Chapter 6

427 9 0
                                    

GERTRUDE was being paranoid, she thought. Sa bawat pagtunog na lang ng wind chime na nakasabit sa pintuan—tanda na may nagbukas ng pinto at may taong pumasok—ay napapaangat siya ng tingin sa pag-iisip na baka si Andro ang pumasok. Mula pa nang nagdaang araw ay ganoon na ang pakiramdam niya. Naiinis na siya sa kanyang sarili dahil doon.

Mahigit isang oras din ang dumaan bago siya nagkaroon ng lakas ng loob na lumabas na ng shop niya para umuwi noong isang gabi sa takot na baka nasa labas pa si Andro at hinihintay siya. Hinihintay siya para piliting sabihin dito kung kailan at paanong naganap ang hindi niya sinasadyang pagbubunyag na hinalikan siya nito noon, pagkatapos ay hindi man lamang siya nito pinansin pagkatapos niyon.

Para siyang bata. Para siyang tanga na animo dating nobya ng binata na hanggang ngayon ay masamang-masama pa rin ang loob dahil iniwan nito. Baka iniisip ngayon ni Andro na sira ang ulo niya dahil sa tagal ng panahon ay hindi pa rin niya nagawang kalimutan ang halik na iyon.

Kaya napapraning at natataranta siya ng ganoon ay dahil na rin sa sarili niyang kagagawan. Kahit ano ang gawin niyang pigil sa sarili ay tila may sariling isip ang mga mata niya na awtomatikong mapapatingin sa pintuan upang alamin kung si Andro ba ang pumasok sa kanyang shop.

At hindi pa iyon ang pinakamalala. Kapag makikita niyang hindi iyon ang binata ay makakaramdam siya ng labis na panghihinayang at lungkot. God, paanong umabot siya sa ganoong edad at tila ba hindi pa siya naka-graduate sa infatuation na naramdaman niya para dito?

It was not just an infatuation, that's why, anang isang bahagi ng kanyang isip. You loved the man, Gertrude.

Losing control, according to Tiya Emilia, was to be avoided at all cost. When a woman lost control, she was vulnerable to outside forces. It was an open invitation to sin, sorrow and heartache. She was a walking proof of that.

Kung hindi ba siya nagpadala sa halik na iyon ni Andro labing-apat na taon na ang nakararaan ay wala sana siyang ipinag-aalala hanggang ngayon. At kung hindi rin siya nawalan ng kontrol nang muli niyang nakaharap ito ay hindi sana niya naibunyag ang pangyayaring iyon dito, lalo pa at wala naman itong natatandaang nahalikan siya nito kahit minsan.

Bakit ba kasi napaka-big deal sa kanya ng pangyayaring iyon samantalang ang lahat ng kaedad niya noon ay tiyak na nakakalimutan na ang unang halik pagkapaligo? Samantalang siya, ilang beses na siyang naligo, ilang panahon na ang dumaan, ngunit hanggang ngayon ay nasa puso pa rin niya ang gabing hinalikan siya ni Andro.

And you're crazy, Gertrude, aniya sa isip.

Marami silang benta ni Liza nang araw na iyon. Expected na iyon dahil maraming bagong stocks na dumating. Alas-singko nang magpaalam sa kanya si Liza na maagang uuwi dahil may sakit ang anak nitong si Gabby. Kaya siya lamang ang naroon sa shop nang mga sandaling iyon.

Mga alas-siyete pa siya magsasara. Isang oras pa. Kung puwede nga lang ba na alas-onse na lamang siya uuwi sa bahay para diretsong tulog na lang ang gagawin niya. Wala siyang mapupuntahang iba. Wala siyang madadalaw na mga kaibigan at kamag-anak. Because she was practically alone all her life.

Nang muling tumunog ang wind chime ay talagang katakut-takot na pagpipigil ang ginawa niya upang hindi na mag-angat pa ng tingin mula sa ginagawa niyang pag-iimbentaryo. Hahayaan na lamang niyang mamili ang customer na iyon. Kukunin naman nito ang atensiyon niya kapag may kailangan ito.

Narinig niya ang mga yabag ng sapatos na palapit sa mesa niya. Tiyak na may kailangan ang customer na pumasok kaya agad na siyang nag-angat ng tingin. Inihanda niya ang ngiti sa kanyang mga labi.

"Yes, what can I do for—" Natigilan siya nang ang mukha ni Andro ang sumalubong sa kanya nang mag-angat siya ng mukha.

Mabilis na nawala sa normal ang tibok ng puso niya. Damang-dama niya ang pagbilis ng tibok niyon. Mabuti na lamang at nakaupo siya, kung hindi ay baka mabuwal siya dahil sa panginginig ng kanyang mga tuhod.

My Love My Hero (Capt. Andro Rosales) - Claudia SantiagoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon