Kabanata Labing siyam: Pinakawalang Kayamanan

1K 70 1
                                    

ASTRAM ZURIEL HEPHAS

Tinapik ko ang pisngi ni Lalaine upang siya'y magising subalit bigo ako. Nanginginig narin ang aking katawan habang hawak-hawak ko siya sa bisig ko.

Tumulo muli ang aking mga luha, "A-ano ito? Parte parin ba ito ng laro?"

Gusto kong paniwalaan na sana ang ginagampanan niya lamang na si Sitanya ang nawala. Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung may mangyayaring masama kay Lalaine. Ayokong dito lamang magtatapos ang lahat. Nais ko pa siyang makasama nang matagal!

Naputol ang aking mga iniisip nang biglang nagliwanag ang kaniyang palad. Hinawakan ko ito at nakitang nagliliwanag ang simbolo na nasa kaniyang kamay. Maya-maya lang ay gumalaw ito at pinaligiran ako sa aking mga braso. Lumaki ang mga mata ko sa sumunod nangyari.

"I-isang sanggol..." lumunok ako habang pinagmamasdan ang maliit na nilang sa aking bisig, "a-ang anak nina Bathala at Sitanya."

Narinig kong umungol si Lalaine kaya naibalik ko ang tingin ko sa kaniya. Napansin ko rin na bumalik na ang ilang Diyos at Diyosa sa kinaroroonan namin. May mga espada, sibat, at armas silang hawak. Maging ang kanilang mga kapangyarihan ay inilabas narin nila at tila nag-aabang.

Napayuko ako.

Huli na kayo.

"Bathala!" tawag sa akin ni Farren.

Nakita ko siyang sumenyas, "Lumayo ka sa kaniya!"

"Pero.." pagdadalawang isip ko. Hindi ko kayang iwan dito si Lalaine lalo na't masama ang aking kutob sa mga nangyayari. Nararapat lamang na nasa tabi niya ako kung magising siya muli.

"Bathala, " naiinis na tawag ng Diyos ng araw, si Apolaki, "Wala na ang iyong kabiyak! Sa oras na siya'y magising, ang halimaw na ang—"

"Hindi halimaw si Sitanya!" tila gumalaw nang kusa ang aking bibig at sinigaw ang mga katagang 'yon. Tumingin mula ako kay Lalaine na nagsisimula nang gumalaw. Umaarko ang katawan nito habang unti-unti siyang bumabangon. Napaatras ako agad habang mahigpit ang pagkakahawak sa sanggol.

"Bathala..." rinig kong usal ni Lalaine. Lumaki ang mga mata ko sa narinig. Kaboses niya na nag ahas na nakasalamuha namin kanina.

Totoo nga bang sumanib sa katawan niya ang Ulilang Kaluluwa?

Tumawa ito at tumaas ang mga balahibo ko sa katawan. Hindi ko alam kung si Lalaine pa nga ba ang gumaganap sa tauhang 'yon, subalit sigurado ako na si Sitanya, ang asawa ni Bathala, ay nasakop na nung halimaw na 'yon.

"Paslangin mo ako muli!" bulalas nito at humalakhak. "Paslangin mo ang iyong tinatangi!"

"May pag-asa pang matalo siya, Bathala." komento ni Dian Masalanta, "kailangan mo lamang siyang tapusin ngayon din bago pa matapos ang pagsanib niya kay Sitanya!"

Marami pang sigaw ang narinig ko subalit wala akong tinugon sa kanila ni isa. Naguguluhan ako. Nasa loob kami ni Lalaine ng libro at ginagampanan niya ang karakte ni Sitanya. Hindi ko magagawang paslangin siya ngayo't wala akong kasiguraduhan kung ligtas parin ba siya pag-alis namin dito!

Paano na lamang kung kasabay ng pagpatay ko kay Sitanya ay siya ring pamamaalam ni Lalaine? Hangga't wala akong paraan para malaman kung naroroon pa ba sa katawang 'yon si Lalaine, hinding-hindi ko siya aatakihin.

"Himatulugin!" rinig kong sigaw ni Apolaki at tsaka sumenyas sa kaniyang mga kasamang Diyos. Huli na nang malaman ko kung anong ibigsabihin no'n.

Sabay-sabay na nilang inatake si Sitanya.

"Huwag!" sigaw ko habang pinanunuod si Sitanya na tinamo lahat ng kanilang atake. Tumusok lahat ng pana sa kaniyang katawan, mga sibat, pati narin ang mga patalim. Nagkasunog-sunog din ang kaniyang balat at halos malusaw na ang kaniyang kalamnan.

Hiraya ManawariTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon