Kabanata Isa: Astram Zuriel Hephas

6.7K 233 39
                                    

LALAINE ROSE GUTIERREZ

"Lalaine.."

Gusto kong magbingi-bingihan na lamang sa tuwing naririnig ko ang malamyos niyang tinig. Pinulupot ko ang aking mga braso sa aking sarili at iniwas ang aking mga mata. Kinagat ko ang aking ibabang labi nang marinig ko na naman ang sumunod niyang sambitin.

"Tulungan mo akong makalaya."

"Tigilan mo na ako, pakiusap." bulong ko, "wala kang mapapala sa akin."

Nakatitig sa akin ang mga matang kulay kayumanggi. Buhok niya'y itim at umaabot hanggang sa kaniyang tuhod. Labi niya'y kasing pula parin ng rosas kahit na ang buong katawan niya'y nakalubog sa tubig. Suot niya ay puting bistida na sumasayaw sa tuwing siya'y lalangoy.

"Natatakot ka ba sa akin?" tanong nito.

Umiling ako at umupo sa harapan ng anyong tubig na sumasalamin sa imahe niya. Wari ko'y kaya kong ilubog ang aking kamay sa tubig na 'yon subalit sa lagay niya, kailanman ay hindi ko siya nakitang maiahon ang kaniyang sarili. Tinaas niya ang kaniyang kamay at nilapat sa ibabaw ng tubig. Bukas ang kaniyang palad.

"Parte ako ng sarili mo, Lalaine." saad niya. "Huwag mo akong katakutan."

"Hindi ako takot sayo," tugon ko. "Bunga ka lang ng imahinasyon ko. Magising lang ako sa panaginip na 'to, wala ka na ulit."

"May bisita ka."

Nakatingin sa aking likuran ang babaeng nasa tubig. Kunot noo kong sinundan ang kaniyang tingin. Napatayo ako mula sa aking pwesto nang makita ang isang lalaki. Hanggang kaniyang mga balikat ang itim niyang buhok, mga mata niya'y nangungusap, at may hikaw din siya sa kaniyang kaliwang tenga na parang kidlat. Nang magtama ang aming paningin ay bigla siyang lumuhod sa aking harapan.

"Aking amo," saad niya at hinalikan ang aking kamay, "maligaya ako at sa wakas, nakita narin kita."

Bumangon na siya at tinitigan ako nang mabuti. Naglalaro sa kaniyang mga labi ang isang ngiti.

Napakurap naman ako.

Sino naman ang isang 'to?

Parang ang lawak naman masyado ng imagination ko.

Tinalikuran ko siya at pinagkrus ang aking mga kamay sa'king dibdib. Nagsalubong ang aking mga kilay at pilit na winaksi sa isipan ko ang imahe ng lalaki. Alam kong panaginip ko ito kaya dapat may kontrol ako sa mga mangyayari. Isang sakit na sa ulo 'yung misteryosong babae na nasa tubig, ayokong dagdagan pa ng estrangherong 'to.

"Amo," tawag muli sa akin ng lalaki. Huminga ako nang malalim at hinarap siya pero ganoon na lamang ang gulat ko nang makita ko siyang unti-unting naglalaho sa hangin.

"Gusto ko nang makabalik."

Bago siya tuluyang mawala ay nakuha pa nitong lumapit sa akin. Sinandal niya ang kaniyang noo at marahang pinisil ang aking pisngi. Tumitig nang malalim ang itim nitong mga mata sa akin at tila lumambot ang aking mga tuhod. Napuno ng takot ang aking puso.

"Hanggang sa muli nating pagkikita."

Napahigop ako ng hangin nang idinilat ko ang aking mga mata. Hinabol ko ang aking hininga at napatitig sa puting kisame ng aking kwarto. Napahawak ako sa aking dibdib at pinakiramdaman kung gaano kabilis ang pagtibok nito.

"Panaginip," napalunok ako at hinawakan ang aking sentido, "panaginip lang 'yon, Lalaine." saad ko at bumangon na sa kama.

Napapikit ako nang mariin nang may maramdaman akong kilabot sa aking balikat. Huminga ulit ako nang malalim at tinignan ang direksyon na 'yon. Muntik na akong mapasinghap nang nang makita ko ang sariling repleksyon sa salamin.

Hiraya ManawariTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon