LALAINE ROSE GUTIERREZ
"Sandali," saad ko at luminga sa paligid, "paano ang magiging takbo ng laro? Dito ba 'yon gaganapin sa mundo ng mga mortal?" tanong ko at tumayo na habang sumakay naman ang alaga kong si Haliya sa aking balikat. Ibinalik ko na ang mga libro at lumabas na ng Library.
Sumunod sa akin si Zuriel, "Wala akong ideya pero—"
Hindi na natapos ni Zuriel ang kaniyang sasabihin nang bigla na lamang bumukas ang kalangitan at bumaba ang tatlong malalaking lalaki. Tumigil ang oras at kami na lamang ni Zuriel ang natitirang gumagalaw. Lumiit sila at naging kasing laki namin.
"Magandang araw," bati nung lalaking walang pang-itaas, "kami ang mga Anito. Ako si Lakan Danum."
"Ako naman si Lakambini." pagpapakilala nung lalaking may suot na dami na parang katutubo. Iginaya niya ang kaniyang katabi.
Ngumiti ang lalaki sa amin,"Ako naman si Lakan Bakod."
Tumaas ang kilay ko. Bakit naman sila nagpapakilala?
Bago pa man ako makapagtanong ay bigla nila kaming hinatak ni Zuriel sa loob na parang lagusan nila mula sa kalangitan. Pagtingin ko sa aming likuran ay nakita ko ang aking katawan na nakatayo malapit sa amin. Tatangkain ko pa lamang itong abutin nang bigla na kaming lumutang sa ere. Bumalik na muli ang takbo ng oras at umuwang ang mga labi ko nang makita ang katawan ko na naglalakad palayo.
Umaakto rin ito na para bang ako.
"Huwag kang mag-alala. Makababalik ka rin naman sa katawan mo pagkatapos ng laro." bulong ng isa sa mga lalaki sa akin. Hindi na ako nakapagreklamo pa nang bigla nalang kaming hinigop ng isang enerhiya. Napatili sa balikat ko si Haliya habang ako naman ay ipinikit ang aking mga mata. Pakiramdam ko lahat ng buto sa aking katawan ay nababali dahil sa lakas ng pwersang bumabalot sa amin.
"L-lalaine!" rinig kong sigaw ni Zuriel, tila hirap na hirap. Tinangka kong imulat ang mga mata ko upang tanawin siya subalit unti-unti na itong bumibigay.
Inangat ko ang aking kamay at sinubukang abutin siya, "Zuriel.."
Napasinghap nalang ako nang mga brasong biglang pumulupot sa bewang ko. Yumakap ako sa kaniya nang mahigpit at sinandal ang aking ulo sa kaniyang dibdib.
Pagkadilat ko ay sinalubong agad ako ng mukha ni Zuriel. Lumaki ang mga mata ko dahil parang ang lapit niya muli sa akin. Doon ko lamang napansin ang kaniyang kamay na nasa aking likuran habang ang isa namang ay nasa ilalim ng mga binti ko. Buhat-buhat na naman niya ako na parang bagong kasal. Umiwas agad ako ng tingin at naramdaman ko ang pag-init ng aking mga pisngi.
Tumikhim ako,"I-Ibaba mo na ako." mahinahon kong saad. Naramdaman ko ang mga titig niya sa akin bago siya tumalima. Narinig ko rin ang pag-ungol ni Haliya sa aking balikat pagtapak ko sa lupa. Hinimas-himas ko ang kaniyang katawan habang iginagala ang tingin sa paligid.
Madilim ang kalangitan at walang mga bituin. Napaliligiran kami ng isang malaking kagubatan at kahit sa malayo ay dinig namin ang alulong ilang mga hayop dito. May kasama pa itong hamog na halos tumatakip sa buong lugar.
Napalingon ako kay Zuriel, "Nasaan tayo?" tanong ko.
Nakita ko siyang lumunok at bumuga ng hangin, "Nasa mundo tayo ng mga panaginip."
Kumunot ang aking noo, "P-paanong.." sinenyas ko ang paligid at pinilit mahanap ang salitang ibig kong sambitin, "anong ginagawa natin dito?"
"Ito'y kagagawan ng mga Anito." saad niya. "Dito idaraos ang Wingkag. Sa tingin ko ay dahil mas ligtas ito para sa mga mortal na amo. Pagkatapos ng laro ay marahil iisipin lang nila na panaginip lang ang lahat at makakalimutandin sila kalaunan."
BINABASA MO ANG
Hiraya Manawari
AdventureIsang babaeng itim ang buhok na umaalon hanggang sa tuhod, mga matang kayumanggi, at labing simpula ng rosas. Katawan niya'y nakalubog sa tubig at puting bistida'y sumasayaw sa ilalim. Iniangat niya ang kamay, sambit ang mga katagang, "Tulungan mo a...