Chapter 11

975 31 0
                                    

What was wrong with her? Iyon ang tanong ni Gertrude sa kanyang sarili. Bakit hindi niya magawang harapin si Andro pagkatapos sabihin nitong mahal siya nito? Bakit para siyang batang nagtatago rito?

Ilang araw na rin naman siyang nasa bahay lamang. Si Liza na lamang muna ang hinayaan niyang tumao sa shop.

Natatakot kasi siyang makaharap pa ito. Hindi niya alam ang gagawin niya. Hindi niya alam kung maniniwala ba siya sa sinasabi nito.

How could he love an ordinary girl like her? Gayong marami itong puwedeng pagpilian na katulad nina Glenda? She was just Gertrude, the plain and dull Gertrude.

Isang pangarap lamang ang mahalin ng tulad ni Andro. Hindi siya makapaniwalang mamahalin siya nito sa tunay na buhay. Ilang beses na siyang sinermunan ni Liza na harapin na niya ang binata ngunit makulit siya. Hindi niya magawa iyon.

Para siyang bata. Kahit ang totoo ay maligaya siyang malamang mahal siya ni Andro ay hindi niya lubos na mapaniwalaan iyon.

Napaluha siya sa labis na paghihirap ng kalooban. Mahal na mahal niya si Andro kahit noon pa. Ito lang ang lalaking minahal niya. Ito lang ang naging laman ng kanyang pangarap at mga panaginip. Ngunit ngayong tila nagkakatotoo na ang mga pangarap at panaginip na iyon ay hindi naman niya magawang harapin iyon.

Umiiral pa rin ang insecurities sa kanyang katawan. Paulit-ulit pa ring nagtutumining sa kanyang isipan na hindi siya maganda. Na hindi maaaring magustuhan siya ni Andro dahil hindi naman siya maganda.

Naroong bumangon siya at muling mahiga sa kama. Alas-diyes na ng gabi ay hindi pa rin siya makatulog. Kinakabahan siyang mauulit na naman ang kanyang senaryo sa mga nagdaang gabi. Si Andro na naman ang pupuno sa kanyang diwa.

"Gertrude... Gertrude..." narinig niyang tawag ng kung sinumang iyon sa kanyang pangalan.

Bigla siyang napabangon. Nasa loob siya ng sariling silid niya. Wala siyang ibang kasama sa bahay na iyon. Sino ang maaaring tumawag sa kanya sa ganoong oras?

"Gertrude... Gertrude, help me," muli niyang narinig na wika ng tinig.

At parang kilala niya ang tinig na iyon. Tila nanggagaling iyon sa balkonahe ng silid niya. Dali-daling bumaba siya ng kama at ibinukas ang pinto palabas ng balkonahe.

Sinalubong siya ng malamig na simoy ng hangin. Doon niya naalalang hindi nga pala niya naisuot ang kanyang roba at tanging silk nighties ang suot niya.

Bago pa niya magawang bumalik sa loob upang kunin ang roba niya ay nakita niya si Andro na hirap na hirap na sumampa sa railings ng balkonahe.

Umakyat ito roon papunta sa silid niya!

"Hey, honey, c'mon. Give me a hand," hinihingal na wika nito.

"Pa'no ka nakaakyat diyan? Baka mamaya, kumirot na naman ang mga binti mong lalaki ka," pagalit niya rito.

"Ayaw mo akong harapin kaya ako na ang pumunta rito. Dahil alam ko namang hindi mo ako pagbubuksan ng pinto ay ginamit ko na ang natutuhan ko sa pagiging sundalo sa loob ng maraming taon."

Nakalimutan nga pala niyang sundalo ito at madali lamang para dito ang ginawa nito. At style lang nito iyong kunwaring nahihirapan at nagpapatulong sa kanya. Dahil walang kahirap-hirap namang tuluyan nang nakaakyat ito sa balkonahe.

"Whew!" anito nang magkaharap sila. "Ang hirap mo palang ligawan," nakangising wika nito. Pagkatapos ay dumako ang tingin nito sa kanyang kabuuan.

"Oh, look what we got here!" nakangisi pa ring turan nito. "My sweet and very old-fashioned Gertrude is actually wearing a nightie. That's a revelation..."

Mabilis niyang tinakpan ang sarili gamit ang mga kamay at braso.

"Too late for that."

"Ano ba'ng ginagawa mo rito?" tanong niya rito.

"Ang mabuti pa, sa loob na tayo mag-usap at baka may makakita pa sàyo sa ganyang ayos at makapatay pa ako nang wala sa oras," anito, pagkatapos ay iginiya na siya nito papasok sa loob.

Nang makapasok sila ay isinuot agad niya ang kanyang roba. Mabilis na mabilis ang tibok ng kanyang puso. Nagkandamali-mali na siya sa pagsusuot ng roba dahil sa sobrang tensiyon at nerbiyos dahil kay Andro na naroon sa silid niya nang mga sandaling iyon.

"Easy..." narinig niyang wika nito mula sa kanyang likuran. Tinulungan siya nito upang maayos niyang maisuot ang roba niya.

Ngunit naisuot na niya at lahat iyon ay hindi pa rin ito lumalayo sa kanya.

"Andro—"

"I now remember that night, Gertrude. That night I kissed you. Naaalala ko na ang lahat. I dreamed about it..."

Iyon pa lang ang sinasabi nito ay nangilid na ang kanyang mga luha.

"Would you believe na alam kong may nakausap ako noon na isang babae na tinanong ko kung ano ang pangarap niya? Naaalala ko ang pangyayaring iyon. Hindi ko lang alam noon na totoo palang nangyari iyon. Ang akala ko ay panaginip lang ang lahat."

"Andro..."

"Nakita kitang sumasayaw, Gertrude. Nakangiti kang sumasayaw habang nakapikit ka at nakalugay ang iyong buhok... I remember that particular night, honey..."

Nakita niyang ito man ay pinangiliran na rin ng mga luha. "Sa panaginip ko, tinanong ko raw ang isang babae kung ano ang pangarap niya. Ang sagot niya, gusto raw niyang makalaya na tulad ng isang ibon. Gusto niyang sumayaw at gawin kung ano ang idinidikta ng kanyang puso..."

Tumulo na ang kanyang mga luha sa kanyang mga pisngi. Iyon ang eksaktong sinabi niya noon dito nang tanungin siya nito kung ano ang pangarap niya.

"I'm sorry kung nakalimutan ko ang gabing iyon. But I remember it clearly now. Patawarin mo ako kung hindi ko napahalagahan ang magandang tagpong iyon. I shared my dream with you and you shared yours with me. How could I have forgotten about that?"

"Oh, Andro..."

"Mahal kita, Gertrude. Mahal kita nang buong puso ko. Mahal kita bilang ikaw. Mahal kita nang buung-buo. Don't tell me again you're not beautiful because you are. You are the most beautiful woman I have ever seen. Mapalad ako at natagpuan ka ng aking puso. Give me a chance at patutunayan ko sa iyo na mahal na mahal kita at totoo ang nararamdaman ko para sa iyo..."

"Pero... Pero, wala akong maibabahagi sa iyo. Wala akong pamilya, wala akong—"

"My God, honey. My family is big enough for both of us. Nasabi ko na ang damdamin ko para sa iyo sa buong pamilya ko. At naghihintay na sila kung kailan kita maisasama sa bahay para pormal na ipakilala kang nobya ko."

"Andro, hindi ka ba nabibigla o—"

Sinelyuhan nito ng halik ang kanyang mga labi upang matigil ang kanyang pagpoprotesta. Ito ang kanyang unang halik. At ito rin ang kanyang magiging huli.

Hindi niya inakalang may naghihintay pala sa kanyang malaking regalo pagkatapos ng mahabang taong pag-iisa at pangungulila.

"I love you, Gertrude, honey," pahayag nito. "I love you, I love you, I love—"

"Mahal din kita, Andro. Mahal na mahal kita. Hindi kita nagawang harapin agad dahil natatakot ako..."

"Ngayon, natatakot ka pa rin ba?"

"Hindi na," may luha sa mga matang turan niya. "Mahal kita."

"Mahal na mahal din kita, honey. And don't you ever forget about it. You're going to marry me soon, aren't you?"

"Yes... Yes! Yes!"


Wakas

🎉 Tapos mo nang basahin ang My Love My Hero (Capt. Andro Rosales) - Claudia Santiago 🎉
My Love My Hero (Capt. Andro Rosales) - Claudia SantiagoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon