Uno

917 27 2
                                    


Ang kwento ng pag-iibigan namin ni Elena ay masasabi nang luma at karaniwan nang pinapalabas sa telebisyon sa panahon ngayon.


Langit siya, putikan ako.


Nagsimulang magtagpo ang aming mga landas nang iligtas ko siya mula sa pagkakahulog sa kabayong mabilis na tumatakbo. Ramdam ko pa noon ang kanyang panginginig at takot. Nang mahimasmasan na siya mula sa pag-iyak ay nakita ko siyang ngumiti ng ubod ng tamis. Sa sandaling iyon ay biglang tumigil ang tibok ng aking puso. Hindi ko maintindihan kung bakit pero alam ko, iyon ay isang magandang pangitain. Nagpasalamat siya sa akin at nangakong magagantimpalaan sa aking nagawa. Siya pala ang anak ni Don Leandro na galing pa sa Maynila at nagbabakasyon lamang sa hasyendang pagmamay-ari ng kanilang pamilya kung saan ako ay nagtatrabaho.


Simula noon ay naging malapit na kami sa isa't-isa. Lagi siyang bumibisita sa kuwadra at minsan pa'y namamasyal kami sa tabing ilog kung saan matatagpuan ang isang malaki at mataas na talon. Habang lumilipas ang mga araw ay unti-unting nahuhulog ang aking loob kay Elena. Hindi katagalan ay nagtapat ako ng aking pag-ibig para sa kanya at humingi ng permiso upang siya'y ligawan. Bagay na hindi nagustuhan ni Don Leandro. Ipinatawag ako ng Don at binalaang layuan ko ang kanyang anak kung ayaw kong mapahamak ang buo kong pamilya. Natakot ako sa maaari niyang gawin ngunit hindi ako nagpatinag.


Kinagabihan niyon ay niyaya kong magtanan si Elena. Walang pag aalinlangang sumakay kami ng barko patungo sa karatig bayan. Nang makarating doon ay ipinasya naming sumakay muli sa isa pang barko papunta sa kabilang isla. Doon na kami nanirahan at lihim na nagpakasal. Alam namin na sa mga panahong iyon ay galit na galit sa amin ang Don at sa sapantaha ko'y hindi ito titigil sa paghahanap sa amin ng aking asawa. Kaya para hindi kami matunton ay ipinasya naming magpalipat lipat ng tirahan hanggang sa makarating kami sa bayan ng Sta. Cruz.


Payak lamang ang pamumuhay namin doon ni Elena ngunit ni minsan ay hindi ko siya narinig na magreklamo. Napakabuti niyang babae at maybahay. Ramdam ko ang pagmamahal niya sa akin kahit wala akong kakayahang ibigay ang buhay na kanyang nakasanayan. Magkasama naming hinarap ang mga pagsubok ng buhay mag-asawa. Wala na siguro akong mahihiling pa kundi ang mabuo na ang pangarap naming pamilya.


Isang anak.


Nang magpatingin kami sa doktor ay napag alaman naming walang kakayahang mabuhay ang isang sanggol sa sinapupunan ni Elena. Hindi na kami magkakaroon ng anak, kahit kailan. Simula nang araw na iyon ay hindi ko na makita ang saya sa mukha ng aking asawa. Gabi-gabi kong naririnig ang kanyang paghihinagpis at ang paghingi ng kapatawaran habang ako'y nahihimbing. Hindi ko na kaya pang makita ang aking asawa sa ganoong kalagayan kaya't manghihingi na ako ng tulong sa isang albularyo. Alam kong walang kasiguraduhan ang aking gagawin ngunit para kay Elena ay gagawa ako ng paraan. 


Patungo na ako sa isang albularyo na nakatira sa bayan nang marinig ko ang ilang kababaihan na nag uusap tungkol sa isang mahiwagang gubat na tinatawag na Isinumpang gubat. Matatagpuan iyon sa ilalim ng kaisa isang gubat sa baryo na iyon. Dito sa gubat na ito, naninirahan ang mga iba't ibang klaseng nilalang kabilang na ang diwatang tinatawag na Fayette.


Iyon daw ang tawag sa mga maliliit na diwatang nagtataglay ng kulay pulang mga mata, mahahabang mga tainga na mas mahaba pa  tainga ng isang dwende at isang maliit na sungay sa gitna ng kanilang noo. Sila raw ang mga diwatang hindi mo matatawag na kabigha bighani. Mayroon silang mga pakpak na hindi rin kagandahan at nakakakilabot na mga tinig na tulad sa mga paniki. Lumalabas raw ang mga ito tuwing ika-dalawampu't siyam ng Pebrero. Sa pagitan ng alas dos ng madaling araw hanggang alas tres.

Formosa Magico: ErisaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon