LALAINE ROSE GUTIERREZ
"Shh! Baka magising si Lalaine!"
"Eh Mama, matutunaw na po 'yung cake! Gisingin na natin si ate."
"Takaw mo talagang bata ka."
"Kailan mo balak magpanggap na tulog diyan?" tanong ni Zuriel na nakaupo ngayon sa higaan ko.
Siniksik ko lang ang mukha ko sa unan, "Gusto kong magpahinga." inaantok ko pang saad. "Masyado akong napagod kagabi."
"Pinuyat ba kita?" tanong ni Zuriel. Mabilis akong napalingon sa kaniya at nakita ko ang ngisi sa mga labi niya. Sumalubong ang mga kilay ko at tsaka umiwas ng tingin.
Naramdaman ko ang pag-init ng mga pisngi ko, "Tumahimik ka. Kung ano-ano na namang pinagsasabi mo."
"Ikaw na nga lamang ang nakaririnig at nakakikita sa'kin, ipagtatabuyan mo pa ako." rinig ko pang pagda-drama niya. Bumagsak nalang ulit ako sa unan at hindi siya sinagot. Naramdaman ko siyang tumayo mula sa higaan kasabay ng pagtunog ng aking pintuan. Dumaing ako nang may mabigat at malambot na dumagan sa akin.
"Ate Lalaine! Gising na! Gutom na ako!" makulit na bulalas ni Lander. Ngumiti nalang ako at niyakap ang maliit at mataba kong kapatid. Dalian ko siyang kiniliti kaya narinig ko kaagad ang tawa niyang nakakahawa. Sinabayan ko nalang din siya at tila napawi narin ang aking pagod.
"Happy Birthday, anak!" magkasabay na bati nina Mama at Papa. Umalis na si Lander sa ibabaw ko at bumangon na ako mula sa pagkakahiga. Nilapitan ako ni Mama at hinalikan sa aking noo. Lumapit naman silang lahat sa akin at yumakap.
Hindi maalis ang ngiti sa mga labi ko.
Wala parin talagang makatatalo sa pagmamahal ng isang pamilya.
"Tara na't bumaba ate! Ang daming niluto ni Mama para sa'yo!" bulalas ni Lander pagkatapos niyang kumalas. Tumawa nalang ang mga magulang ko at niyaya narin akong bumaba. Hinayaan ko lang silang mauna habang nag-aayos ako sa aking kwarto. Sinabayan din ni Zuriel ang mga magulang ko pagbaba noong sinamaan ko siya ng tingin habang ako'y magsisimula palang ng araw.
May balak yata kasing panuorin ako habang nag-aayos.
Matapos kong maligo ay pumili na ako ng susuotin ko. Mapalad nga naman ako at wala akong pasok tuwing martes tapos nataon pang ngayon birthday ko. Masaya ako dahil kasama ko ang pamilya ko ngayong araw dahil alam ko, maraming tao sa mundo na hindi nabigyan ng ganitong pagkakataon.
Bumuntong hininga ako at napatigil sa pagsipat ng mga damit.
Katulad nalang ni Zuriel.
Pumili ako ng susuotin at tinignan ang sarili ko sa salamin. Nakasuot ako ngayon ng isang pulang bistida na umaabot sa aking tuhod, pabalon nang kaonti mula sa bewang, at ang taas naman nito'y walang manggas. Tinernuhan ko ito ng kulay itim na sandals at tinali na ang itim kong buhok pataas. Nang sa tingin ko'y maayos na ang itsura ko ay napagdesisyonan ko nang lumabas ng kwarto.
Pagbaba ko ay sinalubong agad ako setup na hinanda sa'kin ng pamilya ko. Sa pader ng aming hapagkainan, nakasabit ang pulang kurtina na may nakakabit na mga salitang "Happy 18th Birthday, Lalaine." Tapos may mga lobo ring nakalutang sa kisame habang may mga nakalawit na makukulay na mga papel. Marami ring bulaklak ang nagkalat sa paligid na iba-iba ang kulay.
Nilapitan ako ni Papa na may dala-dalang cake habang malaki naman ang ngiti ni Mama habang nasa tabi siya nito, "May dalaga narin kami sa wakas."
"Wish ka muna ate!" sigaw ni Lander habang sumasandok ng spaghetti sa plato niya. Napabungisngis nalang ako. Kumukuha na kasi agad si Lander ng pagkain, e hindi pa nga nagsisimula ang handaan talaga.
BINABASA MO ANG
Hiraya Manawari
PertualanganIsang babaeng itim ang buhok na umaalon hanggang sa tuhod, mga matang kayumanggi, at labing simpula ng rosas. Katawan niya'y nakalubog sa tubig at puting bistida'y sumasayaw sa ilalim. Iniangat niya ang kamay, sambit ang mga katagang, "Tulungan mo a...