Salita

140 7 2
                                    

Bente anyos na ako, at sa labing-apat na taon kong pagkakaintindi ng mga pag-uusap, pakikipag-usap, at pinag-uusapan, natutunan ko nang mahalin ang primerang kagamitan natin ng usapan: ang mga salita.

Iyon na rin siguro ang dahilan kung bakit napadpad ang mga daliri ko sa kalsada ng papel. Kung bakit pinili kong ipahid sa espasyo ang mga gusto kong pag-usapan.

At sa ilang taon kong malalim na pagtangkilik sa mga salita, nalaman kong hindi mahina ang mga sinasabi ng tao, bagkus ay sobrang makapangyarihan nga. Ang kaso madalas, hindi nalalaman ng tao ang epekto ng kanyang mga salita, lalo na ang mga naibubulatlat nila nang walang ingat.

Paano ko ba ihuhubog ang mga salitang walang ingat na binibigkas? Marahil ay, kumpara sa basura, iyon ay ang mga maliliit na balat ng kendi na basta-basta na lang ibinabagsak sa kalsada. Naiipon, dumarami, at bumabara sa mga kanal. Ngunit hindi babaha hanggat hindi umuulan.

O, kumpara sa paggagayat ng sibuyas, ay yaong pagdulas ng kutsilyo sa makinis nitong laman at pagkakahiwa sa daliri natin. Maiiyak tayo, at aakalain nating dahil iyon sa mahapding sugat sa daliri. Mali ang akala natin.

Huwag na tayong lumayo. Sa ating pagsusulat, kung gumagamit man tayo ng ballpen at papel, ay bigla na lang mauubusan ng tinta. Mayayamot tayo, ngunit dahil sa wala naman na tayong masulat.

Ganyan ang salitang walang ingat na sinasambit. Nakakapangamba, nakakasakit, nakakairita. At pangit ang salitang walang kontrol. Upang gumanda ang pananalita natin, kailangan lang natin maging maingat. Dahil ang salita ay ang umaapaw na emosyon sa ating puso. Kung maganda ang sinasalita, maganda ang pinagmumulan.

Bawal ang Pangit DitoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon