Pagkagising ko, nakita ko na sa Fb ang mga naghuhumiyaw na "Congrats!" sa wall ko. Alas-onse ng gabi kasi ng araw ng mga kaluluwa, lumabas na ang result ng October 2017 Certified Public Accountant Licensure Examination (CPALE). So tinignan ko kaagad 'yung official result, at (pasalamat sa bumilis nang internet) nakita ko kaagad ang summary ng result: "As announced, 4,511 out of 14,816 passed the exams."
"...4,511 out of 14,816..."
Ibig-sabihin, 30.45% ang pumasa. Para sa mga kasapi ng 30.45% na iyon, isang malaking congratulations! Isipin mo na lang isa ako sa mga nagpo-post sa wall mo ng "Congrats!" Alam kong umiiyak ka ngayon sa tuwa, dahil alam kong sobrang sarap ng pakiramdam ng makapasa sa isang bagay na pinaghirapan mo talaga. Alam kong pinaghirapan mo. Pinaghirapan ko rin kasi.
Pero 'tong post na 'to, well, para d'on sa mga natitira. Sa mga umiiyak dahil sa ibang dahilan. Sa mga kasapi sa 69.55%. Sa mga hindi nakapasa. Hello po.
Nag-search ako kaagad kung ano bang pwedeng sabihin sa mga kaibigan mong hindi nakapasa sa mga exam katulad ng CPALE, kasi engot ako at wala akong alam sa mga ganitong bagay. Kaso hindi ko na-trip-an mga abiso n'ong author. Magaganda naman, kaso masyadong play-safe para sa'kin. Kaya, eto, sumusulat ako ng sarili kong version ng kung anong pwedeng sabihin. Mula sa puso ko, sana matanggap mo...
Una, sabi sa nabasa ko 'wag ko raw sabihing "Congrats! You still did your best!" kasi sarcastic daw ang tono, at baka raw maisip mong ginawa mo na nga 'yung best mo, PERO bumagsak ka pa rin...which is true, by the way. Lahat naman ng nag-take, ginawa 'yung best nila. Alam ko. Kasi isa rin ako sa lahat ng iyon. Pero 'wag kang makulong sa kaisipang "PERO bumagsak pa rin ako." Wag mong kalimutang tao ka, nag-i-improve. Pwedeng mangyari maging better ka pa rin sa best mo. So, kahit masakit at sugatan ka pa, gusto pa rin kitang i-congratulate. You did your best! You tried your hardest! At tandaan mong walang nakakahiya sa katotohanang ginawa mo ang makakaya mo sa isang bagay na gusto mo.
Pangalawa, hindi ko alam kung ilang beses mong hinanap 'yung pangalan mo sa listahan ng mga nakapasa. Siguro maraming beses mong pinasadahan 'yung mga pangalan kung saan kabilang 'yung apelyido mo, iniisip na baka hindi naman alphabetically arranged 'yung pagkakalagay at baka nasa dulo o unahan lang 'yung sa'yo o nasa gitna ng "J" at "K" kahit "N" umpisa ng first name mo. At hindi ko alam kung ilang beses mong hindi nakita 'yung pangalan mo. Pero sigurado ako, na hindi mo kaagad natanggap ang nangyari. O kung tanggap mo naman, good for you. Pero d'on sa mga hindi makatanggap, sasabihin ko sa inyo kung anong sinabi ni Mama sa'kin n'ong tanungin ko siya kung anong pwede kong sabihin (verbatim): "E, wala na tayong magagawa." Wala ka nang magagawa. Kumbaga sa pera, sunk cost na, walang ROI. Baligtarin man natin ang mundo, hindi ka pa rin pumasa. Pero kung ang pera naibabalik, ang pagsisikap hindi. Ang effort, hindi. Ang mga sakripisyo, hindi. Ang oras, hindi. Anong ibig kong sabihin? Wala na tayong magagawa sa mga bagay na naibigay na natin. Pero may magagawa pa tayo sa mga bagay na gagawin pa lang natin. So, kahit masakit at sugatan ka pa, gustong kong i-encourage ka na titigan ang failure mo na ito at kuhanin ang lahat ng pwedeng matutunan. You failed, yes, but you're not a failure. Pag may nagsabi sa'yong failure ka, resbakan natin. Kasuhan natin sa korte.
Pangatlo. Nasabi kong masyadong play-safe 'yung mga advice na nabasa ko. Lahat kasi ng nabasa kong advice (mga isa), ang sinasabi lang e 'wag mong biruin 'yung gan'ong pangyayari, na 'wag magsalita ng mga insensitive na bagay. Pero para sa'kin, relative 'yan. Kung may kaibigan kang masakit magbiro sa ibang tao (kung saan e natatawa ka rin naman), alam kong hinihiling mo na sana masakit pa rin siyang magbiro tungkol sa pagbagsak mo. Na iparamdam niyang walang nagbago sa pagkakaibigan n'yo. Isa kasi sa pinakanakakasakal na pakiramdam e 'yung mabigo mo 'yung mga kaibigan mo, o 'yung mga mahal mo sa buhay, o ang lahat ng mga taong nagsabi sa'yong "Kaya mo 'yan! Makakapasa ka!" pero n'ong bumagsak ka e wala nang sinabi sa'yo na para ka nang hangin. Ta's 'yung kaibigan mong masakit magbiro? Ayun, wala ring sinasabi. O kung meron man, "Okay lang 'yan," ang sasabihin. May kakaibang awkward feeling na hindi mo naman dati nararamdaman. Parang ang layo nila. Parang walang nakakaintindi sa'yo. Sa tingin ko, hindi mo maiiwasan 'tong mga pakiramdam na 'to. Gusto ko lang ipaalala sa'yo na kahit hindi man nila maipadama sa'yo, o hindi man nila masabi nang maayos, lahat ng mga taong sumuporta sa'yo e nasa likod mo pa rin. Kumbaga e nakaalalay pa rin sila sa likod mo, pero medyo off nga lang kung saan nakalagay 'yung mga kamay nila.
Pang-apat, kung makalagpas ka sa "awkward" na sitwasyon na nasabi ko sa pangatlo, pwede ka nang umiyak sa balikat nila. Ilabas mo lahat ng frustrations mo. Sabihin mo, ginawa mo lahat ng kaya mo. Na sayang 'yung pinagpaguran mo. Walastik kasi 'yung TAX (o sa kahit anong subject ka mahina), wala kang nasagutan! Bwiset 'yung MAS (o kahit anong subject ka magaling), akala mo panghatak paakyat, e mukhang hinatak pa grades mo pababa! Nakakainis rin 'yung mga proctor na ang iingay kahit nag-e-exam na, tsaka 'yung maliit at mababang armchair, hindi ka tuloy nakapag-concentrate! Tsaka nakakairita 'yung ingay n'ong pagtatasa n'ong kasama mo sa room! Bwiset lahat ng distractions n'ong apat na araw kang nag-exam! Murahin mo lahat ng pwedeng murahin! Sisihin mo lahat ng pwedeng sisihin! At sa bandang-huli, kapag masakit na ang lalamunan at lumamig na 'yang ulo mo, unti-unti mo nang tanggapin na wala namang may kasalanan sa pagbagsak mo, maski ikaw. Talagang nagkataon lang na hindi ka pumasa, at kailangan mong matanggap muna 'tong katotohanan na 'to bago mag-move on at sumubok ulit. No excuses. Ngayon, kung hindi ka makalagpas sa "awkward" na stiwasyon na sinabi ko sa pangatlo, umiyak ka pa rin sa balikat nila. Sigurado akong aagapay sila sa'yo at magtitiyagang makinig sa mga reklamo mo.
Panglima. Natawa ka dati n'ong sinabi ng mga reviewer mo na, "Naku, 'pag bumagsak naman, ang sasabihin, 'God has a plan for me'," pero ngayon 'yan 'yung pinakakomportableng quotable quote na tinatakbuhan mo. Hindi kita masisisi. O kung may iba ka pang quotes na matatakbuhan, go lang. Pero kahit anong iwas mo, dadaanan mo pa rin ang pagkakataong ito: decision making. Susubok ka ba ulit o susuko ka na? Pinakamadalas na isasagot siguro e "Walang susuko!" at mabuti iyon; pero para sa mga taong gusto nang sumuko, 'wag kang mag-alala. Hindi ka nagkakasala. Yung tanong kasi na kung susubok ka ba o susuko ka na e sa konteksto lang ng pagiging CPA—hindi sa kabuuan ng buhay mo. Nag-aalala lang ako na baka dahil sa (at least) limang taon mong pagtitig sa Accountancy e lumabo na paningin mo sa ibang aspeto ng buhay. So, kung sumuko ka man sa pagiging CPA, 'wag kang susuko sa buhay. Kung sa tingin mo e hindi talaga para sa'yo ang pagiging CPA, maghanap ka ng bagong pangarap. At sana e hindi mo pagsisihang pinangarap mong pumasa sa nakaraang October 2017 CPALE.
Dito ko na tatapusin. Kung hindi mo nagustuhan 'tong nabasa mo sa'kin, pasensya ka na. Kung kailangan mo ng tulong higit sa nabasa mo rito, tumingin ka sa mga mahal mo sa buhay. Mas kilala ka nila. Pero sinisigurado ko sa'yo, kung anong nabasa mo rito e nanggaling sa kaibuturan ng puso ko. Kung sa tingin mo e hindi ako credible sa mga sinabi ko, okay lang. Hindi naman kasi ako advice guru. Hindi ako ang Rabbi. Pero sana makatagpo ka ng kahit kaunting comfort sa katotohanang kasama ako sa inyo, sa 69.55%.
Tama. Hindi rin ako nakapasa (tinignan ko ulit 'yung List para makasigurado). Yung mga nakita kong "Congrats!" sa wall ko e hindi para sa akin, kundi para sa iba kong mga kaibigan (meron pa 'atang tungkol sa pagpapalit ng relationship status?). Kaya 'tong sulat na 'to e para sa mga hindi nakapasa, mula sa kapwa n'yo hindi nakapasa. Sabay-sabay nating pasalamatan lahat ng sumuporta at susuporta pa sa'tin, anuman maging desisyon natin. Yung desisyon ko? Hmm. Well, matagal ko nang pangarap maging writer, so siguro doon ako mag-uumpisa.
BINABASA MO ANG
Bawal ang Pangit Dito
RandomEssays po sa kung paano mapapaganda ang buhay mo. Well, mostly.