Lumayo ka kay Maria! Sasaktan niya tayo!" nangangatal ang mga labing sambit ko. "Mamamatay- tao siya!"
"Lumabas na tayo rito, Anna," mahinahong sabi niya pagkatapos ay bumaling siya sa mga lalaking naka- uniporme na nakatayo sa labas ng pinto. "Ano pa'ng hinihintay ninyo? Linisin n'yo na 'tong salamin na nabasag dito."
Itinayo niya ako at inakay papunta sa kabilang kwarto. Gustuhin ko mang tumanggi ay hindi ko rin nagawa, lalo pa na'ng sinabi niya na hindi ko na raw makikita ang halimaw na nakita ko sa aking silid kanina. Sana nga'y huwag na niya akong habulin pa.
"Hindi ba't sinabi ko sa inyo'ng huwag ninyong hayaang makapasok siya sa kwartong iyon?!"
Lalo kong idinikit ang aking tenga sa pintuan ng kwarto. Rinig ko mula dito ang galit na bulyaw ng isa pang halimaw. Marahil ay pinapagalitan na naman niya ang mga lalaking naka- uniporme kanina.
"Sandali lamang akong nawala, napabayaan niyo na naman si Anna!"
Nagpakawala ako ng isang malalim na buntong- hininga. Galit na naman si Papá.
Pamaya- maya ay narinig ko ang kanyang mga yabag papunta sa akin kung kaya't dali- dali akong tumakbo sa aking kama at nagtalukbong ng kumot.
"Anna, anak.." tawag niya nang buksan niya ang pinto at lumapit sa akin.
"Umalis ka dito, baka saktan mo rin ako tulad ng ginawa mo kay Mama," pagtataboy ko sa kanya. "Alis!"
"Anak, patawarin mo sana ako sa gagawin ko. Dati ko dapat ito ginawa, patawad."
"Hindi kita mapapatawad. Kagaya ka din ni Maria. Mamamatay- tao!" usal ko.
Klik, klak, klik, klak. Narinig ko ang paghakbang niya palapit sa akin. Pabilis ito nang pabilis. Klik klak klikklakklikklakklikklakklikklak..
"Hahh!" napasinghap ako nang marahas niyang tinanggal ang kumot na nakabalot sa akin. Bumungad sa akin ang kanyang nakakatakot na mukha—mukha ng isang halimaw!