Cuatro

322 15 2
                                    

Malapit na kami ni Paloma sa bahay nila Linda pero hindi ko pa rin makalimutan ang aroganteng lalaking iyon. Gusto ko talagang manggalaiti sa galit dahil sa mga sinabi niya sa akin. Iniisip ba niyang maaari niya akong ibenta dahil sa kakaibang itsura ko?


"Ang kapal naman ng mukha niya!"


Pero aaminin ko, nasaktan talaga ako sa naisip niya na iyon. Akala ko kasi mabait rin siya dahil hindi niya ako pinandirihan o kinatakutan. Mas malala pa pala siya sa sinasabi ni tatay na mga mapanghusgang tao dahil isa siyang gahaman. Nakakalungkot isipin na mayroon pala talagang ganuong tao. Kapag pera talaga ang pinag-uusapan, kahit makasakit na'y pipiliin pa rin na magbulag-bulagan.


Humiga ako sa likod ni Paloma at yumakap sa kanyang leeg. "Bakit ba ganito ang mga tainga ko Paloma? Namana ko kaya ito kay Nanay? Ganito rin ba ang tainga ng nanay ko?"


Wala akong nakuhang sagot kay Paloma. Bagkus ay naramdaman kong huminto siya sa likod ng bahay nila Linda. Wala akong nagawa kundi bumuntong hininga at bumaba na. Sana nga lang at nandito siya ngayon sa kanila.


Kumatok ako roon at naghintay nang magbubukas ng pintuan. Ako lang kasi ang may alam ng tungkol sa likod bahay nila. Ang sabi ko kasi kay Manang Lydia dati, pumupuslit lang ako kay tatay tuwing pupunta sa bayan. Kung gusto niya akong magrasyon ng isda sa kanila'y dapat sa tagong lugar ko iyon iaabot. Nung una'y nanghinala pa si Manang Lydia at tila ayaw nang kumuha sa akin ng isda ngunit dahil sa tulong ni Linda ay pumayag rin ito sa huli.


Si Linda ang una kong naging kaibigan. Sa isang taon naming magkakilala'y naging napakabait niya sa akin. Mapagbigay siya at laging nandiyan tuwing binabarat ako ng nanay niya. Kaya sa tingin ko'y mas mainam na sa kanya muna ako magpunta, makakuha man lang ng lakas ng loob.


Buti na lang nagmana siya sa tatay niyang si Mang Nilo.


"Erisa?"


Binuksan ni Linda ang pinto at mabilis niya akong pinapasok.


"Akala ko, mamayang hapon ka pa makakapunta rito."


Ngumiti ako ng tipid sa kanya ngunit hindi ako nagkomento.


"May problema ka ba? Bakit ang tamlay mo ngayon?"


"May itatanong sana ako sa iyo Linda pero pwede ba sa kwarto mo na lang tayo mag-usap?"


Tumango siya saka kami pumasok sa kwarto niya. Dahil araw-araw akong nagrarasyon ng isda sa kanila ay ilang beses na rin akong nakapasok sa silid niya tuwing nandirito siya sa kanilang bahay. Simple lang ang silid ni Linda ngunit napakaayos at napakabango. Wala akong makitang nakakalat na bagay roon. Parang kahit umupo sa kama niya ay nahihiya pa rin ako.


"Anong problema Erisa?"


Bumuntong hininga ako saka naglabas ng saloobin sa kanya. Sinabi ko sa kanya ang narinig kong pag-uusap ni tatay at nung babae kahapon tungkol sa pagkakakuha raw sa akin ni tatay. Sinabi ko sa kanya ang takot ko na baka hindi ako tunay na anak ng tatay ko.

Formosa Magico: ErisaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon