Dos

403 16 2
                                    

Makalipas ng labing apat na taon.


"Ang laki mo!"


Mabilis kong kinuha ang isdang nahuli ko saka nilagay sa timbang dala ko. Siguradong matutuwa na naman nito si Manang Lydia at babayaran na naman ako ng malaki. Ang dami ko kayang nahuli, huwag lang niya akong babaratin. Aba, tiba-tiba siya dito no.


Buti na lang talaga at napilit ko si tatay na lumipat kami sa mas mababang bahagi ng bundok. Sakto pang malapit lang kami sa ilog na ito. Napakaraming isda rito, ang lalaki pa. Hindi nga lang halatang may nabubuhay pa palang isda rito. Sa kulay kasi ng ilog, aakalain mong wala nang nabubuhay kahit isang bulate man lang.


Muli akong umupo at naghintay muli ng isda na kakagat sa pain ko. Medyo napapaisip na rin ako.


Bakit kaya walang taong sumubok na mangisda rito? Bakit kaya walang tao sa parteng ito ng bundok? Bakit rin kaya hindi kami tumitira ni tatay sa maraming tao?


Lagi kong tinatanong si tatay kung bakit hindi na lang kami lumipat sa bayan para mas malawak yung napag-aaralan ko? Hindi yung dito lang ako sa maliit na paaralan namin sa bundok pumapasok. Masyado kasi kaming kakaunti rito at medyo nabibitin ako sa mga natututuan ko. Parang may kulang, hindi pa sapat sa akin ang mga iyon. Pero ang laging sagot sa akin?


"Delikado! Mas mainam nang dito ka mag-aral. Ayokong maraming makakita sa iyo! Ayokong mapahamak ka dahil sa mga tainga mo!"


Medyo O.A si tatay pero may point naman siya. Baka mapahamak nga ako kapag maraming makakita sa akin. Nagbabakasakali lang naman ako na baka magbago ang isip niya. Para di na ako patagong nagbebenta sa palengke at syempre, para di na ako patagong makikinig sa labas ng mga classroom sa paaralan doon.


Kinapa ko ang mga tainga ko. Buti na lang sunod sa galaw ang mga ito at pwede ko silang ibaluktot at itago sa bandanang ginagawa kong hair band sa ulo. Lagi akong nakaganito tuwing lumalabas ng bahay para walang makakita sa mga tainga ko.


Sa kasalukuyan ay nasa pitong pulgada na ang haba niyon. Manipis siya at malambot. Kakaiba rin ang kulay ng mga iyon. Ang sabi ni tatay nung bata pa ako, wala raw kakaiba sa mga iyon bukod sa mahaba talaga. Ngayon, nag-iiba na siya depende sa dalawang matinding emosyon.


Kapag nakakaramdam ako ng positibong pakiramdam, nagkukulay asul ang mga ito. Kapag nakakaramdam naman ako ng negatibong pakiramdam nagkukulay itim ang mga ito. Kapag normal lang bumabalik siya sa kulay ng balat ko.


Hindi ko maintindihan kung bakit ako kakaiba sa lahat. Minsan, naiisip ko, baka diwata yung nanay ko. Tapos sa kanya ako nagmana kasi ganito rin ang tainga niya!


Hahaha! Imahinasyon!


Nung minsang tanungin ko si tatay kung nasaan na ang nanay ko, sa una'y nalungkot siya, pagkatapos ay nainis na parang naiiyak. Ang sunod na sinabi niya ay "Wala! Patay na. Huwag mo na siyang hahanapin pa kahit na kailan"


Diba? Parang ampalaya siya.


Kaya hindi na ulit ako nagtanong pa. Hindi ko na rin kasi matandaan ang itsura ng nanay ko. Lahat kasi ng litrato niya, sinunog na daw ni tatay. Wala man lang tinira kahit isa!

Formosa Magico: ErisaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon