“Sabi ko na nga ba't nakababatang kapatid lang ang tingin niya sa akin, e. Tinawag akong baby,” wala sa sarili kong bulong sa loob ng klase.
Napatingin ang katabi ko sa akin. “Huh?” bulong niya rin pabalik.
I smiled hesitantly and shook my head. “Ah, wala,”
Tumango siya at tumuon muli ang atensyon sa harap kaya ganoon na rin ang ginawa ko.
Halimaw pa naman ang prof na ito sa surprise quizzes.
Nang matapos, pumunta naman ako sa kabilang building para sa isang subject. Nakinig lamang ako at laking pasasalamat ko nang hindi na muling sumagi sa isip ko si Alistair.
Dumaan pa ang ilang oras bago ang lunch break.
“Huy, Claire, saan ka na naman pupunta?” tanong ni Gary, isa sa block mates ko, bago pa man ako makalabas.
“May ka-meet up ka, 'no?” nakakalokang dagdag pa ng isa kong kaklase.
“Wala, a. M-may kapatid kasi ako. Siya ang pinupuntahan ko,” pagsisinungaling ko.
I felt guilty for lying.
Dumiretso ako sa Balete. Wala pa si Alistair kaya nagbasa muna ako ng notes habang hinihintay siya.
“Hindi na nga mauulit 'yon. Promise!” boses ni Caspian ang narinig ko.
Umangat ang aking tingin at nakita ko si Alistair na seryosong naglalakad at si Caspian na parang… nagtatampo?
Kumunot ang noo ko't tiningnan si Alistair na nauna nang maupo sa tabi ko. Umangat ang kaniyang makakapal na kilay.
“Ano na naman ang ginawa mo sa kaibigan mo?” nang-aakusa kong bungad sa kaniya.
“Ako na naman?” kunot-noo niyang tanong at marahas na nilingon si Caspian na nakaupo sa kabilang bench.
Tinampal ko ang dibdib niya kaya napatingin siya ulit sa akin. He eyes softened.
“Parang nat-trauma na sa 'yo ang kaibigan mo,” naiinis na sabi ko sa kaniya.
“Inaano ko ba siya?”
Hindi ako sumagot at bumaling na lang kay Caspian. Nakatingin siya kanina rito ngunit noong tiningnan ko siya ay umiwas.
“Caspian!” tawag ko rito.
Napatingin siya sa akin at ngumiti. “U-uy, Claire!”
“Halika rito, kumain na tayo!” nakangiti kong pag-aanyaya.
Alanganin siyang tumawa. “T-talaga? Dito na lang ako,” sabi niya sabay sulyap sa malditong si Alistair.
“What? Mag-isa ka lang riyan. Come on, join us!”
Sa huli napilitan siyang humarap sa amin. Habang kumakain kami, walang imik si Caspian. Noong huling kasama namin siya, hindi naman siya ganito katahimik.
“Caspian, sabihin mo lang kung may problema ka. Narito naman kami, e,” panimula ko.
Biglang siyang nasamid kaya nataranta ako.
“Caspian!” sigaw ko.
“T-tubig…”
Natataranta kong hinagilap ang tubig at iniabot iyon. Napatingin ako sa kalmadong Alistair.
“Ano, tutunganga ka lang ba r'yan?” naiinis na tanong ko sa kaniya.
“Calm down. Hayaan mo siyang makasagip ng oxygen,” kalmado niyang tugon at nilingon si Caspian na huminahon na.
“Ganoon ba 'yon?”
“Yes, baby,”
Ngayon, nasamid ulit ng sariling laway si Caspian. Pareho na kaming namumula ngayon. Siya, namumula sa pagkasamid. Ako, namumula sa hiya. Namumuro na siya sa katatawag niya sa akin ng gano'n, ha!