Wala akong maalala na nagluto ako sa bahay ng pagkain bukod sa paglalagay lang sa microwave para uminit ang lumamig na ulam. Kung mayroon man akong pinagkakaabalahan, iyon ay ang paggawa ng dessert na hindi kailangan lutuin pa. Ang huling beses na sinubukan kong magluto ay muntikan ko na masunog ang buong kusina.
Sa takot na maulit ang nangyari, hindi na ako sumubok sa pagluluto. Kaya naman ngayon na pinagmamasdan ko ang likod ni Lethius habang ekspertong ginagalaw ang kawali ay para akong batang namamangha.
Namulsa ako habang nanonood. It’s entertaining. I leaned against the wall. “Ilang taon ka no’ng natuto ka magluto?”
Tinakpan niya ang kawali at hinarap ang aking gawi. “Walong taong gulang na.”
“Pinilit ka?”
“No. Gusto kong lutuan si Nanay ng paborito niyang ulam noon.” He paused. “Hanggang sa nakasanayan ko na rin kaya tinuloy ko. Ayaw ko rin dumating ang panahon na kapag nag-asawa na ako, iaasa ko ang lahat sa kaniya.”
Tumango ako. “Sa tingin mo, matatanggap ba ako ng mapapangasawa ko kahit hindi ako marunong magluto?”
“Yes,” mabilis niyang sagot. “It doesn’t matter.”
I laughed. “Pero maaga pa para pag-isipan ang mga bagay na ‘yon. Bukas pa nga lang ako magiging 18 kaya pag-aaral muna ang unahin.”
“Tomorrow is your birthday?” tanong niya sa malumanay na boses.
“Yup. Why?”
He shifted his weight. “Puwede ba kita mahiram bukas ng umaga? Kahit ilang oras lang.”
“Ang totoo niyan, balak ni Kazue na pumunta ng Tagaytay para roon na i-celebrate.”
Humaba ang nguso niya pero saglit lang iyon. “Gusto ko sanang sumama...”
“Balak ko nga sana ayain kayo ni Seia at Enri para masaya.” Really, Dale? Para masaya? Bangag ka talaga!
“Pero kailangan ko rin puntahan ang bagong in-apply-an ko na trabaho,” aniya. Itinukod niya ang mga kamay sa kitchen counter at napahinga ng malalim. “May time ka sa gabi? Kahit gabi na lang, Dale... Kung ayos lang naman.”
Nag-iwas ako ng tingin. Naghuhumirintado ang tibok ng aking puso. Napapansin ko na itong sarili ko, e. Hindi ko lang matukoy kung ano. Sa tuwing nangingiusap siya sa isang bagay, kusa akong bumibigay. I know it’s odd and weird.
Lumakad ako papalapit kay Lethius at inukupa ang stool. “Hindi na lang pupunta ng Tagaytay kung hindi ka kasama.”
“Why?”
“Aren’t we friends?” Ginaya ko ang linya niya noong tinulungan niya akong sumuong sa ulan.
Bahagya siyang natigilan at mahinang natawa. “Right.”
“Besides, si Kazue lang naman ang nagdesisyon at hindi ako. Sa sembreak puwede naman tayong anim na magkakasama roon.”
Tahimik siyang tumango at bumalik sa ginagawa. In-off niya na ang stove saka kumuha ng pinggan at isinalin doon ang adobong manok. Kanina niya pa tinatanong kung anong paborito kong ulam kaya napaamin na lang ako. Ayaw ko nga sana sabihin dahil baka mabawasan ang stock niya rito pero masiyadong mapilit.
Sinulyapan ko si Ga na naglalaro sa sala habang nginangatngat ang maliit na bola. Natapos na siyang pakainin kaya mas lalong naglilikot, hindi man lang napapagod. Paniguradong mahimbing ang tulog niyan mamaya.
Napaayos ako ng upo nang may maalala.
“Nag-apply ka ng work? Hindi ba may trabaho ka na kay Mang Renato?” I asked. Wala man siyang pahinga. “Baka mawalan ka ng oras para sa sarili mo. Hindi mo na rin maaalagaan si Ga nang maayos kapag nag-apply ka pa.”