Chapter 1

570 14 0
                                    

NGAYON ang dating niya... ani Gertrude sa isip nang imulat niya ang kanyang mga mata. Bumangon siya at iniligpit na ang pinaghigaan.

Panibagong araw na naman ang nadagdag sa kanyang buhay. Ngunit kakaiba ang araw na iyon. Tila may kakaibang sigla ang kanyang katawan. It was a day to look forward to.

Alas-singko pa lamang ng umaga ayon sa alarm clock na nasa ibabaw ng bedside table. Nakarating na sa kanya ang balitang babalik na si Andro. Pagkaraan ng mahabang taon ay babalik na uli ito sa San Ildefonso kung saan ito lumaki at nagkaisip. Ang bagay na iyon ay naikuwento sa kanya ng suki niya sa shop na si Mrs. Gimena.

Lumabas siya ng silid nang makaligo. Nagtimpla siya ng kape at nagtuloy sa terasa. Alas-nuwebe pa ang bukas ng shop niya. Kadalasan ay pasado alas-nuwebe na siya nagpupunta roon dahil aasikuhin muna niya ang bahay at ang mga halaman sa bakuran. Naroon naman ang assistant niyang si Liza na mayroong duplicate key ng shop.

Ang shop na tinutukoy niya ay ang sarili niyang negosyo na tindahan ng mga damit. Nanggagaling pa ang mga iyon sa Maynila. Iyon ang sinimulan niyang negosyo mula nang mamatay ang Tiya Emilia niya apat na taon na ang nakararaan. Ang shop niya ang dinarayo ng mga tao sa San Ildefonso dahil iyon ang pinakakompleto at hindi nahuhuli sa mga uso. Bukod sa mga damit ay may tinda rin siyang mga accessories at laruan ng mga bata. Kahit ang pinakamayayaman sa kanilang lugar ay sa shop niya namimili.

Ang isa sa mga suki niyang si Mrs. Gimena ang nakapagkuwento sa kanya na muli na ngang babalik sa lugar nila si Andro pagkatapos nitong ma-injured sa isang ambush sa Mindanao. Maliit lamang ang bayan nila at halos magkakakilala ang lahat kaya naman natitiyak niyang hindi man iyon sinabi ni Mrs. Gimena ay malalaman at malalaman pa rin niya.

"Nakausap ko si Mareng Lucia. Siya ang nagsabi sa akin na babalik na nga si Andro dito sa atin. Magaling na raw ang batang iyon ngunit hindi na makababalik pa sa military dahil napinsala na ang mga binti niya," naalala niyang kuwento sa kanya ni Mrs. Gimena.

Labis siyang nabigla sa ibinalitang iyon ng ginang. Kaya naman hindi rin niya napigil ang pagbadha ng labis na pag-aalala sa kanyang mukha para kay Andro.

"Bakit ho? Hindi na ho ba makakalakad si Andro? N-nalumpo ho ba siya?" gulat na gulat na bulalas niya kay Mrs. Gimena pagkatapos niyang marinig ang sinabi nito.

Lihim niyang pinagalitan ang sarili nang makitang kahit si Mrs. Gimena ay nagulat sa reaksiyon niya.

"Hindi nalumpo si Andro, hija," anito sa kanya. "Ang sabi ni Mareng Lucia, maayos na raw ang kalagayan niya. Iyon nga lang, ayon sa mga doktor na tumingin kay Andro, hindi na raw makabubuti kung mapapasabak pa siya sa laban dahil hindi na katulad ng dati ang estado ng kanyang mga binti."

Kahit paano ay nabawasan ang kabang naramdaman niya sa sagot na iyon ni Mrs. Gimena. Pinipigilan man niya ang sariling makaramdam ng pag-aalala sa binata ay hindi rin naman niya magawa-gawa. Lingid sa kaalaman ng lahat ay isa siya sa labis na naapektuhan ng balitang nabaril sa isang ambush sa Mindanao si Andro at malubha ang kalagayan nito.

Labis ang pag-aalala niya habang wala pa rin siyang balita sa kung ano na ang kalagayan nito. Gabi-gabi ay ipinagdarasal niya ang kaligtasan nito. Tila hindi maalis-alis ang kaba sa kanyang dibdib habang hindi pa niya natitiyak na maayos na ang kalagayan nito.

Kung may makakaalam lamang ng tungkol sa naging pag-aalala niya ukol sa binata ay tiyak na magtataka kung hindi man ay magtatawa. Wala naman kasi siyang kahit na anong koneksiyon kay Andro. Ni hindi niya ito kaibigan. Hindi nga niya alam kung aware ito na may nag-e-exist na isang Gertrude sa mundo. Kababayan lamang niya itong maituturing. Sa iisang eskuwelahan sila nag-aral nito. Matanda ito sa kanya nang dalawang taon.

My Love My Hero (Capt. Andro Rosales) - Claudia SantiagoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon