Chapter 9

536 10 0
                                    

"NILILIGAW ka ba ng binata nina Lucy at Antonio, ha, Gertrude?" tanong ng isa sa mga suki ng shop niya na si Mrs. Marquez.

Hindi na niya mabilang kung ilang tao na ang nagtanong sa kanya ng bagay na iyon buhat nang dalhin siya ni Andro sa restaurant ng kapatid nitong si Lovely at madatnan nila ng binata ang buong pamilya nito roon. Alam naman niyang hindi rin nito inaasahan iyon.

Marami ang nakakita sa kanila na magkasama sa restaurant. At hindi na siya nagulat nang kumalat ang tungkol doon. Kaya dalawang linggo na ang nakararaan buhat nang magpunta sila sa restaurant na iyon hanggang ngayon ay may nagtatanong pa rin sa kanya kung nililigawan nga ba siya nito.

Hindi niya masisisi ang mga ito dahil nitong mga nakaraang araw ay palagi silang magkasama. Palaging dumaraan ito sa shop niya, pagkatapos ay yayayain siya nitong mamasyal. Hinihintay rin siya nito hanggang sa magsara siya, pagkatapos ay ihahatid siya nito pauwi.

Masasabi niyang si Andro ang kauna-unahang maituturing niyang malapit na kaibigan. Hindi siya makapaniwalang sa maikling panahon lamang ay palagay na palagay na ang loob nila sa isa't isa. Kapag magkasama sila ay marami silang napag-uusapan. Nakakasakay na rin siya sa mga pilyong biro nito.

Noong isang araw lamang ay hiniling nitong sana daw, paminsan-minsan ay ilugay niya ang kanyang buhok. At heto nga, pagkaraan ng mahabang panahon, sa una ring pagkakataon ay inilugay niya ang kanyang buhok.

Hindi rin ganoon kahaba ang suot na palda niya. Umabot lamang iyon nang lagpas sa kanyang tuhod. Violet na bulaklakin ang palda niya at puting blouse ang itinerno niya roon. Simple ngunit trendy na tsinelas ang kanyang suot. Violet din ang kulay niyon.

Habang hinihintay nga niya na dumating si Andro ay labis ang kaba niya. Hindi kasi niya alam kung ano ang magiging reaksiyon nito kapag nakita ang ayos niya. It was a bold move for her.

At lahat ng pumasok sa shop niya ay napansin ang pag-iiba niya ng ayos. Sinasabi ng mga itong maganda naman daw pala siya at bakit daw niya kailangang itago iyon. Glowing daw ang mga mata niya ayon kay Liza. Mukha raw siyang in love.

Iyon din marahil ang nakikita ng mga customers na pumapasok sa shop kaya pagkatapos na punahin at purihin ang pag-iiba niya ng ayos ay susunod na itatanong naman ng mga ito ang tungkol sa kanila ni Andro.

"Marami kasing nakakakita na nadadalas ang paglabas-labas ninyo ni Andro," patuloy ni Mrs. Marquez habang namimili ito ng formal dress para sa anak nito. "So, Gertrude, nililigawan ka ba ng batang iyon?"

"Hindi ho," simpleng tugon niya. "Magkaibigan lang ho kami ni Andro. Ahm, Mrs. Marquez, mayro'n pa hong ibang mga formal dresses na babagay sa anak ninyo," pag-iiba niya ng usapan. "Liza, ilabas mo pa nga iyong iba," nakangiting wika niya kay Liza, sabay kindat dito.

"Ahm, Mrs. Marquez, dito ho tayo," ani Liza sa ginang. Nakahinga siya nang maluwag nang sumunod naman ito kay Liza. Doon niya muling narinig na tumunog ang wind chime.

Kilala niya ang babaeng pumasok. It was Glenda. Kaeskuwela niya ito noong high school. Kaedad niya ito at alam niyang katulad niya ay dalaga pa rin ito. Kababalik lamang nito sa bayang iyon anim na buwan na ang nakararaan. Isang ramp model ito sa Maynila. Ang sabi ay nagbabakasyon lamang ito.

"Hi, can I help you?" magiliw na salubong niya rito.

Imbes na sumagot ay nagulat siya nang nakataas ang isang kilay na pinasadahan siya nito ng nang-uuring tingin mula ulo hanggang paa.

"Gertrude, right?" anitong para namang hindi siya kilala, samantalang naging magkaklase pa sila nito noon.

"Yes?"

"I wonder kung ano ang nakita sàyo ni Andro. You're plain and very dull," sa halip ay wika nito.

"Look, Miss, kung hindi ka rin lang naman bibili at mang-iinsulto ka lang, mabuti pa, umalis ka na."

My Love My Hero (Capt. Andro Rosales) - Claudia SantiagoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon