Siete

354 19 2
                                    


Hindi ko maiwasang hindi tumingin sa kanyang mga matang kulay abo na may maliliit na pulang bilog sa gilid. Maangas iyon sa unang tingin. Aakalain mong palagi iyong naghahanap ng away. Ngunit nang mga sandaling iyon, tila may pag-aalala akong naaaninag doon.


"Mabuti na ba ang iyong lagay.. munting Fayette?" 


Nahihiyang lumayo ako sa kanya dahil medyo mahigpit na ang pagyakap na ginawa ko. Hindi ko lang matandaan kung bakit kami magkayakap. Ako ba ang unang yumakap o siya?


"Oo... salamat"


Narinig kong bumuntong hininga siya saka tuluyang lumayo sa akin. Nang libutin ko ng tingin ang buong paligid ay napansin kong nandito kami ngayon sa isang kwebang may lumulutang na ilaw. Napakunot ang noo ko nang mapagmasdan iyon, parang may kakaiba sa ilaw na ito.


"Istelya ang tawag sa kanila" narinig kong sabi niya.


Istelya? Hindi ba yan alitaptap?


Tinangka kong hawakan iyong istelya - "Aww!" mabilis akong napaupo at napahawak sa kamay ko. Narinig ko ang pagtawa ng malakas ng gahaman. "Hindi mo man lang ako binalaan." Ang hapdi, sobrang init nila. Hindi sila umaapoy, maliwanag lang talaga sila pero... ang init talaga.


"Hindi ka nanghingi ng pahintulot na sila ay iyong hahawakan"


Inirapan ko siya saka ko muling nilibot ng tingin ang buong paligid. Hawak ko pa rin ang kamay kong napaso, hinimas himas ko iyon ngunit lalo lamang siyang namula.


"Akin na ang iyong kamay"


Kinuha niya ang kamay ko saka niya nilabas ang isang kulay pulang tela. Binalot niya iyon doon. Maya-maya'y nakaramdam ako ng kakaibang lamig. Nang tanggalin niya ang tela ay wala na ang paso ko. Normal na ulit ang kulay niyon at hindi na masakit.


"Salamat" Hindi na ako nagtanong pa kung ano iyon, dahil halata na ang sagot. Isa iyong mahiwagang tela na may salompas. Hindi naman ako mangmang.


"Istelya ang tawag sa diwatang nagbibigay init at liwanag. Mahirap makakuha niyan, mainam at matalas na pamamaraan lamang ang kailangan upang makakuha ng kahit isa man niyan."


"Aahhhhh" iyon na lang ang nasabi ko, hindi ko kasi alam kung ano ang magandang sabihin.


"Bakit nga pala tayo nandito?" Ang natatandaan ko, nasira ang bahay namin, namumulot ako ng mga maaari pang gamitin nang sumulpot ang gahaman. Tapos ay dumating iyong tatlong aswang at natalo sila ng babaeng aswang na Leya ang pangalan. Sabi niya kinuha ang tatay ko at gusto niya akong isama. Tumangi ako kaya...pinana niya ako. 


Napasinghap ako nang maalala iyon saka ako napahimas sa paa. Nakita ko ang kulay dilaw na tela sa parte kung saan ako napana, na ngayon ko lamang napansin. Salompas rin kaya iyon?


"Huwag ka nang mangamba. Nalapatan ko na ng lunas ang iyong binti."


Formosa Magico: ErisaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon