Why?
Iyon agad ang pumasok sa isip ko nang makita siya sa ganoong sitwasyon. I averted my gaze. Kaagad na rin ako bumitaw sa kamay ni Wyatt. Muli na lamang ako sumilip sa loob ng classroom at hindi ko pa namalayan na wala na palang ibang tao roon.
Narinig ko ang mahinang tawa ni Wyatt. “Hindi mo napansin na umalis na sila. You’re too focused on me, Dale.”
I snorted. “Shut up.”
“Lethius, why are you still here?” Lumipat ang tingin niya sa lalaki. “Enri’s out.”
Walang imik si Lethius na naglakad papalapit sa gawi ko. “I came to get my boy friend.”
Nanlalaki ang matang napako ako sa sariling kinatatayuan! Anong boyfriend? Kailan pa naman kami nagkaroon ng relasyon? Hayop. Napatanga ako sa narinig, hindi ko talaga inaasahan iyon. Tumigil siya sa aking tabi at hinarap ang kausap.
“Boy... friend?” makahulugan ang tinig ni Wyatt. Nakikipagpantayan ito ng tingin. “Friendship, I suppose. That’s a bit territorial, don’t you think?”
“I don’t think so,” ani Lethius sabay pamulsa.
Nakahinga ako nang maluwag dahil doon. Friendship pala! Muntikan na naman ako maging assumero. Pero iba rin kasi sa pagkakarinig ko.
Ilang sandali pa, nagtataka ako dahil kapwa sila tahimik sa isa’t isa. Palipat-lipat ang aking tingin sa dalawa at mukhang walang nagpapatalo kaya dahan-dahan na akong umalis sa eksena.
“Sibat na ako mga brad,” paalam ko at agarang tumakbo paalis.
Paano kasi kung magsuntukan sila bigla? Edi nadamay pa ako! Malalagot ako kay Papa kung sakaling nasangkot pa ako sa gulo. Si Enri lang naman ang ipinunta ko na nawala nang hindi ko man lang napansin! Dumaldal pa kasi Wyatt, wala namang kuwenta kausap.
Nang makababa ay saglit kong inayos ang medyo nagusot na uniform. Iilan lang kaming naka-uniporme dahil karamihan ay may suot na t-shirt lalo na ang mga representative.
Sinuyod ko ng tingin ang paligid at mukhang naghahanda na rin ang lahat sa laro. Malawak ang soccer field na sakto lang din para sa mga manonood. Tumungo na ako sa bleachers kung nasaan ang kaibigan.
“Hindi mo kasama si Lethius?” ang nagtatakang tanong ni Kazue matapos kong maupo sa tabi niya. “Sinundo ka no’n, e.”
Napakamot tuloy ako sa batok. “Nakita ko nga. Mukhang papunta na rin naman ‘yon.”
“Ang sama ng budhi mo, pre. Hindi mo man lang sinabayan ng lakad dito?”
“Kinausap niya pa kasi si Wyatt kaya iniwan ko na lang muna,” pagsisinungaling ko na may halong katotohanan. Bahala na sila roon.
“Bakit daw?”
Nagkibit-balikat ako. “Malay ko ba.”
Buti na lang at hindi na nangulit pa si Kazue. Nakatingin kami sa direksyon ni Callum na ngayon ay may sinasabi sa mga kasama. Seryoso siya at may pinapaalala sa mga ito. Panay saludo naman ang mga kumag sabay tawa nang malakas. Naiiling na lang sa kanila si Callum.
Sa kabilang banda, naroon ang STEM students na chill lang din. Nakita ko ang pagtakbo ni Lethius papalapit sa direksyon nila. Tulad ni Callum, may sinabi rin siya sa mga teammates. Tumango naman sila, senyales na naiintindihan ang pinupunto ng team captain.
“Usog kayo, aba.”
Ganoon na lang ang gulat ko nang makita si Enri na nakasumbrerong itim at may suot na itong windbreaker jacket. Kasama niya naman si Seia na naka-school uniform.