Kabanata 9

4 1 0
                                    

Mahigpit na hawak ni Aryana ang isang puting kandila, madilim ang paligid at umaambon na ngunit hindi niya ito alintana. Gustuhin man niyang pumunta sa naging burol ay wala siyang ibang nagawa kundi ang manatili sa kanilang mansyon. Hindi siya maaaring dumalaw sa lalaking nais siyang patayin, iyan ang mahigpit na utos ng kanyang ama.

"Napakasama talaga ng pamilyang iyan, hindi ko alam kung bakit kailangan pa nating sumama rito para lang sa burol ng walang kwentang tao."

Inayos niya ang kanyang suot na itim na belo, hindi siya maaring makilala ng mga taong nandirito ngayon.

"Ano ka ba? Tayo ay isa sa mga police rito sa bayan! Hangga't maaari ay kailangan nating magpakita ng kabutihan sa mga Anchilles," suway dito ng kasama.

Napadaan lang ang mga ito sa kanilang likuran na tila nagmamatyag sa paligid upang masiguradong maayos ang naging libing.

"Halika na, oras na para pauwiin ang pamilyang iyan!" saad nito, habol tingin siya sa dalawang lalaki na agarang lumapit sa pamilyang nagluluksa.

Walang ibang dumalo sa burol nito at gano'n na rin sa naging libing, mas napahigpit ang kanyang kapit sa kandila dahil sa masamang pakikitungo ng dalawang police sa pamilyang namatayan. Tanaw niya ito mula sa malayo, gustohin man niyang tumulong ay wala siyang magagawa. Hindi siya maaring makita ng mga ito.

"Binibining Arya, kailangan na po nating umalis. Mamaya lang ay paparating na ang iyong ama sa mansyon, hindi siya maaring mauna sa atin—-"

"Susunod ako Malia, pwede bang iwanan mo muna ako rito kahit sandali lang?" putol niya sa sasabihin ng kanyang tagapagsilbi, tumingin ito sa kanya na tila nagdadalawang isip. "Huwag kang mag-alala, hindi ako aalis o tatakas sa inyo, nais ko lang itirik itong kandila sa puntod bago tayo umuwe."

Ngumiti siya rito upang maibsan ang pagkabahala ni Malia, nag-aalangan itong tumango. Sa ngayon ay ito lang ang isa sa taong lubos na nakakaintindi sa kanyang nararamdaman.

"Si—sige po, hihintayin ko nalang kayo sa sasakyan," saad nito, ngumiti siya at tumango bilang tugon.

Pansin niya ang pag-alis ng dalawang police at ng pamilyang lubos na nagdadalamhati ngayon, parang binibiyak sa dalawa ang kanyang puso ngunit wala siyang magagawa, kailangan niyang maging matatag at matapang upang maisakatuparan ang kanyang naisip na plano.

Nang makasigurado siyang wala na ang mga ito ay nagmamadali siyang lumapit sa puntod, umupo siya rito, hindi na niya napigilan sa pagpatak ang kanyang mga luha na kanina pa niya tinatago. Hindi pa rin niya alam kung bakit napunta sila sa ganitong sitwasyon, hindi niya akalaing pagtatangkaan siyang patayin ng lalaking matagal na niyang iniibig, ngunit alam niyang lahat ng iyon ay pawang mga kasinungalingan lamang, alam niyang hanggang sa huling sandali ng buhay ng binata ay nais siya nitong ingatan.

"Pasensya kana kung hindi kita nadalaw sa iyong burol, hindi ko rin masindihan itong kandila dahil umuulan na ngunit alam kong batid mo kung gaano kita kamahal. Kahit pa sabihin nilang lahat na ang pakay mo ay ang aking buhay, hindi ako maniniwala. Alam kong mahal mo rin ako Nathaniel, pinapangako ko sa iyo." Tumingala siya sa makulimlim na langit. "Gagawin ko ang lahat upang malinis ang iyong pangalan, gagawin ko ang lahat upang mapatunayan na hindi mo magagawa ang bagay na iyon."

Inalis niya ang kanyang belo upang mas makita pa ito nang maayos, labis-labis ang kanyang pagdadalamhati. Lumalakas na din ang bawat pagbuhos ng ulan kaya naman wala na siyang ibang nagawa kundi ang tumayo, gustohin man niyang magtagal dito ngunit hindi iyon maaari.

"Mahal na mahal kita Nath, pangako, magkikita pa tayong muli. Paalam."

Hindi pa rin siya makapaniwala, akala niya ay pagmulat ng kanyang mga mata mula sa gabing iyon ay magiging masaya na siya ngunit hindi, maituturing niya pala itong isang bangungot, hindi niya akalain na magigising siya mula sa isang aksidente, hindi niya akalaing mawawakasan ang buhay ni Nathaniel dahil sa pagsagip nito sa kanya. Ang lahat ng binuo niyang pangarap sa gabing iyon ay bigla nalang naglaho na parang bula.

Voyage in TimeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon