Dinig ang Christmas songs sa estasyon ng mga pulis, subalit imbis na maging masaya ang mood ni Asher, inis ang nararamdaman niya habang kaharap ang salbaheng si Siberius.
Nagmamaktol siya dahil ang inakala niyang moment of truth with Emma ay made-delay pa. Medyo kabado na rin siya na baka maging malamig pa ang Pasko niya at silang mga preso na lamang ang magyayakapan.
Kinilabutan pa siya nang may ipasok ang mga pulis sa estasyon na dambuhalang lalaking lango sa alak. Tumitig ito sa kanya at nag-flying kiss pa kaya napakapit na lang siya kay Emma upang humihingi ng saklolo. Na-i-imagine pa lang niya na katabi ito sa piitan ay namamawis na siya nang malapot.
"Diyos ko," pananalangin na niya. "Ilayo Mo po ako sa delubyong malaki!"
"Talaga bang ayaw mong magpaareglo?" dinig niyang pagtatanong na ng pulis kay Siberius. "Ang sabi mismo ng may-ari ng karinderya ay wala naman naganap na pananakit, at ikaw pa nga raw ang nanggugulo."
"Kasinungalingan!" pagtanggi nito sa pahayag ni Emma. "Marahil ay nasulsulan lang siya ng tambay na 'yan kaya napipilitan na magsabi ng 'di totoo!"
"Anong depensa mo roon?" pag-uusisa ng pulis kay Asher. "Maaari kang makulong kung hindi iaatras ang reklamo sa 'yo."
"Wala po akong sinasaktan," pag-uulit ng binata sa tanong na naririnig niya kanina pang nasa barangay hall. "At hindi rin totoo na carnapper ako. Sa akin nga nakarehistro ang sasakyan."
"Patingin nga ng pruweba."
"Sandali." Kinuha niya ang cellphone at hinanap sa photo gallery ang litrato ng registration pati na rin driver's license niya. Pinakita niya ang mga iyon sa nag-iimbestiga. "Heto po, kitang-kita na legit owner nga ako ng Ferr@ri."
Napakunot ang noo ng pulis sapagkat ibang-iba ang itsura ng nasa litrato ng lisensiya. Maayos ang naroon na naka-coat and tie, naka-hair gel, at mukha ngang kagalang-galang samantalang ngayon ay nakapambahay na nga, magulo pa at buhaghag na naman ang buhok niya na tila ba nakipagbuno siya sa buhawi.
"Tumingin ka sa mukha ko, huwag sa buhok," sinambit na niya na tila ba nabasa ang isip ng pulis sa pagdududa nito. "Kapag kasi walang gel o pomada ang buhok ko ay parang may sariling buhay."
"Asher Aldana?" pagbanggit pa nito. "Hmmm, anong relasyon mo kay Mr. Aizen Aldana?"
"Tatay ko siya."
"Imposible!" pagsingit na ni Siberius sa pahayag niya. "Kakilala ko ang ginoong 'yun na bilyonaryo! Mestizo 'yun at 'di hamak na mas magandang lalaki kaysa sa 'yo! Tignan mo nga ang sarili mo, ang itim-itim mo at ang pangit pa! Talagang sinungaling ka lang na nag-aangkin ng personalidad ng iba!"
"Aray ko naman kung makapangit ka sa akin!" bulalas na ni Asher dahil aminado naman siya na mas madating talaga ang ama kaysa sa kanya. Sadyang hindi nga siya ma-appeal sa unang tingin lalo na kung hindi nakaayos pero alam naman niyang hindi siya nahuhuli sa itsura.
Matangkad at makisig din naman siya pero sa 'di maipaliwanag na dahilan, talagang ang magulo niyang buhok pa rin ang napapansin. Kadalasan ay gusto na lang niyang magpakalbo pero nang subukin minsan, napagkakamalan naman siyang p∅rn star na sikat sa palawit-lawit ng dila. Dahil doon ay nagdesisyon na lang siyang pagtitiyagaan at ibababad na lang sa gel o mousse ang wavy hair niya.
"E ano naman ngayon kung moreno ako?" pagdepensa pa niya sa kulay niyang kayumanggi. "Brown is beautiful, 'di ba? At ano ba ang kinalaman ng issue natin sa itsura ko? Kung puwede lang, umuwi na lang tayo para wala ng hassle! Magpapasko pa naman kaya sana, magkaunawaan na at kalimutan mo na kung ano man ang ikinagagalit mo sa akin!"
"Tama!" pagsang-ayon naman ni Emma na nakatabi sa kanya. "Ikaw rin naman ay may ginawang hindi maganda sa akin, Mr. Siberius. Kung nagkasagutan man kayo kanina ni Asher, sana quits na lang para makauwi na tayo."

BINABASA MO ANG
Paranormal One-shot Stories
ParanormalA compilation of my one-shot stories, mostly with paranormal theme. Also published in my Facebook Page, Author Wiz.