Food and Beer

1 0 0
                                    

Habang kumakain kami sa Samgyupsal, masigla ang bawat isa, parang kahit papaano ay nawala ang pagod sa maghapong trabaho. Walang humpay ang tawanan habang si Jin ay abala sa pagluluto ng karne sa harapan namin, tila siya ang “alaga” ng grupo ngayon. Agad na lumapit si Clark para mag-volunteer na magluto.

“Mhie, ako na dito! Kumain ka muna,” sabi niya, sabay abot ng tong kay Jin, na mabilis namang inabot sa kanya. Sa opisina, halos lahat ng tao ay tinatawag si Jin ng “Mhie,” parang naging tawag namin para sa kanya dahil sa pagiging maalaga niya sa lahat. Ako lang yata ang hindi makatawag sa kanya ng ganoon. Naiilang ako, ewan kung bakit, pero hindi ko magawang itawag sa kanya iyon.

Nagpatuloy ang tawanan sa mesa habang abala kami sa pagkain, at si Jin, kahit na nagluluto pa rin, ay tila masaya sa pang-aasar sa iba. Sa gitna ng saya, napansin kong tinititigan niya kami nang may pag-aalala.

“Gusto n’yo ng beer?” biglang alok ni Jin habang iniikot ang tingin sa grupo.

“Libre mo ba?” tanong ni Andrew, sabay ngiti at kindat.

Sumimangot si Jin, pero halatang biro. “Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, kailan ba kita hindi nilibre?” Natatawa siyang umiling, pero may lambing. Kaya siguro si Jin ang nilalapitan ng lahat—hindi lang siya kaibigan, kundi parang kuya, ate, o kahit anong klaseng kapatid na maalalahanin.

“Eh kung ganon, ikaw na ang malakas!” sabi ni Andrew. “O, ganito na lang, bili ka ng beer, sa’yo na si Joon.” Naglagay pa siya ng braso sa balikat ko, para bang pinapasa ako kay Jin.

“Ay, hindi mo ako madadala sa ganyang biro,” sagot ni Jin, at nag signal upang tawagin ang waitress.

“Ate, isang case nga ng beer dito!” masigla niyang sigaw, itinaas pa ang kamay niya na parang may flag na itataas. Napatawa na lang kami, lalo na si Coach Vince, na umiling na parang hindi niya alam kung saan nanggagaling ang energy ni Jin.

“Hindi madadala pala ha!” sabi ni Coach Vince, nakangisi.

Nagpatuloy kami sa kainan at sa pag-inom. Ramdam ko ang init sa loob ng kainan, pero mas ramdam ko ang pagiging malapit ng bawat isa. Parang may lagnat na nga kami sa init ng Samgyupsal at sa beer na iniinom namin. Di nagtagal, isa-isa na kaming napapa-beer, kasama si Jin na nanguna sa pagbukas ng bote.

Tapos, napatingin kami sa kanya. Ginamit lang niya ang ngipin niya para buksan ang takip ng bote—grabe, astig siya! Napatawa si Andrew, pero medyo napaisip rin kami kung gano’n ba talaga siya kasanay sa alak.

“Joon, isang bote lang inumin mo, ha? Kung hindi kaya, kahit kalahati lang, okay?” paalala niya sa akin. “Mag drive ka pa pabalik,” dagdag niya, naka-pout pa na parang kuya ko.

Tumango ako at ngumiti nang bahagya, pero naramdaman kong may ibang bagay sa mga sinabi niya. Parang may biglang kumalabit sa puso ko.

“Wow, concern si Mhie, ha! Boyfriend yarn?” biro ni Ron na napakalakas pa ng tawa.

“Syempre naman,” sagot ni Jin, tumingin pa siya sa akin na parang pinagtitripan lang ako, pero ramdam ko ang pag-aalaga niya. Hindi ko alam kung bakit may biglang ibang klaseng saya akong naramdaman dahil doon.

Pagkalipas ng ilang minuto, mainit na talaga sa loob kaya maya’t maya ay tumatayo si Jin para magpahangin sa labas. Sa bawat labas niya, tila dinadala niya ang init ng Samgyupsal sa hangin. Siksikan rin kasi sa loob at lahat kami’y abala sa pagkain at kuwentuhan.

Habang nasa labas si Jin, bigla akong kinausap ni Andrew, “O, Joon, kelan mo ba liligawan si Jin?”

“H-Hoy!” Nahuli niya ako off-guard, at natatawa na lang si Ron sa tabi.

“Bakit naman? Pre, 2024 na, kung natatakot ka sa sasabihin ng ibang tao eh, weak ka,” patuloy ni Andrew, para bang may hinahamon.

“Hindi naman sa ganon. Straight kasi ako, tol,” mabilis kong sagot, pero parang may kahalong hiya.

“Ang spaghetti noodles nga straight din until it gets wet. Ako rin naman, e, pero kung bibigyan ako ng chance… liligawan ko ‘yang si Jin,” sagot niya, sabay bilang ng mga daliri. “Tingnan mo ha, mabait, maalaga, magaling magluto, tapos concern pa sa’yo, diba? Hindi siya nag-aalangan na pagsabihan ka para lang siguraduhing safe ka. Sino ba namang di mahuhulog diyan, pre?” dagdag ni Andrew, sinabayan pa ng kindat.

Hindi pa ako nakakasagot nang bumalik si Jin.

“Nabitin ako sa beer, eh. Ate, isa pa nga pong case dito!” masigla niyang sigaw, mukhang walang kapaguran.

Habang binubuksan niya ang bagong case, tinitigan niya ako at tinanong, “Joon, tama na muna ‘yang nainom mo. Hindi ka sanay uminom at magda-drive ka pa, ayoko nang mamaya may mangyaring masama sa’yo,” paalala niya, seryosong-seryoso ang mukha niya.

Napangiti ako, at ewan ko ba kung bakit parang may kakaibang saya akong naramdaman. Naalala ko ang sinabi ni Andrew at tila naging totoo iyon. May mga tao nga talaga na simpleng pagkalinga lang ay sapat na para pakiramdam mo’y inaalagaan ka.

Kinuha ko pa ang isang bote ng beer at napansin ni Jin ang ginawa ko. Bigla siyang umiling at nagbiro pa, “Kaunti lang ha!” Pero ramdam kong totoo ang pag-aalala niya.

Hindi talaga ako sanay uminom, at masasabi kong introvert akong tao. Lumaki akong kasama lang ang computer, at kung tutuusin, naging madaldal lang ako nang magsimula akong magtrabaho. Mas lalo na nang maging close kami ni Jin. Siya kasi ‘yong tipo ng tao na kayang gawing madali ang lahat ng bagay kahit na minsan ay nakakalito.

Nang tumagal ang araw, nagpaalam si Jin na “Alas-onse na. Uwi na tayo,” habang inaayos ang bag niya.

“Sige,” sagot ko, pero nang tumayo ako, bigla akong nakaramdam ng hilo. Napaupo ako bigla sa upuan, at tila lahat sila ay napatingin.

“Joon, ayos ka lang ba?” tanong ni Jin, halatang worried sa itsura niya. “Sabi ko naman kasi, huwag mo nang piliting uminom kung hindi mo kaya, magda-drive ka pa pauwi!” Sermon niya, pero hindi ko inisip na sermon iyon—parang inaalagaan niya lang ako.

Nakangiti lang si Andrew sa tabi, sabay biro, “Boyfriend yarn?”

“Haha, hindi naman kailangang maging boyfriend para maging concerned,” sagot ni Jin. “In the first place, kapag may nangyaring masama, kami ni Vince ang madadale kasi kami ang support na kasama niyo.”

Ngumiti lang ako kay Jin, pero sa totoo lang, ang mga sinabi niya ang bumuo ng araw na ito para sa akin. Lumaki ako sa isang bahay na lahat ng gusto ko ay ibinibigay, kaya ngayon ko lang talaga naramdaman kung paano ang magkaroon ng taong tapat na mag-aalala sa’yo.

Naglakad kami palabas at umupo sa waiting shed para magpahangin, at habang nakaupo, naisip ko ang mga sinabi ni Jin at ni Andrew. Minsan pala, ang pinakamahalagang mga salita ay nanggagaling sa mga taong hindi mo akalaing magiging parte ng buhay mo.

“Okay ka na ba?” tanong ni Jin.

“Oo,” sagot ko habang isinusuot ang helmet.

“Kay Andrew na ako sasakay,” sabi ni Jin, “pareho naman kami ng dadaanan. Sige, Vince, ikaw na ang bahala kay Joon ha, para mabantayan mo ‘to.”

Nagpaalam na sila, at kami naman ay sumunod na rin pauwi. Napaisip ako sa mga nasabi ni Jin ngayong gabi. Minsan, hindi mo pala kailangan ng relasyon para maramdaman ang pag-aalaga ng iba.

Maybe Next LifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon