NAGUGULUHANG tinahak ni Andro ang daan pabalik sa lugar kung saan niya ipinarada ang kotse niya. Pinupuno pa rin ng mga sinabi ni Gertrude ang buong isip niya. Hindi niya malaman kung nahihibang ba ang dalaga o totoo ang mga sinabi nito.
"He kissed her fourteen years ago? Naguguluhan siya. Paano nangyaring hindi man lamang niya matandaan ang pangyayaring iyon? Kahit ano ang gawin niyang pag-iisip at pagbabalik sa nakaraan, noong high school siya, ay wala pa rin siyang maalalang pagkataon na nagkasama sila ng pamangkin ni Mrs. Soriano, lalo na ang pangyayaring hinalikan niya ito.
But he knew her, of course. Halos lahat ng tao sa bayang iyon ay magkakakilala. Kilala niya ito bilang pamangkin ng masungit, istrikto at hindi ngumingiting principal nila noong high school. Palaging dumadalo ang yumaong si Mrs. Soriano sa mga pagsasalong inihahanda ng mga magulang niya kaya malamang ay isinasama rin nito ang pamangkin nito roon.
Hindi niya napupuna si Gertrude sa mga pagtitipong iyon katulad din ng iba pang mga bisita. Ang focus niya noon ay nasa mga kaibigan niyang dumadalo at sa dating nobyang si Faith.
Alam din niya na sa iisang eskuwelahan sila nag-aral ng dalaga. Kung paano manamit ito ngayon ay ganoon din ito noong high school sila. Makaluma at konserbatibo. Ni hindi pa nga niya nakitang nakalugay ang buhok nito. Ito ang tinaguriang weirdo at nerd sa eskuwelahan nila noon. Pero hindi naman siya isa sa mga nagtatawa rito. Wala naman doon ang atensiyon niya.
Nasa barkada, basketball at babae ang atensiyon niya nang mga panahong iyon. Ang alam lang niya sa background ng pamangkin ni Mrs. Soriano ay iniwan ito ng mama nito kaya naman lumaki ito sa pangangalaga ng tiyahin nito.
Wala siyang matandaang nagkausap sila ni Gertrude. Kaya paano niya mahahalikan ito gayong hindi nga sila nagkakausap?
Ngunit wala siyang anumang makitang bahid ng pagsisinungaling sa mukha at tinig nito. He knew she was telling the truth. He saw it in her eyes. Kaya lalo pa siyang naguluhan dahil wala talaga siyang matandaan sa sinasabi nito.
"I will not allow you to kiss me again then forget about it in the morning as if nothing happened!" naalala niyang turan ni Gertrude kanina. "One night you kissed me and the next morning you pretended to not even... remember me...!"
Did he really kiss Gertrude fourteen years ago? If yes, where and when exactly did it happen? And why the hell he couldn't even remember it?
Si Gertrude pa rin ang nasa isipan niya habang nagmamaneho siya pabalik sa villa. Ngayon ay nakakaramdam siya ng hiya dahil sa inasal niya rito gayong ito na nga ang nagmagandang-loob na tulungan siya.
Ni hindi man lamang siya nakapagpasalamat sa ginawa nito. Pagkatapos siyang patuluyin nito sa shop nito at painumin ng tubig ay nagawa pa niyang pagsungitan nito. Hindi maganda ang inasal niya. Hindi tamang bigla na lamang uminit ang ulo niya nang mabanggit nito ang tungkol sa kanyang mga binti.
Noong una kasi ay hindi niya alam na si Gertrude pala ang dalaga. Ang akala niya ay noon lamang niya nakita ito. Estranghero ito sa paningin niya noong una kaya ikinainis niya na kahit ito ay alam ang tungkol sa nangyari sa kanya at sa kanyang mga binti.
Lahat ng inis at iritasyon na naramdaman niya kanina sa iniwang selebrasyon sa villa dahil sa paulit-ulit na pangungumusta ng mga bisita sa kanyang mga binti at sa pagsasabing magiging maayos din ang lahat ay kay Gertrude niya naibunton ang lahat ng iyon. Lalo pa at sinumpong pa siya ng pagkirot ng kanyang mga binti.
Anong klaseng lalaki siya na umasal siya nang ganoon sa harap ng isang babae? Ah, Andro, you're really losing it! Nararapat lamang na muli niyang puntahan ang dalaga upang humingi ng paumanhin.
Ngunit sa klase ng ginawa nitong pagtataboy sa kanya palabas ng shop nito ay tila hindi na nito gugustuhin pang muli siya nitong makita. Muling nagbalik sa isip niya ang hitsura ng dalaga habang umaatras at tila kinakabahan sa ginagawa niyang unti-unting paglapit dito. Nataranta ito kaya bigla nitong naibulalas ang ginawa umano niyang paghalik dito noon.
BINABASA MO ANG
My Love My Hero (Capt. Andro Rosales) - Claudia Santiago
RomanceNang muling bumalik si Andro sa San Ildefonso ay labis na tuwa ang naramdaman ni Gertrude. Bumalik na uli kasi ang lalaking lihim na minahal at inalagaan niya sa kanyang puso. Sa unang pagtatagpo nilang dalawa, hindi sinasadyang naibunyag niya ang n...