06

7 0 0
                                    


BITBIT ANG isang plastic bag ng ulam na nabili ko sa carinderia sa labas ay pumasok ako sa loob ng hospital. Ayaw ko sanang bumili dahil limang-daang piso na lang ang natitirang pera ko sa wallet kanina. May three-hundred pesos pang sukli at hanggang doon na lang 'yon.

Wala pa akong kinikita. Nakadilehensiya na nga sana ako pero naging bato pa dahil nahuli ako ni Doc Hidaro sa kotse niya. Hindi na rin ako gaanong makalalabas matapos niyang alisin ang sumbrerong suot ko at hanggang ngayon ay hindi pa niya ito sinasauli.

Ayaw ko na ring lumapit kay Kuya Binoy o kung sinuman sa mga kaanib ng Manila Red Foxes. Hangga't maaari rin sana ay hindi muna ako lalabas ng hospital dahil alam kong hinahanap at sinusubaybayan na ako ng mga tauhan ni Matt. Mas ligtas ako dito sa loob, maliban na lang kung makikipagsabwatan si Kuya Binoy sa mga ito upang malapitan ako.

Sobrang haba ng naging araw na 'to. Ramdam ko ang kapaguran habang naglalakad sa pasilyo patungong male ward kung saan naroon sina tatay. Isa pa ay nahihiya na rin ako kay Jake dahil ito na ang nagagambalang magbantay kay tatay na ako dapat ang gumagawa.

Kahit sinasabi niyang ayos lang ito sa kanya at hindi rin naman siya nagrereklamo ay nahihiya pa rin ako para sa pinsan kong peke. Kung sabagay ay panay masasarap naman kasi ang nakakain niya rito kaya marahil sinabi niyang hindi siya nababagot. Pero mula ngayon ay hindi ko na rin tatanggapin ang mga pagkaing galing kay Samurai guy. Alam kong isa rin ito sa mga tauhan ni Matt. Iniiba lang marahil nito ang katauhan base na rin sa utos ng amo.

Nang marating ko ang hospital bed ni tatay pagpasok ko sa ward ay dumiretso agad ako sa bedside table niya at inilapag ang dala ko. Napansin kong mas maraming pagkain ang naroroon. Mas marami ring prutas at may fastfood pa. Hindi nga lang ito galing sa Tokyo Kitchen gaya ng mga natatanggap namin.

"Sino na naman bang nagbigay ng mga ito?" tanong ko sa lalaking katapat kong nakatayo sa kabilang banda ng hospital bed. Alam kong si Jake ito kahit hindi ko pa nakikita ang mukha niya. "Pinsan, sa susunod huwag mo nang tanggapin ang galing sa unknown delivery natin. Baka ikapahamak pa ni tatay 'yan—"

Napamaang ako nang lingunin ko ang kausap. Natigagal rin siya habang tinitingnan ako. Binaba ko ang tingin sa pasyenteng nakaratay. Nakamaang rin ang matandang nakaratay roon habang tinitingnan ako.

"Sino kayo?" tanong ko sa kanila. Hindi ito si Jake, hindi rin ito ang tatay ko. Sino sila?

"Kaa-admit lang po ng tito ko rito, ate," tugon ng binatang kaharap ko. "Kayo po?"

Luminga-linga ako sa paligid. Hindi ako pwedeng magkamaling dito nakaratay si tatay kani-kanina lang nang iniwan ko sila. Wala rin sila sa ibang kama.

"Dito naka-confine ang tatay ko," tugon ko sabay turo sa kinaroroonan ng pasyente. "Nandito lang sila kanina."

Kumibit-balikat ang binata. "Hindi ko po alam, ate. Kaninang pagdating kasi namin dito, bakante na po itong kama."

Discharged na ba si tatay? Pero imposible 'yon dahil mao-operahan pa siya. Kinuha ko ang aking cellphone sa bulsa pero nakapatay iyon. Pinatay ko nga pala kanina dahil ayokong makatanggap ng tawag mula kay Kuya Binoy. Nang sinubukan kong buksan ay hindi na ito gumana.

Napamura ako sa isip. Tiyak kong dead battery na rin 'to.

Nagsimula na akong kabahan kung saan dinala si tatay. Ilang oras nga pala akong nawala at sa maraming oras na 'yon, marami ring pwedeng mangyari.

Paano kung nasa morgue na pala si tatay?

Sa isiping 'yon ay mabilis kong dinampot ng supot na dala ko kanina at tumakbo palabas. Hindi na ako nakapag-paalam sa mga ito. Kasabay sa mabilis na kilos ay ang mabilis ring tibok ng puso ko. Hindi sana ako tama ng hinala.

That Doctor (Japanese Series 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon