Chapter 10

582 15 0
                                    

PAGKATAPOS mailatag ni Andro ang dala nitong blanket sa ibabaw ng lupang nababalutan ng mga mumunting damo ay inayos na nito ang mga pagkaing ito rin ang may dala. Ni hindi man lamang siya nito hinayaang tumulong dito. Pagkatapos niyon ay kumain na sila.

Napakaganda nang araw na iyon. Mag-aalas-singko na ng hapon. Panay ang pagbibiro nito habang kumakain sila. Halos sumakit na ang tiyan ni Gertrude sa katatawa.

Habang pinagmamasdan niya ito ay hindi na niya makita ang Andro na una niyang nakaharap nang makabalik ito sa bayang iyon. Hindi na malungkot ang mga mata nito. Hindi na rin palaging nakakunot ang noo at salubong ang mga kilay nito. Malutong ang mga halakhak nito at maaliwalas ang mukha.

Gusto niyang isipin na isa siya sa mga dahilan kung bakit bumalik na ang dating Andro. Nang maalala niya ang sinabi sa kanya ni Glenda kanina ay nabahiran ng lungkot ang sayang nararamdaman niya.

Para kasing may punto naman ang babae sa sinabi nito. Ano nga ba ang pumasok sa isip ni Andro at siya ang pinag-aaksayahan nito ng oras? Totoo nga kayang tinanggihan nito si Glenda kaya ganoon na lamang ang pagngingitngit ng babae?

"O, bakit parang bigla kang nalungkot at tumahimik diyan? Nagsawa ka na bang tumawa sa mga jokes ko? Corny na bang masyado?" tanong nito sa kanya.

"Hindi," nakangiting sabi niya. "Andro?" aniya pagkaraan.

"Hmm?"

"Ahm... Kilala mo ba si Glenda?" tanong niya rito habang kumakain ng saging. Katatapos lamang nilang kumain ng pasta at fried chicken.

"Glenda Arcillo?"

Tumangu-tango siya.

"Yes, I know her," anito. Sinubuan siya nito ng garlic bread. Naiilang man ay hinayaan na lamang niya ito sa ginagawa. Kapag minsan, sa sobrang lambing nito sa kanya, nahihiling niya na sana, pagmamahal na lamang ang nagtutulak dito para gawin iyon at hindi lang pagkakaibigan. Or worst, sana ay hindi awa. "Bakit?"

"Did you two date?" tanong niya rito habang nakatingin sa lake.

Narinig niya ang mahinang pagtawa nito kaya naman napatingin siya rito. "Bakit ka tumatawa riyan?" nakalabing tanong niya rito.

"Iyon ba ang dahilan kung bakit parang bigla kang nalungkot?" nakangising wika nito.

"Hindi, ah! Hindi naman ako nalungkot, 'no," kaila niya.

"Huling-huli na ang ale ay nagkakaila pa," tukso pa nito sa kanya.

"O, di huwag mo na lang sagutin iyong tanong," aniya, sabay ingos dito.

Tawa nang tawa naman ito. "Ikaw naman, o, masyado ka palang matampuhin. Well, to answer your question, hindi po kami nag-date ni Glenda. Nagkita kami minsan sa restaurant ni Ate Lovely and we talked. Kumustahan, ganoon. Ang sabi niya, baka raw puwede kaming lumabas minsan. You know, have dinner."

"'Tapos?"

"Wala na. Hanggang doon na lang."

"So, hindi kayo nag-date na dalawa?"

"Hindi ho, Miss Gertrude. Ang sabi ko kasi, may magandang dalagang palaging naghihintay sa akin kaya hindi ako puwedeng gumala at lumabas kasama ang iba."

"Kapal," aniya rito, sabay ingos na naman. Pakiramdam niya ay ang ganda-ganda niya nang mga sandaling iyon. Parang gusto na talaga niyang maniwala na maganda rin naman siya kahit na paano. "Hindi kita hinihintay, 'no."

"I wasn't talking about you," anito. Nagulat siya sa tinuran nito kaya nilingon niya ito upang alamin kung seryoso ito o nagbibiro lang. Nang makita niyang seryoso ang ekspresyon ng mukha nito ay naramdaman niyang nag-init ang kanyang mukha.

My Love My Hero (Capt. Andro Rosales) - Claudia SantiagoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon