Kabanata Apat: Pag-uwi

2.7K 151 15
                                    

LALAINE ROSE GUTIERREZ

"Lalaine.."

Bumuga ako ng hangin at umupo sa harapan ng anyong tubig na kinalalagyan nung misteryosong babae. Kasama ko na naman 'tong isang 'to. Nakatingala siya sa akin at tinititigan ako nang may pag-aalala ng mga kayumanggi niyang mata, "Kailangan mong gumising."

"Alam ko," tugon ko at niyakap ang aking mga tuhod, "pero pagbumalik ako, baka hindi ko lamang magustuhan ang dadatnan ko. Na-kidnap kaya ako." dugtong ko.

Lumangoy ang babae mula sa kaniyang pwesto at nilapitan ako. Kahit tila nakakulong siya sa tubig ay sinubukan niya parin akong abutin kaso nga lang, bumangga ang kaniyang palad sa tubig at hindi ito nakaahon. Para kasing naging matigas ang tubig sa oras na tangkain niyang umalis.

"Gusto mo ba ng aking tulong? Gamitin mo ako, Lalaine." pakiusap nito. Tinignan ko ang bistida nitong sumasabay sa indayog sa ilalim ng tubig at ang mahaba niyang itim na buhok na kumikinang sa sinag ng buwan.

Sa totoo lang, naaawa ako sa isang 'to. Kung dati ay hindi ko siya madalas pinapansin dahil alam kong imposible naman siyang magkatotoo at baka bunga lang talaga siya ng imahinasyon ko, pero ngayon, sa pagsulpot ng mga nilalang na tulad ni Zuriel, sa tingin ko ay totoo rin ang misteryosong babaeng 'to.

Hindi lang siya isang panaginip.

"Ano naman ang kapalit ng tulong mo?" tanong ko sa kaniya kahit may ideya na ako kung ano ang kaniyang hihingin.

Ngumiti ang kaniyang kulay rosas na mga labi, "Kalayaan ko."

Sasagot pa lamang ako nang bigla siyang lumangoy patungo sa ilalim. Tumayo ako mula sa aking pwesto at sinubukan siyang silipin subalit, tanging repleksyon ko na lamang sa tubig ang nakita ko.

Wala na ang babae. Hindi ko rin tanaw ang ilalim ng tubig dahil sobrang dilim.

Ito ang unang beses na nangyari ito. Ano kayang dahilan at pinili niya akong layuan ngayong siya ang laging may gustong ipagawa sa akin? Madalas ay nangungulit lang 'yun, e.

"Hiraya.."

Luminga ako sa paligid nang may marinig na tinig. Pamilyar ito subalit hindi ko matukoy kung sino.

"Manawari.."

Naramdaman ko ang pagtayo ng aking mga balahibo nang biglang dumilim ang paligid. Sinubukan kong humakbang pero tila walang katapusan ang kadilimang ito; kahit anong takbo ko'y wala akong napapala.

"Zuriel..." banggit ko sa pangalan na unang pumasok sa aking isipan. Pinikit ko ang akin mga mata at inalala ang kaniyang mukha. Itim na buhok at mga mata, labing pumoporma sa isang ngiti, at hikaw niyang kidlat na nakasabit sa tenga. Kinapa ko ang aking leeg at humawak sa kwintas na suot ko.

Mahahanap kaya ako no'n? E mukhang masayang-masaya siya kasama si Farren kanina?

Dinilat ko ang aking mga mata at sinalubong parin ako ng dilim. Nanatili akong nakahawak sa kwintas, "Papangako-pangako pero hindi naman tutuparin. Maigi pa ngang ako nalang mag-alis sa sarili ko rito."

Sa aking pagkurap ay siya ring paglitaw ng daan-daang pintuan sa aking harapan. Kusang umatras ang aking mga paa dahil sa nasilayan.

"Teka lang," gulantang kong saad, "nakakatakot nama--"

Hindi ko na natuloy ang reaksyon ko nang hindi ko na may pinto rin pala sa aking likuran na nakabukas at bumagsak ako papasok dito nung umatras ako kanina.

"Aray!" daing ko habang bumabangon. Nakailang kurap ako bago ko makita ang pares ng mga matang nakatitig sa akin. Nalunok ko ang aking sigaw nang marinig ko ang ugong ng boses nito. Hindi ko siya maintindihan kaya't mas minabuti ko na lamang na itulak siya palayo sa akin at tsaka tuluyang lumabas ng pinto. Dali-dali ko itong sinara at tsaka hinugot ang aking hininga.

Hiraya ManawariTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon