03

18 0 0
                                    


"KUYA, ayoko," pagtanggi ko saka mariing umiling.

Dumako ang tingin ko sa boss nila. Mataman itong nakatingin sa direksyon ko na halatang nakikinig sa usapan namin. Malamang na narinig rin nito ang sinabi ko.

Pumitik ang dila ni Kuya Binoy. "Mas malawak ang access mo kapag sasali ka sa grupo. Magkakaroon ka pa ng connection sa iba pa naming mga kasama."

Napahawak ako sa batok. "Hindi ba pwedeng maging freelance na mandurukot na lang ako?"

Tumawa ito nang pagak. "At kapag nahuli ka ng pulis? Ano? Sinong inaasahan mong tutulong sa'yo?"

Lumamlam ang mga mata ko sa kanya. Lumabi ako at napatungo.

"Sanggang-dikit lahat tayo dito, Meng. Ako, ikaw, at nang iba pa nating mga kasama. Kargo ka rin ni boss," aniya sabay turo sa amo niyang parang tuod sa gilid. "Kapag nalagay ka sa alanganin, nandiyan ang grupo para tulungan ka."

Nakagat ko ang aking labi. Kung tutuusin, kailangan ko rin ang tulong nila. Tulad kanina, malamang na nasa morgue na ako kung hindi lang dumating si Samurai guy.

Teka, miyembro rin kaya nila si Mr. Samurai?

"Dito rin ba sa grupong na 'to kabilang si Mr. Samurai?"

Nangunot naman ang noo ni Kuya Binoy at nagtanong ang mga mata niya. "Sinong Samurai?"

Umiling na lang ako upang maiwaglit ang paksang iyon. Kung sabagay, paano nga naman niya makikilala si Mr. Samurai kung naka-disguise 'yon.

"Ano? Sasali ka na ba?" muling tanong niya kapagkuwan.

Namuntong-hininga ako. Tiningala ko siya at saka nilingon ang boss niya. Gaya ng dati, wala pa rin itong kahit na anong reaksyon pero nasa akin lang ang tingin. Wala na rin ang baril na pinupunasan niya kanina.

Ibinalik ko ang tingin kay Kuya Binoy. "Pwede bang pag-isipan ko muna—"

"Bakit pag-iisipan mo pa kung pwede namang um-oo ka na ngayon din."

"E' kasi..."

"Hayaan mo muna siya, Robin," anang boss niya. Ang ganda pala ng boses nito. Lalaking-lalaki. "Bigyan mo siya ng oras para pag-isipan ang kanyang magiging desisyon." Makahulugan ang tinging ipinukol niya sa akin. "At least, I got to know her."

Nabuhay na naman ang mga balahibo ko sa batok at nagsitayuan na naman ang mga ito. Para akong hinipan ng malamig na hangin. Lahat na lang ba ng kaanib sa grupong ito, mga may sa-manyakis?

Huminga nang malalim si Kuya Binoy, sabay buga. Nalaglag rin ang balikat nito matapos hindi ako mapapayag ora mismo.

"Maiging turuan mo muna siya ng ilan pang mga paraan ng pagnanakaw. Mukhang pandurukot lang sa bulsa ang alam pa lang niyang gawin."

Bakit nito alam? Nagkita na ba kami noon? Hindi kaya nadukutan ko na rin siya?

Tinanguan ito ni kuya.

"Tutuloy na kami, boss—"

"Hindi po pa siya opisyal na naipapakilala, Robin." Sumandal ito sa kinauupuan at nagsimulang magsindi ng sigarilyo.

Tiningnan ako ni Kuya Binoy na mukhang nag-aalangan base sa mga mata. Tumikhim muna ito bago  nagsalita.

"Boss Matt, si Meng. Jasmine Pangilinan sa tunay na pangalan." Bumaling ito sa akin. "Meng, boss ko. Leader ng Red Foxes, si Boss Matt. Matthew de Catalina."

Matthew de Catalina...

Napatingin ako sa kanya. Sinusuri ang kanyang kabuuan. Pero iba yata ang pagkakaunawa niya sa ginawa ko.

That Doctor (Japanese Series 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon