Chapter 3

513 11 0
                                    

GINABI na si Gertrude ng pag-aayos sa mga bagong orders na dumating. Hapon na kasi dumating ang mga iyon kanina. Pinauna na niya si Liza dahil gusto pa niyang maglagi sa shop. Wala rin naman siyang gagawin sa bahay kaya ang trabahong puwede naman niyang gawin kinabukasan ay tinapos na lamang niya nang araw na iyon.

Pag-uwi kasi niya ay wala lang siyang magagawa kundi ang mag-isip nang mag-isip. Pupunuin na naman ng pagbabalik ni Andro ang kanyang isipan.

Marahil, nang mga sandaling iyon ay nakauwi na ang binata. Hindi naman lingid sa kanya ang selebrasyong inihanda ng pamilya nito para dito. At ang kaalamang naroon na sila sa iisang bayan ng binata ay nagbibigay sa kanya ng labis na tensiyon.

Walang ibang solusyon upang mailayo niya ang isip kahit pansamantala lamang sa binata kundi ang abalahin ang sarili sa pagtatrabaho. Nakaramdam siya ng pananakit ng likod at mga binti nang sa wakas ay matapos na niya ang ginagawa.

Nang sipatin niya ang suot na relo ay nakita niyang alas-otso pa lamang ng gabi. Kahit kailan ay mabagal talaga ang oras sa bayang iyon. Lalo pa sa katulad niyang namumuhay lamang nang mag-isa. Kung noon ay bahay at eskuwela lamang siya, ngayon ay sa bahay at sa kanyang shop naman umiikot ang kanyang buhay.

Mula nang magkaisip siya ay hindi na nagkaroon ng excitement ang buhay niya. Paulit-ulit lamang ang mga bagay na ginagawa niya. Ni minsan ay hindi siya lumihis sa mga patakaran.

Hindi siya adventurous na tulad ng iba. Paano naman niya magagawang maging adventurous gayong lumaki siya sa piling ng isang istrikto at dominanteng tiyahin? Kung minsan ay nangangarap din siyang sana ay hindi na lamang boring ang kanyang pagkatao. Na sana ay may lakas din siya ng loob na magdamit ayon sa kanyang kagustuhan.

Kung gugustuhin nga lamang niyang talaga ay hindi naman na mahirap gawin ang bagay na iyon dahil wala naman na ang tiyahin niya. Ngunit natatakot naman siyang manibago ang mga tao sa kanya. Nakasanayan na kasi ng mga ito na makitang palaging mahahabang palda ang suot niya. Para bang nahihiya siyang baguhin ang ayos niya dahil alam niyang mapupuna iyon ng lahat at tiyak na uulanin siya ng mga tanong.

May makakapansin nga ba? diskumpiyadong tanong niya sa isip. Nakasanayan na niyang hindi pinapansin at dinadaan-daanan lang ng mga tao kung hindi man pagkaawa ang maririnig niya mula sa mga ito.

Kawawa raw kasi siya at naiwan siya sa pangangalaga ng istriktong tiyahin niya. Kawawa siya, kasi iniwan siya ng kanyang sariling ina at hindi na binalikan pa. Kawawa siya dahil wala siyang kalayaan at sumusunod lamang sa mga batas na ipinapatupad ng kanyang tiyahin.

"Have you ever done something spontaneous once in your life, Gertrude?" natatandaan pa niyang wika ng maarteng si Faith nang mapag-trip-an siya nito kasama ng barkada nito.

"Gusto mo bang i-makeover ka namin ng friends ko para magmukha ka namang tao?" sabi pa ni Faith noon sa kanya. "Iyon ay kung maipapangako mong hindi kami hahabulin ng istrikto mong tiyahin na si Mrs. Soriano sakay ng kanyang walis-tingting."

Pagkatapos niyon ay nagtawanan ang barkada nito. Wala naman siyang nagawa kundi ang umalis na lamang at huwag pansinin ang pang-aasar ng mga ito. Kilala at galing din sa mayamang angkan si Faith tulad ni Andro.

Ngunit lingid sa kaalaman ni Faith at ng mga tao sa San Ildefonso, ang konserbatibo, mahiyain at makalumang si Gertrude ay may ginawang isang bagay na ni sa imahinasyon ng mga ito ay hinding-hindi niya magagawa. Once when she was fifteen, she let Andro kiss her fully on the lips.

At iyon ang isang lihim na pinakatagu-tago niya. Lihim na tanging siya lamang ang nakakaalam.

Dahil kahit ang mismong lalaking nagkaloob sa kanya ng kanyang unang halik ay tila agad na nakalimutan ang pangyayaring iyon. Andro had immediately forgotten about that night he kissed her.

My Love My Hero (Capt. Andro Rosales) - Claudia SantiagoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon