Chapter 4

474 12 0
                                    

Ang akala ni Gertrude ay magiging magkaibigan na sila ni Andro kahit na paano. Akala niya matatandaan nito ang naganap sa kanila noong gabing iyon. Kabadung-kabado pa naman siya nang pumasok sa tindahan ng Lunes.

Para lamang masaktan nang husto dahil tila wala nang natatandaan ang binata sa nangyari. Nagkasalubong na sila at hindi man lamang ito huminto upang kausapin siya. Masamang-masama ang loob niya noon.

Sinabi niya sa sarili na mayabang naman pala ito kaya dapat ay hindi niya pinag-uukulan ng pansin. Paulit-ulit na isiniksik niya sa kanyang utak na dapat ay hindi na niya mahalin ito. Ngunit ang makulit na puso niya, ayaw maki-cooperate. Kaya naman nang umalis ito upang mag-aral sa PMA, hindi pa rin niya napigilan ang sarili na malungkot at maiyak dahil pakiramdam niya ay iniwan siya nito.

Sa mahabang taon na wala ito sa San Ildefonso, bukas ang mga tainga niya sa mga balita tungkol dito. At ngayon ngang muling nagbalik ito, hindi na naman siya mapalagay. Kung maka-akto siya, para bang dati siyang nobya nito na iniwan nito at ipinagpalit sa pangarap nito.

Napatuwid siya ng upo mula sa pagkakasandal sa silya niya nang marinig na parang may humampas sa harap na dingding ng tindahan niya na yari sa salamin. Tumayo siya at pinagmasdan ang labas ng tindahan.

Doon niya nakita ang lalaking napasandal doon. Pagkatapos ay bumagsak ito. Nag-alala siya dahil baka kung ano ang nangyari dito kaya dali-daling napasugod siya palabas.

Paglabas niya ay nakita niyang nakasandal na ang lalaki sa dingding at tila ba hapung-hapo at nahihirapan.

"Mister, okay lang ba kayo?" tanong niya sa lalaki nang makalapit siya rito. Nagulat siya nang makilala kung sino ang lalaki. "Andro?" nabiglang bulalas niya.

Doon naman nag-angat ng tingin ang lalaki. Kunot ang noo nang pinagmasdan siya nito na tila ba kinikilala siya. Lihim na nahiling niya na sana ay mas maayos ang hitsura niya sa muli nilang pagkikita.

"Do I know you?" tanong nito sa kanya. Pagkatapos ay napapikit ito at mahinang napamura nang tila may maramdamang kirot.

"Okay ka lang ba? Ang mabuti pa, pumasok ka muna sa loob," alok niya rito.

"Hindi na kailang—" Ngunit muling napangiwi ito sa sakit.

Agad na tinulungan niya itong makatayo. At tulad noong akayin niya ito labing-apat na taon na ang nakalipas, inilagay niya ang braso nito sa kanyang balikat at inalalayan itong makapasok sa loob. Naisip niya na ang idinadaing nito ay ang mga binti nito.

Dahil na rin siguro sa kirot na nararamdaman, wala na siyang narinig na kahit anong pagtanggi mula sa binata. Nagpagiya ito sa kanya papasok sa tindahan. Iniupo niya ito sa mahabang sofa na naroon.

Kumuha siya ng malamig na tubig mula sa loob ng maliit na refrigerator na naroon at naglagay sa baso. Pagkatapos ay iniabot niya iyon kay Andro.

"Uminom ka muna ng tubig," sabi niya rito. Wala namang reklamong tinanggap nito iyon at ininom.

Habang umiinom ito ay mabilis na pinasadahan niya ito ng tingin. Lalo pang tumangkad ito kaysa noong huli niya itong makita. Nag-mature na rin ang hitsura nito. Boyish pa ang hitsura nito noong bago ito umalis ng San Ildefonso. Ngayon ay mababanaag na sa mukha nito ang maturity.

Proportioned ang pangangatawan nito, hindi katulad ng mga sundalong napapanood niya sa pelikula na batu-bato ang katawan.

"Thank you," narinig niyang wika ni Andro, sabay ubo. Doon niya nakitang iniaabot na pala nito ang wala nang lamang baso sa kanya. Marahil ay kanina pa nito iniaabot iyon, dangan nga lamang at abala siya sa pag-aaral sa kabuuan nito.

Mabilis na nag-init ang kanyang mukha dahil doon. Kaya naman alam niyang namumula siya nang mga sandaling iyon.

"I'm sorry," aniya, sabay abot ng basong iniaabot nito. Inilapag niya iyon sa mesa niya. "Kumusta ang pakiramdam mo?" tanong niya rito.

My Love My Hero (Capt. Andro Rosales) - Claudia SantiagoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon