Seis

318 17 0
                                    



"Shalom Erisa... Ako si Leya. Ikinagagalak kitang makilala." yumukod ito sa kanya na parang nagbibigay galang. "Ako ang mehiya na nakatakdang magdala sa iyo sa Herea."


Sandali.. Ano daw?


Mali ba ako ng pagkakarinig sa sinabi niya?


"Pwede pong paki-ulit yung sinabi niyo ngayon lang?"


Nakita kong kumunot ang noo ng babae nang sagutin niya ang tanong ko. "Ako ang punong mehiya sa lupain ng Avalon. Ang aking pangalan ay Leya at kailangan na kitang ibalik sa Herea"


"Ako ibabalik ninyo?" Tinuro ko pa ang sarili ko. "Bakit naman ako sasama? Hindi po kita kilala at hindi ko rin po alam kung ano ba ang kailangan niyo sa akin para-" naputol ang sinasabi ko dahil nilagay ng gahaman ang kamay niya sa ulo saka bumulong.


"Mataas na uri ng mehiya ang iyong kausap. Magbigay galang ka man lamang sa kanya"


Inis na inalis ko ang mabaho niyang kamay sa ulo ko. "Huwag ka ngang epal!"


Saang banda ko ba binastos ng mehiya na ito? Maayos naman akong magtanong. May po naman sa bawat pangungusap na sinabi ko. Hindi rin naman ako sumisigaw kahit naiinis na ako. Hindi pa ba ako gumagalang sa lagay na iyon?


"Epal? Mukhang hindi maganda ang ibig sabihin ng salitang iyon.. munting Fayette"


Inirapan ko na lang siya saka muling humarap doon sa punong mehiya daw. "Hindi po ako sasama. Kailangan ko pong hintayin si tatay. Dapat pagbalik niya ay maaabutan niya ako rito. Ayokong mag-alala siya sa akin."


Nakita kong lalong naging seryoso ang mukha nung mehiya nang banggitin ko si tatay. Hindi ito agad nagsalita na tila may malalim na iniisip. Hindi ko tuloy maiwasan na hindi kabahan. Baka kunin niya ako ng sapilitan. Syempre, hindi ko siya kaya kasi may kapangyarihan siya. Ano bang laban namin ng tainga ko sa kanya. Diba?


"Nasa kamay na ni Griselda ang iyong ama."


"Ano po?"


"Sinalakay ng mga tauhan ni Griselda ang inyong tahanan at kinuha ang iyong ama. Muli lamang silang bumalik upang kunin ka. Kaya sumama ka na sa akin bago ka pa nila makita."


Napabuga ako ng hangin. Pinilit kong huwag umiyak sa harapan nilang dalawa. Wala sa loob ko na napaupo ako sa lupang katabi ng nasira naming bahay. Hindi ko alam ang gagawin at iisipin ko. Bakit nila kukunin si tatay? Dahil ba sa akin? Ako ba ang dahilan? Ano bang meron at parang nag-uunahan sila sa pagkuha sakin?


"Sumama ka na, Erisa!" matigas na sabi nung babae.


Ibinalik ko ang tingin sa kanya. Sinuri ko ang kanyang kabuuan. Kahit elegante ang mahabang asul na damit niya ay nakikita ko kung gaano siya kalakas. Siya ang tipo ng babaeng kaya makipagsabayan sa mga ligaw na hayop sa gubat. Humingi kaya ako ng tulong sa kanya para makuha ko ulit ang tatay ko? Papayag kaya siya?

Formosa Magico: ErisaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon