Wrong move.
Dapat pala naging alerto ako kanina. Ngayon tuloy ay hiyang hiya na si Lethius. Matingnan ko lang siya sa mga mata, nag-iiwas agad siya ng tingin sabay magpapanggap na may ginagawa. Gustong gusto ko na ngang matawa at asarin kaso baka lumala pa ang sitwasyon.
Kasulukuyan kaming nasa kusina habang abala ako sa paghihiwa ng sibuyas. Si Lethius naman ay hinuhugasan ang mga plato na pinaglagyan ko kanina ng karne at rekados. Ang lutong gagawin ko ngayon ay beefsteak at nilagang baka. Madali lang naman lutuin iyon lalo na’t napapanood ko kay Mama. Aminado naman akong hindi kagalingan pero at least edible haha!
Marahan kong hinihiwa ang sibuyas hanggang sa dumako ang aking tingin sa malaking klase ng pakwan. Naglaway ako bigla dahil pulang pula. Sinubukan kong abutin at naghiwa ng isang slice.
“Lethius, watermelon, oh,” alok ko sa lalaki.
Gusto kong matawa nang lumingon siya at animo'y nakayukong tinanggap iyon. “S-Salamat.”
“Matamis ‘yan,” udyok ko pa na para bang hindi iyon pagmamay-ari ni Lethius. Makikikain nga lang ako rito, e.
Tahimik niya naman kinagatan ngunit miski ako ay gusto na rin talaga kaya naghiwa ulit ako ng panibago at malaking kagat ang ginawa. Hindi ko pa tuluyang nangunguya ng buo, napangiwi na ako. Putakte! Lasang sibuyas!
“Pwe!” pandidiri ko at nailuwa agad.
Mabilis akong inabutan ni Lethius ng tubig kaya agaran ko ‘yong tinanggap at saka nagmugmog. Mangiyak-ngiyak akong napatingin sa kaniya nang mapagtanto na mas masahol pa yata ang lasa sa naunang nabigay ko pero hindi man lang siya nagrereklamo.
“Huwag mo na kainin ‘yan, pre. Sasakit pa tiyan mo niyan. Akin na,” saad ko. Akmang kukunin ko na nang mabilis niya ring naitaas iyon.
Umiling siya. “No...”
“Bakit ba? E, nahaluan ‘yan ng sibuyas sa pinanggamit ko ng kutsilyo.”
“I don’t really mind.”
I scoffed. “At bakit?”
“Because you...” He looked away. “...gave it to me. So, I don’t want to waste it.”
Sarkastiko akong natawa. “Lethius, ang babaw ng rason mo. Itapon mo na nga ‘yan, bibigyan naman ulit kita.”
“Say promise first,” parang batang aniya.
“Meant to be broken daw ang mga promise.”
“No, that’s not true.”
“Ayaw mo talagang magpatalo, e, ‘no?”
Nakanguso siyang umiling.
Napamaywang na ako. “Ibababa mo iyan o ipapa-delete ko sa ’yo ang picture na mayroon ka sa phone mo? Privacy ko pa naman dapat ‘yon!”
Lalong humaba ang nguso niya at saka inilapag ang hawak na watermelon. Nilalabanan ko ang sarili na ipakain na lang sa kaniya. Mukha kasi siyang kinakawawa talaga. Bumuntong-hininga akong naglakad patungo sa sink at hinugasan nang maigi ang kutsilyo. Bumalik ako sa puwesto niya at naghiwa ng watermelon.
“Here.” Ibinigay ko ang isang slice.
Hindi siya makatingin sa akin habang tinatanggap iyon. I bit my lower lip to stop myself from smiling. He’s just too cute! Para siyang bata na nilalantakan iyon at para naman akong tanga na pinapanood siya.
“Stop staring at me,” marahan niyang saway.
Hindi ko na napigilang matawa nang malakas. Lumapit ako at ginulo ang buhok niya. “Lethius, alam mo bang ang cute mo?”