Nakagat ko ang pang-ibabang labi dahil sa sariling naisip! Anong cute sa ginagawa niya? Kinarga niya lang naman ang pusa. Lahat naman ay puwedeng gawin ‘yon! Pero... hindi lahat ay titigil sa gilid ng daan para lang mahawakan at iuwi. Kadalasan ay hahayaan lamang ito at kukutyain pang malas dahil kulay itim.
Ngumuso akong nag-iwas ng tingin.
“Do you want to hold him?” nakangiting alok niya.
I sighed. Bakit pa ba ako hindi umaalis? Hindi naman ganito ang sadya ko.
“Hindi ba nangangagat?” paninigurado ko nang muli siyang lingunin.
Umiling siya nang marahan at saka inilahad ang pusang hawak. “No. Here.”
Nag-aanlinlangan pa akong tanggapin pero agad ko rin namang inabot kahit medyo takot ako. Dati na kasi akong nakalmot at nakagat noong mga bata pa lang kami ni Enri. Ihagis ba naman sa harap ko ang pusa niyang parang may galit sa mundo kaya ayon, nauwi sa rabies. Hindi ko na matandaan kung ilang taon pa kami noon.
Sinubukan kong haplusin ang ulo ng kuting. Nagulat ako nang sumiksik siya sa aking bisig na para bang nagustuhan ang ginawa ko.
“I think he likes you,” banayad na sabi ni Lethius.
Hinubad niya ang suot na helmet kaya bahagyang sumabog ang magulo niyang buhok. Guwapo pa rin siya at mukhang mas bumagay. Ang unfair talaga ng mundo.
“Weh? Sinabi sa ’yo?” I teased.
He chuckled. “No... Nararamdaman ko lang.”
“Tss. Ano ang ipapangalan mo rito?”
“Ga,” sambit niya.
“Ang bantot naman! Ga lang?” ngiwi ko.
“Ibig sabihin ay palangga o langga,” paliwanag niya. “It’s a sweet endearment.”
Kumunot ang noo ko. “Anong language?”
“Bisaya.”
Cool. Noon pa ako namamangha sa mga salita ng bisaya. Nga lang, masiyadong diverse. Hindi ako fast learner! Dati gusto kong matuto talaga dahil may mga naging kaibigan ako na bisaya at palaging natatawa sa sarili nilang biro! Hindi ko sila maintindihan pero mas nakatatawa raw iyon kung fluent ako sa lenggwahe nila.
“Bisaya ka ba?” tanong ko.
“Si Nanay,” tugon nito saka nakihaplos na rin sa likod ni Ga, iyon ang pinangalan niya. “And I’m very proud of it.”
Tumango-tango ako. “As you should. Huwag ka magpapadala sa bangayan ng mga Tagalog at Bisaya. Karamihan kasi ay may mga superiority complex na kung saan, e, payabangan na. Wala namang punto sa pinag-aawayan nila.”
“Tama po. Nakasanayan na nilang pag-awayan ang dalawang lenggwahe na nagmumula lang din sa parehong bansa,” sang-ayon ni Lethius.
Muli akong tumango, natutuwa na diretsong tagalog ang pagsasalita niya.
“Magsulat ka kaya ng libro tungkol diyan? Tutal bali-balita na matalino ka raw,” suhestiyon ko.
Umiling siyang natatawa. “Hindi naman ganoon kalawak ang pananaw ko sa buhay. Ikaw? Try it.”
“Gago, nagrereklamo na nga rin ako sa sandamakmak na essay!” I laughed.
“Need a hand?”
“Uh...” I trailed off. “Kaya ko pa naman.”
He nodded. Kinuha niya na rin ang magaan na kuting at kinarga ito na parang batang sanggol.
“Gusto mo ba muna magkape? Malapit lang ang bahay namin dito,” anyaya ko. Hindi ko nga alam kung bakit lumabas na lang sa aking bibig iyon.