35

22.8K 1K 447
                                    

• 🏐 •

Ang tanging hiling ko lang ng mga panahon na iyon ay sana tumigil muna ang oras kahit sandali. Na sana bigyan ako ng panahon na makapag-isip. Na maipagluksa si tatay. Na hayaan ang sarili na makatakas sa lahat ng problema habang nakatigil ang mundo.

Pero sabi nga nila, kahit ano pang mangyari sa 'yo, masama man o maganda, ang mundo ay patuloy na iikot. Ang mga araw ay daraan. Ang mga panahon ay magbabago. Nasa sa 'yo kung magpapaagos ka o mananatili sa kahapon kahit pa umuusad ang lahat sa paligid mo.

At sa totoo lang, hindi ko na alam.

Para akong naeestatwa sa gitna ng magulong mundo na 'to.

Sobrang bagal para sa 'kin ng pagdaan ng mga araw kaya sobrang ramdam ko rin iyong sakit sa lahat ng nangyari sa 'min... sa 'kin.

Hindi ko alam kung magpapasalamat ba ako na pagkatapos ng kinokonsidera kong pinakamalaking trahedya ng buhay ko ay kahit paano ay naging tahimik kahit paano ang paligid ko.

Tahimik... pero alam mong hindi payapa.

Siguro kasi ay malayo kami sa Pilipinas. O baka dahil hindi masyadong nagsasalita si kuya tungkol sa kaso ni tatay. O siguro ay dahil sa tahimik na pagdadalamhati ng pamilya namin lalo na si nanay na madalas ko na lang makita na tulala at nakatingin sa kawalan sa bawat paglipas ng mga araw.

At ang tanging maingay na lang sa gitna ng katahimikan na hindi ko alam kung hanggang kailan magtatagal ay ang isip ko.

Sa totoo lang, natatakot na nga akong matulog. Kasi kada ipipikit ko ang mga mata ko ay naaalala ko pa rin ang nangyari sa dorm. Kaya sa bawat pagdilat ko rin kinaumagahan ay takot na takot ako at umiiyak. Paulit-ulit iyon. At nagsisimula na rin akong mapagod.

"Tahan na, Seb," bulong ko sa sarili dumaan na naman ang isang araw na napanaginipan ko ang gabing iyon.

Hindi ko na talaga alam. Nakakasawa nang patahanin ang sarili ko. Palagi ko na nga ring tinatanong kung araw-araw na lang bang ganito. Kung dapat na ba akong masanay. Kung habang buhay ko na lang ba na dadalhin ang nangyari sa 'kin.

Ayoko nang umiyak.

Pagod na ako.

Gusto ko na lang kalimutan ang lahat.

Pero paano ko gagawin iyon kung pakiramdam ko ay nandiyan lang sa paligid iyong demonyong iyon? Paano ako matatahimik kung hanggang ngayon ay ramdam ko pa rin iyong mahigpit niyang hawak at ang nakakapanindig balahibong bulong niya sa tenga ko? Kahit ilang beses kong sabihin sa sarili na ligtas naman na ako sa kaniya ay nando'n pa rin iyong kaba na baka bigla na lang siyang sumulpot sa harap ko at gawan ako ng hindi maganda.

At mas nakakatakot kapag naiisip kong habang buhay na lang din akong matatakot.

Naramdaman ko na iyon no'ng una pa lang. Iyong madalas niyang pagtingin sa 'kin. Iyong mga hawak niyang hindi ako komportable. At ang mga salita niyang alam mong may laman at pinapahiwatig.

Pero pinili kong balewalain ang lahat kasi hindi ko talaga naisip na gagawin niya iyon sa 'kin. Tinuring ko siyang isa sa mga pangalawang magulang ko habang nasa Maynila ako. Akala ko, gano'n lang talaga si Coach Greg. Pero hindi pala. Lahat ng pinakita niya sa 'kin ay mga kasinungalingan lang.

Pero siguro nga ay kasalanan ko rin kung bakit niya ginawa iyon.

Hinayaan ko siyang hawakan ako. May mga pagkakataon din na pinapakita kong wala lang sa 'kin kahit hindi na ako komportable. Siguro nga, may kasalanan din ako.

Pero si Kuya Harold... kasalanan din ba niya kung bakit ginawa ni Coach Greg iyon sa kaniya?

Isa iyon sa napakaraming tanong ko.

Jersey Number NineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon