08

5 0 0
                                    


I'M SORRY.

Iyan ang nakasulat sa note na kalakip ng bouquet. Nakakainis naman! Sino ba kasi 'yong boss ng Samurai na 'yon? Bakit ito nagso-sorry?

Kung aaralin ay parang si Matthew pa rin ang labas nito. Sino bang nakagawa ng matinding kasalanan sa akin? 'Yong leader pa rin naman na 'yon ng Red Foxes. Hindi kaya pinamigay na lang nito 'yong bouquet bago ito namatay?

Buong akala ko rin ay magtatanong sa akin si tatay tungkol sa bulaklak kaya naghanda pa ako ng matinding isasagot kung sakaling mag-uusisa siya. Pero hindi man lang nito pinansin ang dala ko na tila inaasahang makatatanggap ako niyon. Sinipat man niya nang ilang segundo, pero hanggang doon na lang 'yon.

Kasalukuyan kong nilalaro ang ilan sa mga petals ng rosas habang nagbabantay nang biglang bumukas ang pinto. Napatayo ako sa gulat nang makita kung sino ang pumasok.

Si Doctor Hidaro.

Ang lakas ng appeal niyang dala kahit simpleng scrubs lang ang suot niya. Kumbaga sa apoy ay tila nag-aalab ang presensya niya sa buong kwarto.

Nagtama ang aming mga paningin pero kaagad rin niyang ibinaling kay tatay ang atensyon. Nilapitan niya ito at magiliw na binati.

"Good evening po, tatay!"

Tinanguan ito ni tatay saka umayos ng upo sa kama.

"Kumusta na po ang pakiramdam niyo, 'tay?" Halatang pinipilit niyang magsalita ng Tagalog. Ang cute ng accent niya. Sa bawat pananalita niya ay gumagalaw rin ang kanyang Adam's apple; napapalunok na naiilang.

"Maayos na ako, Daro."

Sinipat ni Doc Hidaro ang chart na dala niya. Saka ikinabit sa tenga ang earpiece ng stethoscope at itinapat ang chestpiece sa dibdib nito upang mapakinggan ang pagtibok ng puso ni tatay. "Hindi na po ba sumasakit at nanginginig ang ilang muscles ninyo?"

Umiling naman si tatay bilang sagot.

"Tomorrow afternoon, exactly one o'clock, you will be having your surgery, 'tay."

Tiningala ito ni tatay at hindi na nagsalita. Kalaunan ay tumango na lang ito at sumandal sa pader na nagsisilbing headboard ng kama.

Nilapitan ko si Doc Hidaro. Tumitig naman siya sa akin nang ilang segundo, pagkatapos ay bumuntong-hininga. Gaya ng dati ay wala pa rin akong mabasang kahit na anong emosyon sa mga matang 'yon na nakatingin sa akin.

"He needs to fast for at least eight hours before proceeding to his operation tomorrow," pormal na pahayag niya.

"Matagal ba 'yong magiging operasyon niya? Kakayanin kaya niya?"

"He will if you support him." Bumaling ito kay tatay. "Bago mag-alas singko ng umaga,'tay, huwag na po kayong kakain, ha. Kailangan niyo pong mag-fasting bago kayo ma-operahan."

Tumango lang si tatay rito.

"Kung may tanong pa po kayo, nasa office lang po ako for your concerns, anytime."

Tango lang ulit ang sagot niya.

Hindi naman sa mukhang bagot ito o ano. Magiliw pa nga ang mukha niyang kausap ang doktor na 'to kahit hindi siya umiimik.

Gano'n siguro talaga ang bonding ng mga pasyente at doktor. Gano'n siguro ituring ni Doc Hidaro ang kanyang mga pasyente kaya magaan ang loob ni tatay rito.

Palihim akong umatras upang matakpan at hindi niya mapansin ang bouquet na nakalapag sa sahig. Naalala ko pa kung paano sumama ang timpla niya kanina dahil dito. Mukhang ayos naman siya ngayon kaya ayoko nang masira ulit ang mood niya.

That Doctor (Japanese Series 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon