10

6 1 0
                                    


"JAKE..."

Sumandal siya sa gilid ng pintuan. Humalukipkip at pinagmasdan ako na noon ay nakasalampak sa sahig habang nakasandal sa bedframe. Yakap ang mga tuhod at nag-iisa sa kwarto.

"Hanggang kailan ka mananatili rito sa kwarto mo at tataguan ang mga tao?" tanong niya.

Lumabi ako at isinubsob ang mukha sa tuhod.

Ika-limang araw na ng lamay ni tatay. Nabibilang sa daliri ang pagkakataong lumalabas ako at nakikita ng mga bisita. Ayoko muna silang harapin. Ayoko munang marinig ang kung anumang sasabihin nila.

Ayokong marinig ang katotohanang ako ang dahilan kaya inatake sa puso si tatay.

Tumabi siya sa akin; ginaya ang pagkakaupo ko.

"Alam mong mas sasamá ang loob ni tito kapag nanatili kang ganyan."

Nag-angat ako ng mukha. Ramdam ko ang paglingon niya.

"Hanggang kailan mo ba sisisihin ang sarili mo, Meng—?"

"Bakit hindi? Ako naman talaga ang dahilan kaya siya namatay, 'di ba? Noon pa man, sinasabi na niyang iwasan ko si Kuya Binoy, e. Pero anong ginawa ko? Alam niya ang trabaho ko, kung anong uri akong tao. Noon pa man pinapaiwas na niya ako sa gulo," mahabang litanya ko. "Pero ang tigas ng ulo ko."

Tumingin ito sa malayo. "Bakit hindi mo kausapin si Doc Yamada para maliwanagan ka sa totoong naging kondisyon niya?"

Si Doc H, na ilang araw ko nang hindi nakikita. Huli ko siyang nasilayan ay noong dinala pa niya ako sa private room para pagalitan at sabihin ang nangyari.

"H-hindi na, huwag na."

Ibinalik nito ang tingin sa akin pero hindi na nagsalita.

"Hindi siya magagalit sa akin noon kung hindi ako ang dahilan," sabi ko.

Ilang saglit na namayani ang katahimikan sa pagitan namin. Maya-maya pa'y kusa rin niya itong binasag.

"Nasa labas siya."

Isang sanaysay lang 'yon, pero pinabilis no'n ang tibok ng aking puso. Isang parte ang nasabik na makita ko ulit siya, pero isang parte rin ang tumatanggi at nagsasabing mas maigi kung huwag na lang. Makakalimutan rin niya ako, matatapos rin ang ugnayan namin.

"Hindi mo ba siya haharapin?" tanong niya nang makitang nanatili pa rin ako sa pagkakaupo.

Umiling ako. "Ikaw ang mas nakasalamuha niya sa hospital noon."

"Pero, Meng..." Tumikhim na lang ito.

Tumayo ako at sa gilid ng kama umupo. Inayos ko ang higaan ko at umastang matutulog. "Baka kailangan niya ng kasama sa labas. Puntahan mo na," utos ko saka nagtalukbong.

Pinakiramdaman ko ang buong paligid. Hanggang sa may narinig akong yabag at pagbukas ng pinto palabas. Ilang segundo, saka ko hinawi ang kumot na bumabalot sa akin. Inilibot ko ang tingin sa buong kwarto; mag-isa na lang ako ro'n at tuluyan na siyang lumabas.



GABI NA nang lumabas ako matapos maalimpungatan sa isang mahabang tulog. May ilan pang ingay akong naririnig sa labas; may ilan pa sigurong naglalaro ng mga larong pang-lamay.

Isang babaeng nakadukmo sa sandalan ng monobloc chair na nasa harapan nito ang nag-iisang bantay ng lamay. Si Winona, ang anak ni Aling Poleng. Madalas kasi itong utusan ng matanda na tumao muna tuwing gabi kasama ko, lalo't ganitong oras ng lamay ay umuuwi na si Jake upang magpahinga.

Safe naman gabi-gabi mula nang unang gabi ng burol. Laging may bantay na mga tanod sa labas. Hindi rin naman gaanong maingay para maging nakagagambala sa mga kapitbahay.

That Doctor (Japanese Series 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon