Ocho

377 21 5
                                    


Napalunok ako nang makitang masama ang tingin sa amin ni Leya. Nagulat na nga lang ako nang hilahin ako ni Gahaman papunta sa likuran niya. Isang bagay na hindi ko inaasahang gagawin niya.


"Paanong.."


Biglang tumigil si Gahaman sa pagsasalita. Napansin ko na lang na tila nanigas siya sa kanyang kinatatayuan. Nang hawakan ko ang braso niya ay sobrang tigas ng kalamnan niya na parang sa isang bato.


Anong nangyayari sa kanya? Ginamitan ba siya ng kapangyarihan ng aswang na ito?


"Pangahas na nilalang!"


Dahan dahang pumasok si Leya sa maliit na kweba. Ang lakas ng tibok ng puso ko habang papalapit siya sa amin. Kasabay ng pagbigat ng hangin sa loob ng kweba ay ramdam ko sa bawat paghakbang niya ang galit at pagkayamot dahil marahil sa ginawa ni Gahaman sa kanya. Para bang biglang lumiit ang lugar na ito para sa aming tatlo.


Maging ang mga Istelya ay mabilis na lumipad papunta sa pwesto namin at nagtago sa aming likuran. Ang naging resulta, hindi na masyadong maliwanag sa kabuuan ng kweba. Ang liwanag na ibinibigay ng mga Istelya ay naging malamlam na siyang nagpadagdag sa tensiyon sa paligid.


Nang makalapit na si Leya ay nakita kong itinaas niya ang daliri niya na may suot na mahabang kuko na gawa marahil sa ginto. Bumibigkas siya ng mga salitang hindi ko maunawaan. Pagkatapos ay nakita ko ang pagbuo ng isang maliit na liwanag sa kuko na iyon. Ikukumpas na sana niya ito sa direksyon ni Gahaman pero mabilis akong lumipat sa harapan ng huli.


"Umalis ka riyan Erisa!" Mahinahon ngunit may diin na utos niya. "Kailangang maparusahan ang mababang nilalang na iyan sa kapangahasan na kanyang ginawa sa isang punong mehiya!"


"Ayoko! Ako lang naman ang kailangan mo kaya huwag ka nang mandamay pa ng iba" Malakas ang loob na sigaw ko sa kanya kahit pa halos dalawang metro lang ang layo niya sa amin. "Kailangan ba talagang gamitan mo pa ako ng dahas para lang ako sumama sa iyo? Ganyan ba talaga kasama ang ginagawa niyo sa mga taong walang lakas para labanan kayo?"


Hindi siya sumagot bagkus ay nakipagtitigan siya sa akin. Nang pagmasdan kong mabuti ang kanyang mata ay nakakita ako ng dalawang maliliit na kulay asul na bilog sa loob ng mga iyon. Ngayon ko lamang iyon napansin dahil kakulay iyon ng asul nitong mga mata at mas maliit ang mga iyon nang di hamak keysa sa maliliit na bilog sa mata ni Gahaman. Hindi mo iyon mapapansin kung hindi mo iyon tititigan nang mabuti.


Mahabang katahimikan ang namagitan. Walang nagtatangkang bumasag sa tensiyon sa loob ng kweba. Pinagpapawisan na rin ako ng malagkit dahil sa sobrang kaba. Halos pinipigilan ko na rin ang paghinga para hindi mapansin ng aswang na ito ang takot ko. Kailangan kong maging matapang sa lahat ng mga nangyayari ngayon.


Nakita kong bumuntong hininga siya saka ibinaba ang kamay. "Hindi ko hinangad na katakutan mo ang isang mehiya." Umupo siya sa isang tabi habang hinihilot ang kanyang sentido.


Napakunot naman ang noo ko sa sinabi niya. Paano naman niya nalamang natatakot ako? Sinikap ko kayang galit lang ang makikita niya sa mukha ko.

Formosa Magico: ErisaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon