Nakatayo ako sa waiting shed, nag-aantay na dumating ang mga ka-team ko. Ako kasi 'tong naka-motor, kaya siyempre, mas nauna akong makarating sa destination ng team building namin. Wala naman problema 'yun, pero halos tatlumpung minuto na rin akong naghihintay dito. Mga sampung beses na yata akong tumingin sa cellphone ko, nag-aabang ng tawag o chat mula sa kanila. Pero kahit papano, nakakabawas ng inip ‘yung video calls ko kay Elle.
Simula nang sabihin ni Elle na may gusto siya sa akin, parang gusto ko ring subukan, alam mo 'yun? Subukan kung ano ba ang puwedeng mangyari sa amin. Sabi nga ng mga tropa, normal lang naman na ligawan mo 'yung taong gusto ka, hindi ba? Wala namang masama.
Ding! Biglang nag-vibrate ang phone ko. Si Roki, nag-chat.
"Joon, malapit na kami," sabi niya.
Siyempre, sinagot ko agad. "Okay, ingat."
Habang nakatitig ako sa screen ng cellphone ko, tumawag naman si Elle. Agad ko namang sinagot.
"Good morning," bungad niya, boses na parang sinadyang lambingin.
"Magkausap lang tayo kanina, hindi ka ba natutulog?" sagot ko, sinusubukang itago 'yung natutuwa kong ngiti.
"Miss na kita," simpleng sagot niya, walang ka-dalawang isip.
Napangiti tuloy ako nang di-oras. "I miss you too," sabi ko.
"Mag-enjoy ka jan sa team building niyo ha. Sasama sana ako, kaso nakakahiya. Hindi ko naman sila kakilala."
"Sayang nga," sagot ko, sabay tingin sa malayo, "Sana sumama ka. Eh si Jin nga, andito kahit hindi naman namin ka-team."
"Si Jin kasi, support siya. Saan mang team, pwede siyang sumama. Actually, balak ko ngang yayain siya sa team building namin eh."
Sabi ko, "Pupunta 'yon," parang napasigaw pa yata ako.
"Oh, siyempre pupunta ‘yon. Andun si Aries eh, 'yung ka-team ko na ka-asaran niya araw-araw. Bagay kaya sila, 'yung tahimik si Aries tapos maingay si Jin. Para silang aso't pusa kung mag-asaran sa floor. Nakakatuwa silang panoorin. Actually I'm shipping them. "
Napasimangot ako nang hindi niya makita. "'Shipping them'? Papunta saan?"
"Ha?" Parang hindi agad niya nakuha, sabay tawa nang malakas. "Siraulo ka. I mean, I’m rooting for them, to become a couple, kasi nga cute silang tignan. Hindi ko sila ipapadala kung saan!"
"Haha, sorry, slow," sabi ko, pero ang totoo, parang may konting kurot sa dibdib. Bakit ba ang bilis makuha ni Jin ang loob ng mga tao sa office? Hindi lang naman si Aries 'yung ganun sa kanya, kahit yata sino, andun lahat.
“Okay lang ‘yan,” sabi ni Elle, “Malakas ka naman sa akin.” Hindi ko napigilan ang ngiti. Parang umaangat ‘yung tiwala ko sa sarili. Lumalakas na yata ang chance ko na ligawan siya.
Maya-maya pa, dumating na rin sina Roki at ang iba pa. Napatayo na rin ako at lumapit sa kanila. Pero napatigil ako nang makita ko ang suot ni Jin. Naka-black shorts at brown crop top siya, kaya kita 'yung kaputian ng balat niya. Napakaliit at payat pa naman ng katawan, kaya bumagay talaga sa kanya 'yung outfit niya.
"Andito na sila," sabi ko kay Elle. "Tawag na lang ako mamaya."
"Sige, ingat kayo ha," sagot niya, sabay end ng tawag.
Tumayo na ako at lumapit kay Jin. Hindi ko naiwasang itanong, "Bakit ganyan ang suot mo?"
Napairap siya, sabay sagot nang pabalang, "Maghahanap ako ng lalaki. Hindi pwedeng ikaw lang ang may karapatang lumandi." Matapos 'nun, humakbang siya palayo. Para akong napako sa kinatatayuan ko.
BINABASA MO ANG
Maybe Next Life
RomanceSi Joon at Jin ay parehong nagtatrabaho sa isang malaking BPO company sa Maynila, isang mundo kung saan ang bawat araw ay punong-puno ng tawag, email, at sunud-sunod na mga task na kailangang tapusin bago matapos ang shift. Sa likod ng corporate hie...