Work-Life Balance

99 4 0
                                    

May nagtanong sa'kin. Bakit daw simula nang magkatrabaho kami parang nawalan na kami ng time sa isa't isa. Akala niya kasi, kapag may trabaho na mas kontrol na namin ang oras. Mas magkakaroon na kami ng maraming time sa isa't isa. Mas magiging madali. Pero, hindi gan'on ang nangyayari. Bakit nga kaya?

Well, maraming factors, actually. Una, noong panahon natin sa high school, akala natin ang busy na. Kumpara kasi noong elementary mas strict na sa mga gawain ang mga ma'am at sir natin. Noong college naman, akala natin sooobrang busy na natin. Mayroong 3 hrs na courses every TTh, mga thesis, programs, barkada, traffic, naging apparent na ang problema sa pamilya, sa kaibigan, sa kaibigan mo noong high school, tapos nagmahal ka, nasaktan, nagka-crush, nasaktan sa crush, at bumuo pa ng mga alaalang kailangan sa career mo.

Ang daming ginawa noong college. Akala natin college lang ang uubos sa oras natin. Pero ngayong may trabaho na tayo, ibang klase pala ang "busy" talaga. Gigising ng alas kwatro ng umaga. Kakain. Tatae. Maliligo (no choice ka). Tatlong oras na maiipit sa traffic. Tapos eight hours na trabaho. Tapos forty-five minutes na pagtayo sa bus. Forty five minutes na pag-upo sa bus. Sasakay ng jeep hanggang makababa. Maglalakad. Kakain habang nagpapahinga. Maliligo (may choice ka na). At matutulog para magising nang alas kwatro kinabukasan. Sa loob ng limang araw kada linggo. Sa loob ng apat hanggang limang linggo kada buwan. Sa loob ng labindalawang buwan kada taon. Hanggang sa mag-retire ka na. Iniisip mo pa lang nauubusan ka na ng oras. Pero ganyan talaga ang busy. Napakainosenteng isipin na mas madali na ang oras kapag may trabaho na. At isang factor pa lang 'yan.

Pangalawa, kapag nag-uumpisa pa lang tayo sa pagtatrabaho, kinakapa pa lang natin ang corporate world, nakikibagay pa sa takbo ng ibang mundo. Noong college pwede mong dalhin ugali mo sa bahay sa school, at vice versa. Ngayong may trabaho na, kasama na sa pagbubuhusan mo ng pansin ang paghihiwalay ng attitude mo sa bahay at ng attitude mo sa trabaho. Kumbaga e gagawa ka ng ibang pagkatao. At dahil nag-uumpisa pa lang, nasa blueprint pa lang tayo. Wala pang solidong output. Pinaka-busy ang work phase ng buhay natin, at ang pinaka-hectic na part ng work phase ay ang transition mula sa pagiging palamunin.

Pangatlo, ang dahilan ng feeling na busy na tayo ay...well, 'yung feeling mismo. At hindi natin dapat baliwalain ang feeling na iyon. Aminin man natin o hindi, ang perception natin sa mga bagay ang pinakamalaki ang epekto sa judgment natin tungkol sa bagay na iyon. Kung feeling natin ay busy tayo, ay busy nga tayong talaga. Kung feeling natin wala na tayong oras para sa ibang bagay, ay wala na nga tayong oras sa iba. Pero hindi naman talaga ganoon. Totoong gumagastos tayo ng malaking tipak ng araw natin para sa trabaho, pero hindi naman nauubos ang 24 hrs para doon. At may weekends pa. Holidays, vacation leaves, at kung anu-ano pang winding activities. Totoong busy tayo, pero hindi dahilan iyon para mawalan na ng puwang ang ibang bagay sa buhay natin. Hindi iyon dahilan para mawalan na tayo ng buhay. Isa lang naman ibig-sabihin ng work-life balance e. Kapag nawalan ka ng work, okay lang kasi buhay ka pa rin. Pero 'pag nawalan ka ng life, aanhin mo ang trabaho?

Ito ang rule: Gawin mong maigi ang trabaho mo habang hindi pinababayaan ang buhay mo. Mahirap 'yan, pero kung matutunan nating gawin 'yan, maaalis na ang feeling na wala na tayong oras sa isa't isa. Dahil hindi naman talaga nawawala.

Finally, kung mayroon kayong mahal sa buhay na nagtatampo dahil feeling nila ay wala na kayong oras sa kanila, iparamdam n'yo sa kanilang mali ang feeling nila. Set up dates for you, hindi mahalagang magarbo. Ang mahalaga magkakasama kayo, at 'wag n'yong iwawaglit ang tingin niyo sa kanila pwera lang kung may ipapakita sila sa inyo. Tandaan niyong noong mga panahong parang walang pumapansin sa inyo, binigyan nila kayo ng affection na kailangan n'yo. Ngayong may trabaho na kayo, it's time to repay them...with quality time.

Bawal ang Pangit DitoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon