01

30 0 0
                                    


Jasmine Pangilinan

Kusang naningkit ang mga mata ko matapos mapahinto sa paglalakad nang mapansin ang bulto ng lalaking nakatayo malapit sa estero. Pinagmamasdan yata niya ang mga naglulutangang gamit na diaper at iba pang mga basura doon. Pero hindi ito ang umagaw sa aking atensyon, kundi ang paraan ng pananamit nito; malinis, maporma, mabango.

Mayaman.

Nakatalikod siya sa akin kaya hindi ko makita ang mukha niya para mapagsino siya. Ganumpaman ay hindi na 'yon ang mahalaga. Kailangan kong samantalahin ang pagkakataong nasa gano'n siyang posisyon.

Ngumisi ako habang ngumunguya ng bubblegum na halos wala nang lasa. Luminga-linga ako sa paligid. Nataong walang mga taong nakatambay sa labas ng mga magkakatabing bahay sa palibot ng estero. O kung meron man, hindi na bago sa kanila ang gagawin ko.

Mukha namang hindi taga-rito ang kung sinumang lalaking 'to. Isa pa ay hindi siya nababagay sa squatter's area. Mukha siyang laging may-ligo.

Dahan-dahan akong humakbang papalapit. Tinitiyak kong hindi ako makakalikha ng kahit anong ingay para maging dahilan sa pagkaagaw ko ng atensyon niya. Ilang talampakan na nga lang ang layo ko sa kanya. Amoy na amoy ko na ang kanyang mamahaling pabango.

Napatingala ako sa kanya. Tantiya ko ay may humigit-kumulang anim na talampakan ang taas niya. Maputi at makinis ang batok niya. Mas lumilitaw pa ang kulay ng balat niya sa suot niyang hapit na itim na polo at slacks. Halatang hindi babad sa araw ang balat at palagi sa mga dermatologist.

Bumaba ang tingin ko. Sumusungaw ang matabang leather wallet niya.

Matambok rin ang pwet niya.

Muli akong luminga-linga sa paligid. Samantalang ang lalaking 'to ay tila wala namang kaalam-alam dahil hindi man lang ito natinag sa kinatatayuan. Ginalingan ko ba naman ang galaw.

Tiba-tiba!

Maingat at dahan-dahang dinukot ko ang wallet niya. Iaangat ko na sana ito nang may malaking kamay na pumigil sa kamay ko.

Nanlaki ang mga mata ko sa pagkabigla. Kamay mismo iyon ng lalaking dudukutan ko sana. Hindi ko 'to maiwaksi dahil sa higpit ng pagkakahawak niya. Sa haba rin ng kanyang mga daliri ay lumampas pa ito kahit nakadakot na 'yon nang buo sa bisig ko.

Sa halip ay marahas niya akong hinila patungo sa harapan niya. Pero dahil malapit siya sa estero ay muntik na rin akong mawalan ng balanse at mahulog doon, kung hindi rin niya ako agad na nahila gamit ang isa niyang kamay at naging sanhi ng pagkakadikit ang aking mga katawan.

Habol-habol ko ang aking paghinga. Hindi lang dahil sa nahuli niya ako kundi dahil sa muntikan ko nang pagkahulog. Iyon pa naman ang pinaka-kakatakutan ko sa paninirahan malapit sa mga esterong ito.

Napatingala ako sa kanya. Wala pa siyang kahit na anong emosyon kanina, pero kalaunan ay bahagya rin siyang napakunot-noo na tila inaaral ang pagmumukha ko.

Napasinghap ako sa sobrang lapit ng mga mukha namin. Hindi siya mukhang Pinoy. O kung pinoy man ay may lahi rin itong banyaga.

O baka Pinoy talaga siya, sobrang gwapo lang.

"What do you think you are doing, woman?" Sa baritonong boses ay ma-awtoridad na tanong niya.

Peste! Pati pala boses, gwapo rin.

Mabilis kong ipinilig ang ulo ko. Hindi dapat ako nagpapaapekto sa kung anumang hitsura niya. Dapat akong makatakas sa mga kamay niya.

Paano kung isuplong niya ako sa mga pulis? O kung saktan niya ako? Paano na ako?

That Doctor (Japanese Series 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon