TW: Mention of Suicide
Hindi ako kailanman nakatanggap ng kritismo tungkol sa kutis ng aking balat. Wala akong naririnig na panlalait kundi puro papuri na kesyo makinis at maputi para sa isang lalaki.
Noong elementary pa lang kami ni Denry, marami na agad ang nakapansin na malaki ang kaibahan namin. May mga nagsasabing guwapo ako at mas mukhang banyaga. Palaging maitim at ampon ang binabato nilang salita sa aking kapatid. Sa tuwing nangyayari iyon, hindi ko pinapalagpas kaya kung kinakailangan ko na makipagbasag-ulo ay ginagawa ko.
Sa murang edad, hindi ko maintindihan kung bakit may ganoong klaseng puna ang lipunan hanggang sa napagtanto ko lang din na puno ng diskriminasyon ang bansa.
Ayon sa karamihan ay kung maitim ka, pangit ka. Kung maputi ka naman, awtomatikong guwapo at maganda. Hindi ko alam kung saan nanggaling ang paniniwalang iyon pero napakabobo. Isang hipokrito lamang ang maniniwala na ang ating balat ay dapat maging batayan.
Sa takot ng aking kapatid mainsulto araw-araw, ayaw na niyang ipaalam sa mga kamag-aral namin na magkapatid kami. Hindi niya na raw iyon maatim sapagkat gusto niya lang naman mag-aral ng payapa. Pagod na rin daw siyang kausapin ng mga tao dahil lang sa may kapatid siyang maraming humahanga. Sa kabila ng lahat, ramdam kong mahal niya ako bilang Kuya.
Kaya kung minsan ay naiintindihan ko ang ibang tao na nagugulat kapag sinabi kong may kapatid ako dahil hindi kami nagkakasama kahit nasa iisang paaralan. As much as I wanted to approach him, I must respect my brother’s decision.
“Ang plastik mong kaibigan, Dale! Hindi mo man lang nabanggit na may kapatid ka? Ang tagal na kaya natin magkaibigan,” himutok ni Yuki.
Halos tatlong taon na kaming magkaibigan ng kumag na ito at totoong wala siyang alam sa buhay ko. Hindi ko lang talaga hilig magkuwento tungkol doon kasi pribado para sa akin. At saka, hindi naman tulad nina Kazue at Callum na alam ang baho ng isa’t isa. Kilala ko na kasi ang dalawang iyon mula pa pagkabata hanggang sa ngayong mga binata na. Sabay-sabay pa nga kami noon tinuli ni Papa!
“Ang big deal naman?” sambit ko. Tinanggal ko ang kamay niyang nakaakbay sa akin at doon ako humawak sa kapatid. “Si Denry, kapatid ko. Mana sa ’kin.”
Ayon kay Denry, sa mga ganitong sitwasyon ay hahayaan niya akong ipakilala siya kung kaibigan ko naman daw.
Binigyan ako ni Yuki ng mapanuyang tingin. “Ang ganda ng kapatid mo, bro. Ikaw, parang ginawa na lang ni Lord kasi no choice.”
“May layunin ang Diyos kung bakit tayo nandito,” si Lethius. Parang siya pa ang na-offend.
“Ah, yes na yes talaga, bro!” natatawang bigkas ni Yuki, pasimple akong sinulyapan, nanghihingi ng tulong. “Biruan lang namin ‘yon. Dale, ‘di ba?”
Nilingon ako ni Lethius at mukhang naghihintay ng aking sagot. I heaved a deep sigh. Tumango na lang ako para matapos na. Uwing uwi na ako. Ume-extra pa kasi itong tarantado.
“See? Praise the Lord!” sigaw ni Yuki habang nakapikit at nang dumilat ay lumipad ang tingin sa aking kapatid. “Sabihin mong Amen.”
Nagulat si Denry at parang hindi alam ang gagawin. “A-Ako?”
“Oo, ikaw.”
“Amen...?”
Bumunghalit ng tawa si Yuki. “Ayan, oo nga.”
Naiiling na lang ako sa kalokohan ng bagong dating. Mas may i-le-level up pa pala ang pagiging kabute niya, pati rito sumulpot pa, e.
“Uuwi na kayo?” biglang tanong ni Lethius, nasa akin ang tingin. “May dala akong motor, puwede ko kayong isabay,” alok pa niya.